Alam Mo Ba?
Ano ang altar para sa “Isang Di-kilalang Diyos” na nakita ni apostol Pablo sa Atenas?—Gawa 17:23.
▪ Maraming sinaunang mga manunulat na Griego ang bumanggit ng ganiyang mga altar. Halimbawa, ang istoryador at heograpong si Pausanias, noong ikalawang siglo C.E., ay nagsabing makikita sa Olympia ang “isang altar ng Di-kilalang mga diyos.” Ang orador at pilosopong si Philostratus naman ay nagsabing sa Atenas, ang ‘mga altar ay itinayo bilang pagpaparangal maging sa di-kilalang mga diyos.’
Ang manunulat na si Diogenes Laertius, noong ikatlong siglo C.E., ay bumabanggit ng isang tradisyong nagpapaliwanag hinggil sa pinagmulan ng “mga altar na walang pangalan.” Ayon sa kuwento, na mula pa noong ikaanim o ikapitong siglo B.C.E., nilinis ng isang taong nagngangalang Epimenides ang Atenas mula sa isang salot. Isinulat ni Diogenes: “Siya [si Epimenides] ay kumuha ng mga tupa . . . at dinala ang mga iyon sa Areopago; at doon ay hinayaan niyang magpagala-gala ang mga iyon saanman nila gusto, anupat tinagubilinan niya ang mga nagbabantay sa mga iyon na markahan ang lugar na hinihigaan ng mga tupa at maghandog ng hain sa diyos ng lugar na iyon. At dahil dito, sinasabing tumigil ang salot. Kaya naman hanggang ngayon, sa iba’t ibang bahagi ng Attica, mayroon pa ring mga altar na walang nakasulat na pangalan.”
Ang isa pang posibleng dahilan ng pagtatayo ng mga altar para sa di-kilalang mga diyos, ang sabi ng The Anchor Bible Dictionary, ay “ang takot na baka hindi mabigyang-galang ang isang di-kilalang diyos o diyosa at dahil doon ay hindi matamo ang mga pagpapala ng bathalang iyon, o kaya ay magalit iyon.”
Bakit galít ang unang-siglong mga Judio sa mga maniningil ng buwis?
▪ Noon pa man, hindi na maganda ang tingin ng mga tao sa mga maniningil ng buwis. Sa Israel noong unang siglo, sila ay itinuturing na kabilang sa mga pinakanakaiinis at pinakatiwaling tao.
Ang mga Romanong awtoridad ay humihiling ng malalaking buwis mula sa mga tao. Ang mga Romanong opisyal ang nangongolekta ng buwis sa lupa at ng buwis na pantao, pero ang pangongolekta ng buwis sa mga kalakal na iniluluwas, inaangkat, o idinaraan sa isang bayan ay ipinagagawa nila sa sinumang makapag-alok ng pinakamalaking halaga sa mga Romano. Kaya naman, nabibili ng lokal na mga negosyante ang karapatang mangolekta ng buwis sa ilang lugar. Dahil nagtatrabaho sila para sa mga Romano, ang gayong mga indibiduwal ay kinamumuhian ng kanilang mga kapuwa Judio, anupat itinuturing na “mga traidor at apostata, na pinarumi ng kanilang malimit na pakikipag-ugnayan sa mga pagano,” ang sabi ng M’Clintock and Strong’s Cyclopædia.
Ang mga maniningil ng buwis ay kilaláng mandaraya, at yumayaman dahil sa perang nakukuha nila sa kanilang mga kababayan. Tinataasan ng ilan sa kanila ang halaga ng mga kalakal na binubuwisan at ibinubulsa ang sobrang buwis, samantalang ang iba naman ay gumagamit ng maling mga akusasyon para mangikil ng pera sa mahihirap. (Lucas 3:13; 19:8) Dahil dito, ang mga maniningil ng buwis ay inihahanay sa mga makasalanan at, ayon sa The Jewish Encyclopedia, “hindi nararapat maging hukom o saksi pa nga.”—Mateo 9:10, 11.
[Larawan sa pahina 18]
Altar para sa isang di-kilalang diyos, sa mga kaguhuan sa Pergamo, Turkey
[Larawan sa pahina 18]
Romanong eskultura na naglalarawan ng maniningil ng buwis, ika-2 o ika-3 siglo C.E.
[Credit Line]
Erich Lessing/Art Resource, NY