Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kailan Magaganap ang Digmaan ng Armagedon?

Kailan Magaganap ang Digmaan ng Armagedon?

‘Nakita ko, at, narito! isang malaking pulutong, na hindi mabilang ng sinumang tao, mula sa lahat ng mga bansa at mga tribo at mga bayan at mga wika ang lumabas mula sa malaking kapighatian.’​—APOCALIPSIS 7:9, 14.

MASASABING malapit na ang digmaan ng Armagedon. Bakit?

Umiiral na ngayon ang isang pandaigdig na samahan ng mga taong naglilingkod kay Jehova at namumuhay ayon sa mataas na pamantayang moral ng Bibliya. Sa tulong ng Diyos, milyun-milyon mula sa lahat ng bansa, tribo, at wika ang natitipon para bumuo ng isang nagkakaisa at maibiging kapatiran. Makikita iyan sa mga Saksi ni Jehova.​—Juan 13:35.

Malapit nang tipunin ni Satanas ang kaniyang mga hukbo para ilunsad ang kaniyang pinakamatinding pagsalakay sa mapagpayapa at tila walang-kalaban-labang mga taong ito. (Ezekiel 38:8-12; Apocalipsis 16:13, 14, 16) Paano mo matitiyak ang bagay na iyan? Inilalarawan sa Bibliya ang espesipikong mga pangyayari na tutulong sa atin na malaman kung kailan magaganap ang digmaan ng Armagedon. Marami sa mga pangyayaring ito ang natutupad na.

Mga Pangyayaring Nakikita Mong Natutupad

Ang mga alagad ni Jesus ay nagtanong sa kaniya kung paano malalaman ng mga tao kung kailan magsisimula ang “katapusan ng sistema ng mga bagay.” (Mateo 24:3) Sa sagot ni Jesus, tinukoy niya ang isang panahon kung kailan “ang bansa ay titindig laban sa bansa at ang kaharian laban sa kaharian, at magkakaroon ng mga kakapusan sa pagkain at mga lindol sa iba’t ibang dako.” Pagkatapos ay sinabi niya: “Ang lahat ng mga bagay na ito ay pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.” (Mateo 24:7, 8) Inilarawan ni apostol Pablo ang panahon ding iyon bilang “mga huling araw,” at sinabi niyang ang mga araw na iyon ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Sa palagay mo, nagaganap na ba ngayon ang mga hulang iyan?

Bakit magiging napakahirap ng panahong iyon? Sinabi ni apostol Juan ang dahilan. Inihula niya na magkakaroon ng isang “maikling yugto ng panahon” kung kailan sa lupa na lang makakakilos si Satanas at ang kaniyang mga demonyo. Sa panahong iyan, sinasabing may “malaking galit” si Satanas. (Apocalipsis 12:7-12) Napapansin mo bang nagiging magagalitin din at mararahas ang mga tao sa ngayon, hindi lang sa isang lugar kundi sa buong daigdig?

Sinabi rin ni Jesus na sa napakahirap na panahong iyan, isang pambihirang gawain ang maisasakatuparan. “Ang mabuting balitang ito ng kaharian [ng Diyos],” ang sabi niya, “ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa; at kung magkagayon ay darating ang wakas.” (Mateo 24:14) Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova ay nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos sa mahigit na 235 lupain. Ibinabahagi nila ito sa mahigit na 500 wika. Ang dalawang salig-Bibliyang magasin na inilalathala nila, ang Bantayan at Gumising!, ang pinakamalawak na naipamamahagi sa buong mundo. Naisalin na rin ng mga Saksi ang Bibliya sa mga 100 wika. Ang gawain nila ay isinasagawa ng mga boluntaryo at pinopondohan ng kusang-loob na mga donasyon. Katuparan kaya ng hula ni Jesus ang kamangha-manghang pangangaral na ito?

Binabanggit din ng Bibliya ang mga pangyayaring hahantong sa digmaan ng Diyos na Jehova at ng mga sumasalansang sa kaniya. Isaalang-alang ang tatlo sa gayong mga hula na makikita mong natutupad.

Mga Pangyayaring Malapit Mo Nang Makitang Nagaganap

Hula 1. Sinasabi ng Bibliya na ang mga bansa ay maglalabas ng isang napakahalagang deklarasyon ng “kapayapaan at katiwasayan.” Iisipin nilang malapit nang malutas ang pangunahing mga problema sa daigdig. Pero ang mga pangyayaring kasunod ng mga pananalitang ito ay malayung-malayo sa kapayapaan.​—1 Tesalonica 5:1-3.

Hula 2. Pagkatapos, babalingan ng iba’t ibang pamahalaan ang mga relihiyon sa buong daigdig. Sa Bibliya, ang mga pamahalaang ito ay isinasagisag ng isang mabangis na hayop; at ang mga huwad na relihiyon naman ay isinasagisag ng isang babaing nakasakay sa hayop. (Apocalipsis 17:3, 15-18) Gagawin ng makasagisag na hayop kung ano ang gusto ng Diyos na ipagawa rito​—ang lipulin ang mga relihiyong nag-aangking kumakatawan sa Diyos.

Ganito inilarawan ni apostol Juan ang kaganapang iyon: “Ang sampung sungay na iyong nakita, at ang mabangis na hayop, ang mga ito ay mapopoot sa patutot at gagawin siyang wasak at hubad, at uubusin ang kaniyang mga kalamnan at lubusan siyang susunugin sa apoy. Sapagkat inilagay iyon ng Diyos sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan.”​—Apocalipsis 17:16, 17.

Hula 3. Pagkatapos ng matagumpay na pagsalakay na ito sa huwad na relihiyon, titipunin naman ni Satanas ang mga bansa para salakayin ang mga mananamba ng Diyos na Jehova.​—Apocalipsis 7:14; Mateo 24:21.

Ano ang Magiging Epekto Nito sa Iyo?

Kung hindi mo pa napag-aaralang mabuti ang Bibliya, baka hindi ka maniwala na magaganap nga ang binanggit na mga pangyayari. Pero makaaasa kang matutupad ang lahat ng detalye ng mga pangyayaring iyan at malapit na itong maganap. Patunay rito ang mahabang listahan ng mga hula sa Bibliya na natupad na. *

Bakit hindi maglaan ng panahon para malaman kung bakit kumbinsido ang mga Saksi ni Jehova na malapit na ang “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” at kung bakit hindi ka dapat matakot dito? Puwede mo silang hilingan na ipaliwanag sa iyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya na dapat mong gawin para mapabilang sa mga ipagsasanggalang ng Diyos na Jehova. (Apocalipsis 16:14) Maaaring mabago ng iyong matututuhan ang pangmalas mo sa hinaharap.

[Talababa]

^ par. 17 Para sa mga katibayan na natupad ang mga hula sa Bibliya, tingnan ang kabanata 2 at 9 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 8]

Katuparan kaya ng hula sa Bibliya ang gawain ng mga Saksi ni Jehova?