Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Nananatili sa Aking Salita”

“Nananatili sa Aking Salita”

“Kung kayo ay nananatili sa aking salita, kayo ay tunay ngang mga alagad ko, at malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”​—JUAN 8:31, 32.

Ang Kahulugan Nito: Ang “salita” ni Jesus ay ang kaniyang mga turo, na galing sa nakatataas na pinagmulan. “Ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain,” ang sabi ni Jesus. (Juan 12:49) Nang manalangin si Jesus sa kaniyang Ama sa langit, ang Diyos na Jehova, sinabi niya: “Ang iyong salita ay katotohanan.” Madalas niyang sipiin ang Salita ng Diyos para suportahan ang kaniyang mga turo. (Juan 17:17; Mateo 4:4, 7, 10) Kung gayon, ang mga tunay na Kristiyano ay ‘nananatili sa kaniyang salita’​—samakatuwid, tinatanggap nila ang Salita ng Diyos, ang Bibliya, bilang “katotohanan” at pinakaawtoridad ng kanilang mga paniniwala at gawain.

Ang Ginawa ng Unang mga Kristiyano: Ang Kristiyanong manunulat ng Bibliya na may pinakamaraming isinulat na bahagi nito, si apostol Pablo, ay may malaki ring paggalang sa Salita ng Diyos gaya ni Jesus. Isinulat niya: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang.” (2 Timoteo 3:16) Ang mga lalaking inatasang magturo sa mga kapuwa nila Kristiyano ay dapat na “nanghahawakang mahigpit sa tiyak at mapagkakatiwalaang Salita ng Diyos.” (Tito 1:7, 9, The Amplified Bible) Ang mga unang Kristiyano ay pinayuhang tanggihan ang “pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.”​—Colosas 2:8.

Sino sa Ngayon ang Nagpapamalas ng Pagkakakilanlang Ito? Ang Dogmatic Constitution on Divine Revelation ng Vatican, na pinagtibay noong 1965 at sinipi sa Catechism of the Catholic Church, ay nagsabi: “Hindi lang sa Sagradong Kasulatan kumukuha ang Simbahan[g Katoliko] ng kaniyang katiyakan tungkol sa lahat ng isinisiwalat. Kaya kapuwa ang sagradong tradisyon at ang Sagradong Kasulatan ay dapat na tanggapin at igalang nang may katapatan at pagpipitagan.” Sinipi ng isang artikulo sa magasing Maclean’s ang sinabi ng isang pastor sa Toronto, Canada: “Bakit tayo makikinig sa isang . . . tinig na dalawang milenyo na ang nakalilipas? Mayroon tayong magagandang ideya, na laging humihina dahil iniuugnay ang mga ito kay Jesus at sa Kasulatan.”

May kinalaman sa mga Saksi ni Jehova, sinabi ng New Catholic Encyclopedia: “Itinuturing nila ang Bibliya bilang ang tanging pinagmumulan ng kanilang paniniwala at alituntunin ng paggawi.” Kamakailan sa Canada, pinigil ng isang lalaki ang isang Saksi ni Jehova habang nagpapakilala ito. “Kilala na kita,” ang sabi niya, habang nakaturo sa Bibliya nito, “dahil sa palatandaan n’yo.”