Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Liham Mula sa Russia

Paghahanap ng Kayamanan sa Kabundukan ng Altay

Paghahanap ng Kayamanan sa Kabundukan ng Altay

NOON ay isang maaliwalas na araw ng Mayo sa Altay Republic​—isang napakagandang rehiyon sa timog-kanluran ng Siberia. Mula sa aming bintana, natatanaw namin ang isang mapunong kagubatan; at makikita sa likod nito ang matataas na bundok na may mangasul-ngasul at nagyeyelong mga taluktok. Ito ang bulubundukin at liblib na lupain ng mga Altaic​—isang grupo ng mga Asiano na may sariling wika. Sanáy na sanáy silang mamuhay sa Kabundukan ng Altai, pangalang batay sa isang salitang Turkic-Mongolian na nangangahulugang “ginintuan.”

Ilang taon na ang nakalilipas mula nang matuto kaming mag-asawa ng Russian Sign Language at dumalaw sa mga kongregasyon at maliliit na grupo ng sign language ng mga Saksi ni Jehova. Sa bansang ito, mahigit 100 etnikong grupo at 70 kultura ang nagsasalita ng wikang Russian. Pero ang mga binging kasama namin ay gumagamit ng ibang wika​—ang Russian Sign Language. Malapít sila sa isa’t isa, at marami sa aming nakilala ang mapagpatuloy at sabik na magkuwento tungkol sa kanilang buhay. Ganiyan ang kalagayan sa Altay.

Sa lunsod ng Gorno-Altaysk, nalaman namin na may mga binging nakatira sa isang maliit na nayon na 250 kilometro ang layo. Alam naming may mga Saksi roon, pero hindi sila marunong ng sign language. Inisip namin ang kalagayan ng mga binging Altaic na iyon, kaya nagdesisyon kaming puntahan sila. Ikinatuwa ito ng mag-asawang Yury at Tatyana, na parehong bingi, kung kaya pumayag silang sumama sa amin. Nagdala kami sa aming sasakyan ng mga DVD sa sign language at isang player. Nagdala rin kami ng isang malaking thermos, mga tinapay na may palamang sausage, bagong-lutong piroshki​—masarap na Russian pastry na may repolyo at patatas. Pagkatapos, nag-isprey kami ng tick repellent sa aming sarili, damit, at sapatos para makaiwas sa sakit na encephalitis.

Sa aming paglalakbay, nadaanan namin ang napakagagandang tanawin sa bundok. Amoy hasmin at lila ang hangin. Lalo kaming nanabik! Tuwang-tuwa kami nang makita namin ang isang kawan ng mga usang Siberian na tahimik na nanginginain ng damo. Ang mga bahay ng mga Altaic ay karaniwan nang magkakatabi. Ang mga ito ay gawa sa kahoy at may bubong na yero. Karamihan sa mga bahay ay may katabing ayyl, tirahang yari sa kahoy na karaniwang may anim na kanto at hugis-apa ang bubong. Ang ilan ay parang mga tepee na pinalibutan ng balat ng punungkahoy. Maraming pamilyang Altaic ang tumitira sa ayyl mula Mayo hanggang Setyembre at bumabalik sa kanilang bahay pagdating ng taglagas at taglamig.

Malugod kaming tinanggap ng mga Saksing tagaroon, at isinama kami sa bahay ng isang mag-asawang bingi na Altaic. Tuwang-tuwa sila nang makita kami at nag-usisa kung tagasaan kami at kung ano ang ginagawa namin doon. Nagkataong may computer sila kaya nang ilabas namin ang DVD, nagpumilit silang panoorin ito agad. Bigla silang tumahimik at hindi na kami pinansin. Nakatutok ang mga mata nila sa computer, anupat ginagaya nila ang mga senyas at napapatango paminsan-minsan. Bagaman nahirapan kami, nakuha rin namin ang atensiyon nila para maibalik sa umpisa ang DVD, kung saan ipinakikita ang magandang paraisong lupa. Itinigil namin ito sa isang eksena at ipinaliwanag sa kanila kung ano ang gagawin ng Diyos para sa mga tao at kung anong uri ng mga tao ang maninirahan magpakailanman sa mga kalagayang nakikita nila. Natuwa kami sa interes nila, at nang paalis na kami, sinabi nilang may isa pang mag-asawang bingi na nakatira sa kabilang nayon na ilang oras din ang layo.

Pinuntahan namin ang mag-asawang iyon. Binagtas namin ang isang mabato at paliku-likong daan sa kabundukan patungo sa isang mas maliit na nayon. Natagpuan namin doon ang mag-anak na bingi​—ang mag-asawa, ang maliit nilang anak na lalaki, at ang nanay ng asawang babae. Tuwang-tuwa sila sa pagdating namin. Pumasok kami sa maliit na pinto ng kanilang ayyl, na amoy mabangong kahoy at buttermilk. May butas ang korteng-apang bubong nito kaya pumapasok ang liwanag. Nasa isang sulok ng bahay ang isang kalan at pinaputing pugon na gawa sa laryo. Ang mga dingding ay nilagyan ng karpet na pula. Hinainan kami ng mag-asawa ng pagkaing Altaic​—maliliit na pritong doughnut at tsa na nasa maliliit na tasa. Tinanong namin sila kung naisip na ba nilang posible silang maging kaibigan ng Diyos. Binanggit ng nanay ng asawang babae na noong bata pa siya, nagdala siya ng pagkain sa isang lugar sa kabundukan bilang handog sa mga diyos. “Ewan ko kung ano ang ibig sabihin nun,” ang sabi niya sabay kibit ng balikat at ngumiti. “Iyon ang aming kaugalian.”

Nang ipapanood namin ang DVD tungkol sa paksang iyon, sumaya ang mukha nila. Gustung-gusto nilang magkausap ulit kami, pero paano? Makatutulong sana ang text, pero wala namang ni isang antena roon para sa cell phone. Kaya nangako kaming susulatan namin sila.

Papalubog na ang araw nang magpaalam kami at maglakbay pabalik sa Gorno-Altaysk​—pagód pero masaya. Nang maglaon, kinumusta namin sa mga Saksing tagaroon ang pamilyang iyon at nalaman naming tuwing makalawang linggo, ang asawang lalaki ay pumupunta sa isang mas malaking bayan kung saan, nag-aaral siya ng Bibliya at dumadalo sa pulong sa tulong ng isang sister na marunong ng sign language. Tuwang-tuwa kami nang malaman naming nagbunga ang aming pagsisikap!

Ang aming paghahanap ng tapat-pusong mga bingi ay maihahalintulad sa paghahanap ng kayamanang nakatago sa kabundukan. Nagiging sulit ang maraming oras na paghahanap kapag nakakapulot kami ng mga hiyas. Para sa amin, ang kabundukan ng Altay ay mananatiling ginintuan, anupat ipinaaalaala sa amin ang taimtim na mga taong nakilala namin sa bulubunduking lugar na iyon.