Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Paano Natin Dapat Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus?

Paano Natin Dapat Alalahanin ang Kamatayan ni Jesus?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Paano dapat alalahanin ang kamatayan ni Jesus?

Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na alalahanin ang kaniyang kamatayan sa pamamagitan ng isang makasagisag na hapunan, anupat gumagamit ng tinapay at alak. Ang tinapay ay sumasagisag sa katawan ni Jesus, at ang alak naman ay sa kaniyang dugo.​—Basahin ang Lucas 22:19, 20.

Ang tinapay na ginamit ni Jesus ay walang lebadura o pampaalsa. Sa Bibliya, ang pampaalsa ay karaniwan nang sumasagisag sa kasalanan. Kaya ang tinapay ay angkop lang na sumagisag sa sakdal na katawan ni Jesus. Inihandog niya ang kaniyang katawan bilang hain, na tumapos sa paghahandog ng mga haing hayop sa ilalim ng Kautusang Mosaiko. (Hebreo 10:5, 9, 10) Ang alak naman ay sumasagisag sa mahalagang dugo ni Jesus na ibinuhos bilang hain para sa ating mga kasalanan.​—Basahin ang 1 Pedro 1:19; 2:24; 3:18.

2. Kailan natin dapat gunitain ang kamatayan ni Jesus?

Namatay si Jesus noong Paskuwa, Nisan 14. Ang araw ng mga Judio ay nagsisimula sa paglubog ng araw. Noong gabi bago mamatay si Jesus, siya at ang kaniyang mga apostol ay kumain ng hapunan ng Paskuwa. Pagkatapos, pinasimulan niya ang isang bagong alaalang hapunan bilang paggunita sa kaniyang kamatayan.​—Basahin ang Lucas 22:14, 15.

Sa ngayon, inaalaala ng mga lingkod ng Diyos ang paglalaan ng Diyos sa pamamagitan ni Jesus para makalaya ang lahat ng tao mula sa kasalanan at kamatayan. (Exodo 12:5-7, 13, 17) Ang Paskuwa ay ginaganap minsan sa isang taon, kaya gayundin ang Memoryal ng kamatayan ni Jesus. Ginaganap ito minsan sa isang taon pagkalubog ng araw, tuwing Nisan 14 ayon sa kalendaryong lunar ng Bibliya.​—Basahin ang Juan 1:29.

3. Sino ang dapat makibahagi sa tinapay at alak?

Nang ipasa ni Jesus ang alak sa kaniyang mga tagasunod, sinabi niya: “Ang kopang ito ay nangangahulugan ng bagong tipan.” (1 Corinto 11:25) Ang bagong tipan ang pumalit sa tipan ng Kautusang Mosaiko, kung saan nangako ang Diyos sa mga Israelita na gagawin niya silang kaniyang bayan kung mahigpit silang susunod sa kaniya. (Exodo 19:5, 6) Pero hindi sumunod ang mga Israelita sa tinig ng Diyos. Kaya naglaan si Jehova ng isang bagong tipan.​—Basahin ang Jeremias 31:31.

Sa pamamagitan ng bagong tipan, naglalaan si Jehova ng mga pagpapala sa marami sa pamamagitan lamang ng ilan. Ang kabilang sa bagong tipan ay 144,000 lang. Sa pamamagitan nila, milyun-milyon mula sa lahat ng bansa ang tatanggap ng buhay na walang hanggan sa paraisong lupa. Ang ilang kabilang sa bagong tipan ay naglilingkod pa rin ngayon kay Jehova dito sa lupa. Sila lamang ang kumakain ng tinapay at umiinom ng alak dahil gumawa si Jehova ng bagong tipan sa kanila, na nagkabisa sa pamamagitan ng dugo ni Jesus.​—Basahin ang Lucas 12:32; Apocalipsis 14:1, 3.

4. Paano tayo nakikinabang sa Memoryal?

Ang taunang Memoryal ng kamatayan ni Jesus ay lalong nagpapasidhi ng ating pagpapahalaga sa walang-katulad na pag-ibig ni Jehova. Isinugo niya ang kaniyang Anak upang mamatay para sa ating mga kasalanan. Kaya kapag dumadalo tayo sa Memoryal, pag-isipan natin kung ano ang kahulugan sa atin ng kamatayan ni Jesus. Dapat nating isaalang-alang kung paano natin maipakikita ang pagpapahalaga sa ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa atin.​—Basahin ang Juan 3:16; 2 Corinto 5:14, 15.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang pahina 206-208 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.