Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Kapag Nag-aalinlangan ang Iyong Anak na Tin-edyer sa Inyong Relihiyon

Kapag Nag-aalinlangan ang Iyong Anak na Tin-edyer sa Inyong Relihiyon

Sa kanilang paglaki, pinipili ng maraming tin-edyer ang relihiyon ng kanilang mga magulang. (2 Timoteo 3:14) Pero hindi lahat ay ganiyan. Ano ang puwede mong gawin kapag nag-aalinlangan sa inyong relihiyon ang lumalaki mong anak? Tatalakayin sa artikulong ito kung paano hinaharap ng mga Saksi ni Jehova ang gayong sitwasyon.

“Basta, ayoko na sa relihiyon ng mga magulang ko.”​—Cora, 18. *

KUMBINSIDO kang ang inyong relihiyon ang nagtuturo ng katotohanan tungkol sa Diyos. Naniniwala kang itinuturo ng Bibliya ang pinakamabuting paraan ng pamumuhay. Kaya natural lang na ituro mo sa iyong anak ang iyong mga paniniwala. (Deuteronomio 6:6, 7) Pero paano kung sa paglaki niya ay mawalan siya ng interes sa espirituwal na mga bagay? Paano kung pag-alinlanganan niya ang inyong relihiyon na gustung-gusto niya noong bata siya?​—Galacia 5:7.

Kapag nangyari iyan, huwag mong isiping nabigo ka. Baka naman may iba pang dahilan. Pero tandaan: Nakadepende sa pagharap mo sa pag-aalinlangan ng iyong anak na tin-edyer kung pipiliin niya o tatanggihan ang iyong relihiyon. Kung pagagalitan mo ang iyong anak, para ka na ring naghamon ng away​—isang away na mas malamang na talo ka.​—Colosas 3:21.

Makabubuting sundin ang payo ni apostol Pablo: “Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away, kundi kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikadong magturo, nagpipigil.” (2 Timoteo 2:24) Paano mo maipakikitang ‘kuwalipikado kang magturo’ kapag nag-aalinlangan ang iyong anak na tin-edyer sa inyong relihiyon?

Gumamit ng Pang-unawa

Una, alamin mo kung bakit nagkaroon ng gayong kaisipan ang iyong anak. Halimbawa:

  • Pakiramdam ba niya’y wala siyang kaibigan sa kongregasyong Kristiyano? “Dahil gusto kong magkaroon ng mga kaibigan, nakipagbarkada ako sa aking mga kaeskuwela kaya matagal akong napalayo sa Diyos. Nawalan ako ng interes sa espirituwal na mga bagay dahil sa masasamang kasama, at ngayon, pinagsisisihan ko ito.”​—Lenore, 19.

  • Kulang ba siya ng tiwala sa sarili, anupat nahihirapang ipakipag-usap ang tungkol sa kaniyang paniniwala? “Noong nag-aaral pa ako, nahihiya akong ipakipag-usap sa mga kaklase ko ang aking mga paniniwala. Baka kasi tuksuhin nila akong ‘weird’ o ‘pastor.’ Kapag iba ka, aayawan ka nila. Ayokong mangyari iyan sa akin.”​—Ramón, 23.

  • Nahihirapan ba siyang mamuhay ayon sa mga pamantayang Kristiyano? “Para sa akin, ang pangako ng Bibliya na walang-hanggang buhay ay parang nasa tuktok ng isang mataas na hagdan, at napakalayo ko pa mula sa unang baytang nito. Dahil sa sobrang takot na umakyat sa hagdan, naisip kong talikuran na lang ang relihiyon ko.”​—Renee, 16.

Kausapin ang Iyong Anak

Ano nga kaya ang nasa isip ng iyong anak na tin-edyer? Ang pinakamabuti ay tanungin siya! Pero huwag mong hayaang mauwi sa pagtatalo ang inyong pag-uusap. Sa halip, sundin ang payo ng Santiago 1:19: “Maging matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita, mabagal sa pagkapoot.” Maging mahinahon. Magpakita ng “mahabang pagtitiis at sining ng pagtuturo,” gaya ng gagawin mo sa isang di-kapamilya.​—2 Timoteo 4:2.

Halimbawa, kapag ayaw dumalo ng iyong anak sa mga Kristiyanong pagpupulong, alamin mo kung bakit. Pero maging mahinahon. Sa senaryong ito, hindi naabot ng magulang ang puso ng anak.

Anak: Basta, ayoko na pong dumalo ng pulong.

Tatay: [pagalit] Ano’ng ibig mong sabihin na ayaw mo nang dumalo?

Anak: Nakakainip kasi e!

Tatay: Ano, kinaiinipan mo ang Diyos? Aba, hindi maganda ’yan! Habang nasa poder kita, dadalo ka​—sa ayaw mo’t sa gusto!

Hinihiling ng Diyos sa mga magulang na turuan nila ang kanilang mga anak tungkol sa kaniya at na sundin ng mga anak ang kanilang mga magulang. (Efeso 6:1) Pero ayaw mo rin naman na maging sunud-sunuran sa iyo ang anak mo at mapilitan lang na sumama sa mga Kristiyanong pagpupulong. Hangga’t maaari, gusto mong gawin niya ito nang bukal sa puso.

Magagawa mo iyan kung mauunawaan mo ang dahilan kung bakit siya nag-aalinlangan. Tingnan natin kung paano sana kinausap ng tatay ang kaniyang anak.

Anak: Basta, ayoko na pong dumalo ng pulong.

Tatay: [mahinahon] Bakit naman?

Anak: Nakakainip kasi e!

Tatay: Nakakainip nga na maupo nang isa o dalawang oras. Pero bakit ka ba talaga naiinip?

Anak: Ewan ko po, basta ayaw ko lang dun.

Tatay: Ganiyan din ba ang nadarama ng mga kaibigan mo?

Anak: ’Yan nga po ang problema! Wala akong kaibigan. Mula nang lumipat sa ibang lugar ang best friend ko, wala na akong makausap! Lahat sila masaya. Ako lang ang hindi!

Dahil sinikap ng tatay na masabi ng kaniyang anak ang nasa isip nito, natukoy niya ang talagang problema​—pagkalungkot. Bukod diyan, nakuha rin niya ang tiwala ng kaniyang anak anupat nagpatuloy ang kanilang pag-uusap.​—Tingnan ang kahong  “Maging Mahinahon!”

Sa paglipas ng panahon, natututuhan ng maraming kabataan na kapag hinarap nila ang mga hamon sa kanilang espirituwal na pagsulong, karaniwan nang gumaganda ang pananaw nila sa kanilang sarili at sa kanilang relihiyon. Isaalang-alang natin si Ramón, ang kabataang nahihiyang magpakilala na isa siyang Kristiyano noong nag-aaral pa siya. Nang maglaon, napatunayan ni Ramón na hindi naman pala nakatatakot na ipakipag-usap ang kaniyang paniniwala​—kahit na tuyain pa siya. Ikinuwento niya:

“Minsan, may nanukso sa akin sa paaralan dahil sa aking relihiyon. Kinabahan talaga ako dahil napansin kong naririnig iyon ng buong klase. Binaligtad ko ang usapan at siya ang tinanong ko tungkol sa kaniyang paniniwala. Nagulat ako nang mapansin kong mas kinabahan siya kaysa sa akin! Noon ko napag-isip-isip na hindi naman pala naiintindihan ng maraming kabataan ang kanilang relihiyosong paniniwala. Pero ako, kaya ko namang ipaliwanag ang aking paniniwala. Oo, pagdating sa pakikipag-usap tungkol sa relihiyon, ang mga kaklase ko ang dapat mahiya​—hindi ako!”

SUBUKAN ITO: Tanungin ang iyong anak kung ano ang nadarama niya tungkol sa pagiging Kristiyano. Ano sa palagay niya ang mga pakinabang nito? Ano ang mga hamon? Mas marami ba ang pakinabang kaysa sa hamon? Kung oo, bakit? (Marcos 10:29, 30) Puwedeng isulat ng iyong anak ang nasa isip niya sa isang papel na may dalawang kolum​—ang kolum sa kaliwa ay para sa mga hamon at ang sa kanan naman ay para sa mga pakinabang. Posibleng makatulong ito para matukoy niya ang kaniyang problema at masolusyonan ito.

Ang “Kakayahan sa Pangangatuwiran” ng Iyong Anak

Naobserbahan ng mga magulang at ng mga eksperto na may malaking pagkakaiba ang paraan ng pag-iisip ng mga bata at ng mga tin-edyer. (1 Corinto 13:11) Karaniwan nang mas malalim mag-isip ang mga tin-edyer kaysa sa mga bata. Halimbawa, madaling ituro sa isang bata na ang Diyos ang lumalang sa lahat ng bagay. (Genesis 1:1) Pero ang isang tin-edyer ay baka mag-isip pa: ‘Paano ko malalaman na may Diyos nga? Bakit pinapayagan ng Diyos ng pag-ibig ang kasamaan? Paano nangyaring mula’t sapol ay umiiral na ang Diyos?’​—Awit 90:2.

Baka dahil sa mga tanong na iyan ay isipin mong paurong ang pananampalataya ng iyong anak. Pero maaaring ito’y isang pasulong na hakbang. Ang totoo, ang pagtatanong ay isang mahalagang bahagi ng pagsulong bilang Kristiyano.​—Gawa 17:2, 3.

Bukod diyan, natututo ang iyong anak na gamitin ang kaniyang “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1, 2) Dahil dito, naiintindihan niya “ang lapad at haba at taas at lalim” ng pananampalatayang Kristiyano sa paraang hindi niya magagawa noong bata pa siya. (Efeso 3:18) Panahon na ito para tulungan ang iyong anak na mangatuwiran tungkol sa kaniyang mga paniniwala upang magkaroon siya ng matatag na paninindigan sa kaniyang pananampalataya.​—Kawikaan 14:15; Gawa 17:11.

SUBUKAN ITO: Ipakipag-usap ulit sa iyong anak ang mga saligang turo, anupat binabalikan ang mga paksang maaaring hindi ninyo nabigyang-pansin noon. Halimbawa, tulungan mo siyang pag-isipan ang mga tanong na ito: ‘Ano ang nakakumbinsi sa akin na may Diyos? Ano ang katibayan ko na nagmamalasakit sa akin ang Diyos? Bakit ako nakatitiyak na palaging sa ikabubuti ko ang pagsunod sa mga utos ng Diyos?’ Huwag mong igiit sa kaniya ang iyong mga pananaw. Sa halip, tulungan mo siyang magkaroon ng sariling paninindigan. Sa gayon, magiging madali na para sa kaniya na magtiwala sa pananampalataya niya.

“Nahikayat na Sampalatayanan”

Binabanggit ng Bibliya ang kabataang si Timoteo, na “mula sa pagkasanggol” ay alam na ang banal na mga kasulatan. Pero hinimok pa rin siya ni apostol Pablo: “Magpatuloy ka sa mga bagay na iyong natutuhan at nahikayat na sampalatayanan.” (2 Timoteo 3:14, 15) Gaya ni Timoteo, baka naturuan mo rin ang iyong anak tungkol sa mga pamantayan ng Bibliya mula pa nang ipanganak siya. Pero ngayon, kailangan mo siyang hikayatin para magkaroon siya ng sariling paninindigan.

Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 1, ay nagsasabi: “Habang nasa poder mo pa ang anak mo, puwede mo siyang obligahin na sumunod sa espirituwal na rutin ng pamilya. Pero ang talagang tunguhin mo ay ikintal sa puso niya ang pag-ibig sa Diyos​—hindi pasunurin siyang parang robot.” Kung iyan ang magiging tunguhin mo, matutulungan mo ang iyong anak na maging “matatag sa pananampalataya,” anupat iyon ang magiging paraan ng kaniyang pamumuhay​—gaya mo rin. *​—1 Pedro 5:9.

^ par. 4 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Ano ang reaksiyon ko kapag nag-aalinlangan ang aking anak sa mga paniniwala ko?

  • Paano ko magagamit ang materyal sa artikulong ito para iwasto ang reaksiyon ko?