Ang mga Kulay at Tela Noong Panahon ng Bibliya
SA Bibliya, marami tayong mababasa tungkol sa mga istilo, kulay, at materyales ng pananamit ng mga tao na nabuhay daan-daang taon na ang nakalilipas.
Siyempre pa, ang Bibliya ay hindi naman aklat para sa mga kausuhan at istilo ng damit. Pero ang gayong detalye sa mga ulat ng Bibliya ay nakatutulong para maging buháy na buháy sa isip ng mambabasa ang mga pangyayari.
Halimbawa, mababasa natin ang tungkol sa kasuutang ginawa nina Adan at Eva bilang pantakip sa kanilang hubad na katawan—panakip sa balakang na yari sa tinahing mga dahon ng igos. Pero nang maglaon, pinalitan ito ng Diyos ng mas nagtatagal na “mahahabang kasuutang balat.”—Genesis 3:7, 21.
Detalyado rin ang mga ulat ng Exodo kabanata 28 at 39 tungkol sa mga isinusuot ng mataas na saserdote ng Israel—linong panloob, mahabang damit na puti, hinabing paha, asul na damit na walang manggas, at burdadong epod at pektoral, pati na ang turbante at ang makintab na gintong lamina nito. Kapag nabasa natin kung paano pinagsama-sama ang mga mamahaling materyales para gawin ang mga kasuutang ito, mailalarawan natin sa ating isip kung gaano kaganda ang mga ito.—Exodo 39:1-5, 22-29.
Ang pananamit ni propeta Elias ay ibang-iba. Dahil dito, madali siyang makilala sa pamamagitan lang ng paglalarawan sa kaniyang hitsura: “Isang lalaki na may kasuutang balahibo, na may sinturong katad na nakabigkis sa kaniyang mga balakang.” Pagkalipas ng ilang daang taon, inisip ng mga tao na si Juan na Tagapagbautismo ay si Elias, maaaring dahil sa pagkakatulad ng kanilang mga damit.—2 Hari 1:8; Mateo 3:4; Juan 1:21.
a Ang pangunahing mga tela na binanggit ay lana mula sa hayop at lino mula sa halamang lino. Si Abel ay tinawag na “tagapagpastol ng tupa.” (Genesis 4:2) Kung si Abel man ay nag-alaga ng mga tupa dahil sa mga balahibo nito, hindi iyan binabanggit sa Bibliya. Ang pinakaunang pagtukoy ng Bibliya sa mainam na lino ay tungkol sa mga kasuutang ipinasuot ni Paraon kay Jose noong ika-18 siglo B.C.E. (Genesis 41:42) Hindi binabanggit sa Bibliya kung gumamit ang mga Judio ng koton para sa kanilang damit, pero ginamit ito noong sinaunang panahon sa mga lupain sa Gitnang Silangan.
Mga Tela at Kulay Maraming pagtukoy sa Bibliya tungkol sa mga uri ng materyales na ginagamit sa paggawa ng damit, tungkol sa mga kulay at pantina, pati na rin sa pag-iikid, paghahabi, at pananahi.Sa mga halamang lino at balahibo nanggagaling ang maiinam na hibla na iniikid para maging sinulid na may iba’t ibang kapal. Saka ito hinahabi para gawing tela. Ang mga sinulid at hinabing tela ay tinitina sa iba’t ibang kulay. Saka gugupitin ang tela ayon sa sukat ng magsusuot Hukom 5:30.
nito. Ang mga tela ay kadalasan nang binuburdahan ng iba’t ibang kulay ng sinulid para maging mas maganda at mamahalin ang mga kasuutan.—Madalas banggitin sa Bibliya ang mga kulay na asul, purpura, at krimson bilang mga pantina sa tela. Inutusan ang mga Israelita na maglagay ng “panaling asul sa ibabaw ng panggilid na palawit” ng kanilang kasuutan bilang paalaala ng kanilang espesyal na kaugnayan sa kanilang Diyos, si Jehova. (Bilang 15:38-40) Ang mga salitang Hebreo na tekheʹleth, kulay asul, at ’ar·ga·manʹ, karaniwang isinasaling “purpura,” ay mga kulay na iniuugnay sa mga kasuutan ng mataas na saserdote at sa ibang dekorasyon sa tabernakulo at templo.
Mga Dekorasyon sa Tabernakulo at Templo Ang tabernakulo sa ilang—at nang maglaon ay ang templo sa Jerusalem—ang naging sentro ng pagsamba ng mga Israelita. Kaya naman napakaraming detalyeng mababasa sa Bibliya hinggil sa paghahanda at paggagayak ng tabernakulo at ng templo ni Solomon. Bukod sa materyales at kulay, mayroon ding mga detalye tungkol sa paghahabi, pagtitina, pananahi, at pagbuburda ng mga pantakip at kurtina ng tolda.
Sa tulong at direksiyon ng Diyos, matagumpay na natapos ng mga ekspertong sina Bezalel at Oholiab, pati na ng ibang mga lalaki at babae, ang pambihira nilang atas na gumawa ng isang tolda na karapat-dapat sa pagsamba kay Jehova. (Exodo 35:30-35) Sa kabanata 26 ng Exodo, napakadetalyado ng paglalarawan sa mga materyales at sa pagtatayo sa lahat ng bahagi ng tabernakulo. Halimbawa, ang malalapad at makukulay na telang pantolda nito ay yari sa hinabing “mainam na linong pinilipit at sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura at sinulid na iskarlatang kokus.” Malamang na karamihan sa materyales na ito ay dala-dala nila noong umalis sila sa Ehipto. Talagang pinagtuunan ng pansin ang makulay at makapal na kurtinang binurdahan ng mga disenyong kerubin. Ito ang naghahati sa “dakong Banal at [sa] Kabanal-banalan” ng loobang bahagi ng tabernakulo. (Exodo 26:1, 31-33) Ang mga detalyeng ito ay inulit sa mga gagawa ng mga telang gagamitin sa templo sa Jerusalem, sa pangangasiwa ni Haring Solomon.—2 Cronica 2:1, 7.
Mula sa detalyeng iniulat sa Bibliya, nalaman natin na ang sinaunang mga Hebreo ay nagpakita ng pagkamalikhain
at kahusayan sa paggamit ng mga materyales na mayroon sila noon. Hindi lang sila basta isang lipunan na may simple at di-magandang istilo at tela ng damit, kundi isang bayan na may makukulay na istilo ng damit na ginagamit sa iba’t ibang okasyon, depende sa mga panahon ng taon at kalagayan nila sa buhay.Sinasabi ng Bibliya na ang mga Israelita ay binigyan ng isang mabuting lupain, “isang lupaing inaagusan ng gatas at pulot-pukyutan” bilang kanilang tahanan. (Exodo 3:8; Deuteronomio 26:9, 15) Habang nagsasagawa sila ng tunay na pagsamba kay Jehova, pinagpapala niya sila. Masarap ang buhay nila, masaya, at kontento. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Juda at ang Israel ay patuloy na nanahanan nang tiwasay, ang bawat isa sa ilalim ng kaniyang sariling punong ubas at sa ilalim ng kaniyang sariling puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-sheba, sa lahat ng mga araw ni [Haring] Solomon.”—1 Hari 4:25.
[Talababa]
a Para sa detalye ng mga prosesong ito, tingnan ang mga kahon.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 26, 27]
Lana at Lino
Noong panahon ng Bibliya, nag-aalaga ang mga tao ng mga tupa pangunahin nang para sa gatas at balahibo nito. Mula sa ilang tupa, ang isang tagapag-alaga ay nakakakuha ng sapat na balahibo para sa mga kasuutan ng kaniyang pamilya. Kapag marami siyang alagang tupa, nakapagbebenta pa nga siya sa mga gumagawa ng tela. Sa ilang bayan at nayon, may mga samahan ng mga negosyante ng tela. Noon pa mang sinaunang panahon, ang paggugupit sa balahibo ng mga tupa ay bahagi na ng isang buong taóng trabaho ng mga tao.—Genesis 31:19; 38:13; 1 Samuel 25:4, 11.
Ang lino, isang popular na tela ng damit, ay gawa sa mga hibla ng halamang lino. (Exodo 9:31) Ang halaman ay inaani kapag halos husto na sa gulang. Pinatutuyo sa araw ang mga tangkay ng halaman at saka ibinababad sa tubig para lumambot ang matigas na bahagi nito. Pagkatuyo, ang mga hibla ay pinupukpok at pinaghihiwalay, o pinipili, at saka iniikid para sa paghahabi. Gustung-gusto ng mga maharlika at matataas na opisyal ang mga damit na yari sa lino.
[Larawan]
Pinatuyong halamang lino bago ibabad sa tubig
[Kahon/Larawan sa pahina 27]
Pag-iikid
Ang isang hibla ng halamang lino, balahibo ng tupa, o kambing ay napakarupok at napakaikli para gamitin. Kaya maraming hibla ang pinipilipit, o iniikid, para makagawa ng sinulid ayon sa gustong kapal at haba ng isang mang-iikid. Tungkol sa “asawang babae na may kakayahan,” sinasabi ng Bibliya: “Ang kaniyang mga kamay ay iniuunat niya sa panulid, at tinatanganan ng kaniyang mga kamay ang kidkiran.” (Kawikaan 31:10, 19) Ito ay isang paglalarawan sa proseso ng pag-iikid na ginagamitan ng panulid at kidkiran, na karaniwan nang dalawang patpat lamang.
Sa isang kamay, tangan ng isang babae ang panulid habang maluwag na nakapulupot dito ang mga hibla. Gamit ang kabilang kamay, kumukuha siya ng ilang hibla, pinipilipit ang mga ito para maging sinulid, at saka ikinakabit sa pangawit na nasa dulo ng kidkiran. Sa kabilang dulo naman ng kidkiran ay may isang whorl, na nagsisilbing pabigat. Kapag pinaikot niya ang nakabiting kidkiran, napipilipit ang mga hibla hanggang sa maging sinulid. Pagkatapos, ang inikid na sinulid na ito ay ipinupulupot sa puluhan ng kidkiran, gaya ng sa isang bobina, at inuulit-ulit ang proseso hanggang sa ang lahat ng mga hibla sa panulid ay maging isang mahabang sinulid na puwede nang tinain o habihin.
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 28, 29]
Pagtitina
Pagkatapos ng pag-iikid at paglilinis, ang mga sinulid mula sa balahibo o sa halamang lino—o hinabing tela—ay tinitina sa iba’t ibang kulay. Kapag paulit-ulit na ibinababad, mas tumitingkad ang kulay. Dahil mahal ang prosesong ito, pinipiga ang materyales para magamit ulit ang sobrang tina. Saka inilalatag ang tininang sinulid o tela para matuyo.
Dahil wala pa noong sintetik na pantina, ang sinaunang mga tao ay nakagawa ng iba’t ibang kulay ng permanenteng mga tina mula sa iba’t ibang hayop at halaman. Halimbawa, ang dilaw na tina ay mula sa mga dahon ng almendras at dinikdik na balat ng prutas na granada, at ang itim na tina naman ay mula sa balat ng puno ng granada. Ang pulang tina ay nakukuha sa mga ugat ng halamang madder o sa insektong kermes. Ang asul na tina ay nakukuha sa bulaklak ng indigo. Mula naman sa pinaghalong kulay ng iba’t ibang murex sea snail nakukuha ang iba’t ibang tingkad ng mamula-mulang purpura, asul, at krimson.
Gaano karaming sea snail ang kailangan para makapagtina ng isang damit? Ayon sa isang pag-aaral, kaunti lang ang nailalabas na kulay ng isang sea snail kaya kailangan ang mga 10,000 nito para maitina sa mamula-mulang purpura ang isang mahabang damit o balabal. Noong panahon ni Haring Nabonido ng Babilonya, sinasabing ang lana na tinina sa purpura ay 40 beses na mas mahal kaysa sa lanang tinina sa ibang kulay. Dahil ang sinaunang Tiro ang kilalang pinagmumulan ng mamahaling tinang purpura, tinawag itong Tyrian purple.
[Mga larawan]
Shell ng sea snail
Isang lalagyan ng tinang purpura noong ika-2 o ika-3 siglo B.C.E. na natagpuan sa Tel Dor, Israel
[Credit Line]
The Tel Dor Project
[Kahon/Mga Larawan sa pahina 29]
Paghahabi
Isang habihan ang ginagamit sa paghahabi ng pinilipit na hibla para gawing tela. Ang grupo ng sinulid na kahanay ng kahabaan ng tela ay ang hiblang paayon [warp], at ang grupo naman na nakahabi rito sa anggulong 90° ay ang hiblang pahalang [woof o weft]. Ang mga sinulid na pahalang ay inihahabi nang salit-salitan sa ibabaw at ilalim ng mga sinulid na paayon.
Ang habihan noong panahon ng Bibliya ay maaaring pahiga, na ipinapatong sa sahig, o patindig. Ang ilang patindig na habihan ay may nakakabit na pabigat sa dulong ibaba ng mga sinulid na paayon. May mga pabigat ng habihan na natagpuan sa iba’t ibang lugar sa Israel.
Isang karaniwang gawaing-bahay ang paghahabi, pero sa ilang lugar, may mga nayon na paghahabi ang ikinabubuhay ng lahat ng naninirahan. Halimbawa, mababasa sa 1 Cronica 4:21 ang tungkol sa “sambahayan ng mga manggagawa ng mainam na kayo,” na malamang na tumutukoy sa samahan ng mga manghahabi.
[Larawan sa pahina 26, 27]
“Sinulid na asul at lanang tinina sa mamula-mulang purpura.”—Exodo 26:1