Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tanong ng mga Mambabasa

Itinuturo ba ng Bibliya ang Trinidad?

Itinuturo ba ng Bibliya ang Trinidad?

▪ Ganito ang isa sa mga paliwanag tungkol sa doktrina ng Trinidad: ‘Tatlong banal na Persona (ang Ama, ang Anak, ang Espiritu Santo), na bawa’t isa ay sinasabing walang hanggan, bawa’t isa ay sinasabing makapangyarihan-sa-lahat, walang isa sa kanila ang mataas o mababa, bawa’t isa ay sinasabing Diyos, nguni’t kung pagsasama-samahin, sila ay bumubuo ng iisang Diyos.’ Itinuturo ba ito ng Bibliya?

Ang Mateo 28:19 ay karaniwan nang binabanggit para patunayan ang doktrina ng Trinidad. Ganito sinipi ng King James Version ang sinabi ni Jesus: “Kaya humayo kayo, at turuan ang lahat ng bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.” Totoo, binanggit sa tekstong ito ang Ama, ang Anak, at ang espiritu santo (o banal na espiritu). Pero wala itong sinasabi hinggil sa pagiging iisa nila. Inuutusan noon ni Jesus ang kaniyang mga Judiong tagasunod na magturo at magbautismo sa mga tao sa pangalan ng Ama, ng Anak, at ng banal na espiritu. Bilang isang bansa, ano ba ang paniniwala ng mga Judio?

Nang tanggapin ng bansang Israel ang tipang Kautusan, na bahagi ng Bibliya, iniutos sa kanila: “Huwag kang magkakaroon ng iba pang mga diyos laban sa aking mukha.” (Deuteronomio 5:7) Ilan ang nagsasalita rito? Malinaw na mababasa sa Deuteronomio 6:4: “Pakinggan mo, O Israel: Si Jehova na ating Diyos ay iisang Jehova”​—hindi isang Trinidad. Kalalaya lang ng Israel mula sa Ehipto, kung saan, sinasamba sina Osiris, Isis, at Horus (larawan sa kaliwa)​—isa sa maraming tatluhang diyos. Kaya naman ang Israel ay inutusang sumamba sa iisang Diyos lang. Bakit mahalagang maunawaan ng mga tao ang utos na ito? Sinabi ni Dr. J. H. Hertz, isang rabbi: “Ang sukdulang kapahayagang ito ng ganap na monoteyismo ay deklarasyon ng pakikidigma sa politeyismo . . . Itinatakwil ng Shema ang trinidad ng kredong Kristiyano bilang pagsalungat sa Pagiging-Isa ng Diyos.” a

Yamang si Jesus ay ipinanganak na Judio, tinuruan siyang sumunod sa utos na ito. Nang mabautismuhan siya at tuksuhin ng Diyablo, sinabi ni Jesus: “Lumayas ka, Satanas! Sapagkat nasusulat, ‘Si Jehova na iyong Diyos ang sasambahin mo, at sa kaniya ka lamang mag-uukol ng sagradong paglilingkod.’” (Mateo 4:10; Deuteronomio 6:13) May dalawang bagay tayong matututuhan sa pangyayaring ito. Una, sinikap ni Satanas na hikayatin si Jesus na sumamba sa iba bukod kay Jehova, isang pagtatangka na magiging kakatwa kung si Jesus ay bahagi ng Trinidad. Ikalawa, malinaw na ipinakita ni Jesus na mayroon lang iisang Diyos na dapat sambahin yamang ang sinabi niya ay “sa kaniya ka lamang,” at hindi “sa amin,” na sinabi sana niya kung bahagi siya ng Trinidad.

Kapag ang mga tao ay nagkaroon na ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at nagnais na maglingkod sa kaniya, binabautismuhan sila “sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu.” (Mateo 28:19) Nauunawaan nila at tinatanggap ang awtoridad ni Jehova at ang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ni Jehova. (Awit 83:18; Mateo 28:18) Naiintindihan din nila kung ano ang ginagawa ng banal na espiritu, ang aktibong puwersa ng Diyos.​—Genesis 1:2; Galacia 5:22, 23; 2 Pedro 1:21.

Sa loob ng maraming siglo, ang doktrina ng Trinidad ay nagdulot ng kalituhan sa mga tao. Sa kabilang dako naman, si Jesus ay nagdulot ng kaliwanagan sa kaniyang mga tagasunod at inilapit niya sila sa iisa at “tanging tunay na Diyos,” si Jehova.​—Juan 17:3.

[Talababa]

a Ang pagpapahayag sa pagiging-iisa ng Diyos na isinasaad sa Shema, panalangin na nakasalig sa Deuteronomio 6:4, ay isang mahalagang bahagi ng pagsamba sa sinagoga.

[Picture Credit Line sa pahina 23]

Musée du Louvre, Paris