Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ano ang Masama sa Espiritismo?

Ano ang Masama sa Espiritismo?

Bata pa lang si Barbara, a mayroon na siyang nakikita at naririnig na kakaiba, at kumbinsido siyang kaya niyang makipag-ugnayan sa mga kamag-anak niyang patay na. Siya at ang kaniyang asawang si Joachim ay nagbabasa ng aklat tungkol sa okultismo at bihasa sa pagbabasa ng mga tarot card. Nabasa nila sa mga ito na magkakaroon sila ng maraming pera, at iyon nga ang nangyari nang magnegosyo sila. Isang araw, nagbabala ang mga card na may pupuntang mapanganib na mga tao sa kanilang bahay at sinabi rin ng mga ito kung paano nila ipagtatanggol ang kanilang sarili.

KAHIT waring makaluma na ang paniniwala sa okultismo, marami pa rin ang interesado sa mga kababalaghan. May mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo na nagsusuot ng mga anting-anting, gumagamit ng Ouija board, at kumokonsulta sa mga espiritista para malaman ang kanilang kapalaran o maproteksiyunan mula sa kasamaan. Sa artikulong “Laptop and Lucifer,” ganito ang sinabi ng magasing Focus ng Germany: “Dahil sa Internet, mas marami ang nagiging interesado at nag-uusisa sa okultismo.”

Alam mo bang binabanggit sa Bibliya ang tungkol sa espiritismo? Baka magulat ka sa sinasabi nito.

Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Espiritismo

Sinasabi ng kautusang ibinigay ng Diyos sa kaniyang bayang Israel: “Huwag masusumpungan sa iyo . . . ang sinumang nanghuhula, ang mahiko o ang sinumang naghahanap ng mga tanda o ang manggagaway, o ang isa na nanggagayuma sa iba sa pamamagitan ng engkanto o ang sinumang sumasangguni sa espiritista o ang manghuhula ng mga pangyayari o ang sinumang sumasangguni sa patay. Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng mga bagay na ito ay karima-rimarim kay Jehova.” (Deuteronomio 18:10-12) Bakit ganiyan na lang katindi ang utos ni Jehova laban sa espiritistikong mga gawain?

Gaya ng ipinakikita sa nabanggit na karanasan, marami ang naniniwala na puwedeng makausap ang mga patay at na ang impormasyong nakukuha sa pamamagitan ng okultismo ay galing sa mga ito. Ang gayong mga paniniwala ay nagmula sa turo ng maraming relihiyon​—na ang mga patay ay patuloy na nabubuhay sa daigdig ng mga espiritu. Pero salungat sa turong iyan, maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Kung tungkol sa mga patay, sila ay walang anumang kabatiran.” (Eclesiastes 9:5) Inilalarawan nito na ang mga patay ay parang natutulog nang mahimbing, anupat walang kaalam-alam sa nangyayari sa kanilang paligid. b (Mateo 9:18, 24; Juan 11:11-14) Kung gayon, baka maitanong mo, Paano natin ipaliliwanag ang mga kababalaghang nararanasan ng mga tao? Saan ito nagmumula?

Pakikipag-usap sa mga Espiritu

Ipinakikita sa mga ulat ng Ebanghelyo na noong narito pa sa lupa si Jesus, nakipag-usap siya sa mga espiritu. Iniulat ng Marcos 1:23, 24 na “isang maruming espiritu” ang nagsabi kay Jesus: “Kilala ko kung sino ka talaga.” Tiyak na kilala ka rin ng mga espiritu. Pero ikaw, kilala mo ba sila?

Bago lalangin ng Diyos ang mga tao, lumalang muna siya ng napakaraming espiritung anak, o anghel. (Job 38:4-7) Ang anghel ay nakatataas sa mga tao. (Hebreo 2:6, 7) Makapangyarihan sila at napakatalino, at nilalang sila para gawin ang kalooban ng Diyos. Umawit ang salmista: “Pagpalain ninyo si Jehova, O ninyong mga anghel niya, makapangyarihan sa kalakasan, na tumutupad ng kaniyang salita.”​—Awit 103:20.

Binabanggit sa Bibliya na nang maglaon, may mga anghel na nakipag-ugnayan sa mga tao sa paraang hindi sinasang-ayunan ng Diyos. Bakit nila ginawa iyon? Ang unang anghel na gumawa nito ay gumamit ng pandaraya para ilayo sina Adan at Eva sa kanilang Diyos at Maylalang. Dahil dito, ginawa niya ang kaniyang sarili na Satanas na Diyablo, isang maninirang-puri at kaaway ng Diyos.​—Genesis 3:1-6.

Nang maglaon, ‘iniwan ng ibang mga anghel ang kanilang sariling wastong tahanang dako’ sa langit, nagkatawang-tao, at namuhay kasama ng magagandang babae sa lupa. (Judas 6; Genesis 6:1, 2) Ang mga rebeldeng anghel na iyon at ang kanilang higanteng mga anak ay naghasik ng kasamaan sa lupa kaya “napuno [ito] ng karahasan.” Malamang na pamilyar ka sa ulat ng Bibliya kung paano winakasan ng Diyos sa pamamagitan ng Baha ang marahas at napakasamang salinlahi noong panahon ni Noe.​—Genesis 6:3, 4, 11-13.

Dahil sa baha, napilitan ang mga espiritung ito na iwan ang kanilang katawang-tao at bumalik sa langit. Pero hindi na sila pinayagan ng Maylalang na makabalik sa kanilang orihinal na “tahanang dako.” Sa halip, inilagay sila sa napakababang kalagayan na inihalintulad sa “mga hukay ng pusikit na kadiliman.” (2 Pedro 2:4, 5) Tinutukoy ng Bibliya ang mga rebeldeng anghel na ito bilang “mga demonyo.” (Santiago 2:19) Sila ang kapangyarihang nasa likod ng espiritismo.

Kung Ano ang Gusto ng mga Demonyo

Ang unang layunin ng masasamang espiritu sa pakikipag-usap sa mga tao ay para ilihis sila mula sa pagsamba sa tunay na Diyos, si Jehova. Ang kaloob o kapangyarihang taglay ng mga nagsasagawa ng okultismo ay mga panggambala lamang para mahadlangan ang mga tao sa pagkuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at sa pagkakaroon ng kaugnayan sa kaniya.

Ang ikalawang layunin ng mga demonyo ay makikita sa ginawang pagsubok kay Jesus ng lider ng mga ito na si Satanas. Inialok ni Satanas kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” Ano ang gusto ni Satanas bilang kapalit? ‘Sumubsob ka at gumawa ng isang gawang pagsamba sa akin,’ ang sabi niya. Oo, gusto ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo na sambahin sila. Pero hindi tinalikuran ni Jesus ang Diyos at ang tunay na pagsamba.​—Mateo 4:8-10.

Sa ngayon, bihira nang makipag-usap sa mga tao ang masasamang espiritu. Sa halip, binibiktima nila ang mga taong walang kamalay-malay sa pamamagitan ng mga bolang kristal, dahon ng tsa, tarot card, pendulo, at horoscope. Huwag magpadaya! Ang mga ito ay hindi lang basta isang likas na paraan ng pakikipag-ugnayan sa daigdig ng mga espiritu. Ineengganyo ng masasamang espiritu ang mga tao sa okultismo para mailihis sila sa pagsamba kay Jehova. Kapag hindi sila nagtagumpay, kadalasan nang nililigalig nila at pinahihirapan ang kanilang mga biktima. Kung isa ka sa mga biktima nila, paano ka makalalaya sa kanilang impluwensiya?

Kung Paano Makalalaya sa Espiritismo

Tandaan: Ang mga espiritung nakikipag-usap sa mga tao ay mga kaaway ng Diyos, at malapit na silang puksain. (Judas 6) Sila ay mga impostor at sinungaling na nagpapanggap bilang ang taong namatay. Ano ang mararamdaman mo kapag natuklasan mong impostor pala ang itinuturing mong kaibigan, at gusto ka lang niyang mapahamak? Ano ang magiging reaksiyon mo kapag nalaman mong isa palang hayok sa sekso ang karelasyon mo sa Internet? Mas mapanganib pa kaysa rito ang pakikipag-ugnayan sa mga demonyo. Kailangan mong gawin ang lahat para maputol ang ugnayang iyan. Paano?

Matapos malaman ng ilang sinaunang taga-Efeso ang itinuturo ng Kasulatan tungkol sa espiritismo, nakita nila ang pangangailangang sirain ang kanilang mga aklat tungkol sa mahika kahit napakamamahal ng mga ito. “Sinunog [nila] ang mga iyon sa harap ng lahat.” (Gawa 19:19, 20) Sa ngayon, hindi lang mga aklat, anting-anting, Ouija board, at mga katulad nito ang ginagamit sa okultismo, nariyan din ang mga materyal mula sa elektronikong mga gadyet. Iwasan ang anumang kahina-hinalang bagay na posibleng umakay sa espiritismo.

Balikan natin ang mag-asawang binanggit sa simula ng artikulong ito. Nabasa nila sa kanilang mga tarot card na may pupuntang mapanganib na mga tao sa kanilang bahay, pero hindi raw sila dapat makinig o tumanggap ng anuman mula sa mga ito. Pero nang kumatok sa pinto nila sina Connie at Gudrun, mga Saksi ni Jehova, at sinabing may dala silang mabuting balita tungkol sa Diyos, nagpasiyang makinig sina Joachim at Barbara. Napag-usapan nila ang tungkol sa espiritismo, at nakapagbigay sina Connie at Gudrun ng tumpak na impormasyon mula sa Kasulatan. Naging regular ang pag-uusap na ito sa Bibliya.

Di-nagtagal, nagpasiya sina Joachim at Barbara na putulin ang lahat ng kanilang kaugnayan sa mga demonyo. Ipinaliwanag ng mga Saksi na malamang na hindi matuwa ang mga espiritu sa pasiya nila. Sa katunayan, nahirapan sina Joachim at Barbara, at dumanas sila ng nakatatakot na mga pag-atake ng mga demonyo. Gabi-gabi silang natatakot at nabawasan lang ito nang makalipat sila ng bahay. Noong mga panahong iyon, patuloy na nagtiwala ang mag-asawang ito sa sinasabi ng Filipos 4:13: “Sa lahat ng bagay ay may lakas ako dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.” Pinagpala ni Jehova ang kanilang determinasyon at nang maglaon, tumigil na rin ang mga espiritu sa panliligalig sa kanila. Ngayon, sina Joachim at Barbara ay masayang sumasamba sa tunay na Diyos, si Jehova.

Hinihimok ng Kasulatan ang lahat ng tatanggap ng pagpapala ni Jehova: “Magpasakop kayo sa Diyos; ngunit salansangin ninyo ang Diyablo, at tatakas siya mula sa inyo. Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.” (Santiago 4:7, 8) Matutulungan at talagang tutulungan ka ng Diyos na Jehova na makalaya sa impluwensiya ng mga demonyo, kung gugustuhin mo. Kapag naaalaala nina Joachim at Barbara ang paglaya nila sa mga demonyo, buong-puso silang sumasang-ayon sa sinasabi ng Awit 121:2: “Ang tulong sa akin ay mula kay Jehova.”

[Mga talababa]

a Binago ang mga pangalan.

b Para sa detalyadong pagtalakay sa kalagayan ng mga patay, tingnan ang kabanata 6, “Nasaan ang mga Patay?,” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 21]

Dahil sa okultismo, nahahadlangan ang mga tao na magkaroon ng magandang kaugnayan sa Diyos

[Blurb sa pahina 22]

“Lumapit kayo sa Diyos, at lalapit siya sa inyo.”​—SANTIAGO 4:8