Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“May Pag-ibig sa Isa’t Isa”

“May Pag-ibig sa Isa’t Isa”

“Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos, na ibigin ninyo ang isa’t isa; kung paanong inibig ko kayo ay ibigin din ninyo ang isa’t isa. Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.”​—JUAN 13:34, 35.

Ang Kahulugan Nito: Sinabi ni Kristo sa kaniyang mga tagasunod na ibigin nila ang isa’t isa gaya ng kung paano niya sila inibig. Paano ba sila inibig ni Jesus? Ang kaniyang pag-ibig ay walang pinipiling lahi at kasarian bagaman hindi ito ang kaugalian noong panahon niya. (Juan 4:7-10) Dahil sa pag-ibig, isinakripisyo ni Jesus ang kaniyang panahon, lakas, at personal na kaalwanan para tumulong sa iba. (Marcos 6:30-34) Nang dakong huli, ipinakita ni Kristo ang pinakadakilang pag-ibig. “Ako ang mabuting pastol,” ang sabi niya. “Ibinibigay ng mabuting pastol ang kaniyang kaluluwa alang-alang sa mga tupa.”​—Juan 10:11.

Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Noong unang siglo, “kapatid” ang tawag ng mga Kristiyano sa isa’t isa. (Filemon 1, 2) Ang mga tao mula sa lahat ng bansa ay tinatanggap sa kongregasyong Kristiyano dahil naniniwala silang “walang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, sapagkat may iisang Panginoon sa lahat.” (Roma 10:11, 12) Matapos ang Pentecostes 33 C.E., “ipinagbili [ng mga alagad na nasa Jerusalem] ang kanilang mga pag-aari at mga tinatangkilik at ipinamahagi sa lahat ang pinagbilhan, ayon sa pangangailangan ng sinuman.” Bakit? Para ang mga bagong nabautismuhan ay makapanatili sa Jerusalem at makapagpatuloy sa ‘pag-uukol ng kanilang sarili sa turo ng mga apostol.’ (Gawa 2:41-45) Ano ang nag-udyok sa kanila na gawin iyon? Halos 200 taon pagkamatay ng mga apostol, sinipi ni Tertullian ang sinabi ng iba tungkol sa mga Kristiyano: ‘Nagmamahalan sila at handang mamatay alang-alang sa isa’t isa.’

Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Sinabi ng aklat na The History of the Decline and Fall of the Roman Empire (1837) na sa nakalipas na mga siglo, ang mga nagsasabing sila’y mga Kristiyano ay “nagdulot ng mas matinding pagdurusa sa isa’t isa kaysa sa naranasan nila mula sa mga hindi naniniwala sa Diyos [mga walang relihiyon].” Natuklasan ng isang kamakailang pag-aaral sa Estados Unidos na ang mga relihiyosong tao​—na karamihan ay nagsasabing sila’y Kristiyano​—ay nagtatangi rin ng lahi. Ang mga aktibong miyembro ng isang relihiyon sa isang lupain ay karaniwan nang walang pakialam sa kanilang mga karelihiyon sa ibang lupain kung kaya hindi nila natutulungan o tinutulungan ang kanilang mga kapananampalataya sa panahon ng pangangailangan.

Noong 2004, pagkatapos salantain ng apat na magkakasunod na bagyo ang Florida sa loob lang ng dalawang buwan, tiniyak ng chairman ng Emergency Operations Committee sa Florida na maayos na naipamamahagi ang kanilang mga suplay. Sinabi niyang ang mga Saksi ni Jehova ang pinakaorganisado sa lahat ng grupo, at nangakong ibibigay niya ang anumang suplay na kailangan ng mga Saksi. Noong 1997, isang relief team ng mga Saksi ni Jehova ang pumunta sa Democratic Republic of Congo para dalhan ng mga gamot, pagkain, at damit ang kanilang mga kapatid na Kristiyano, pati na ang iba. Ang mga Saksi naman sa Europa ay nag-abuloy ng mga suplay na nagkakahalaga ng isang milyong dolyar (U.S.).