Apokripal na mga Ebanghelyo—Itinagong mga Katotohanan Tungkol kay Jesus?
“MALAKING isyu ito. Maraming tao ang madidismaya kapag nalaman nila ito.” “Binabago nito ang kasaysayan ng unang Kristiyanismo.” Iyan ang sinabi ng mga iskolar na natuwa sa paglalathala ng “Ebanghelyo ni Hudas,” isang akda na inakalang mahigit 1,600 taóng nawala (makikita sa itaas).
Muling nagkainteres ang mga tao sa gayong apokripal na mga ebanghelyo. Ayon sa ilan, isinisiwalat ng mga iyon ang matagal-nang-itinagong mahahalagang pangyayari at turo tungkol sa buhay ni Jesus. Pero ano ba ang apokripal na mga ebanghelyo? Nagtuturo ba talaga ang mga iyon ng katotohanan tungkol kay Jesus at sa Kristiyanismo, na hindi natin mababasa sa Bibliya?
Kanonikal at Apokripal na mga Ebanghelyo
Sa pagitan ng 41 at 98 C.E., isinulat nina Mateo, Marcos, Lucas, at Juan ang “kasaysayan ni Jesu-Kristo.” (Mateo 1:1) Kung minsan, ang mga ito ay tinatawag ding mga ebanghelyo, na nangangahulugang “mabuting balita” tungkol kay Jesu-Kristo.—Marcos 1:1.
Ang apat na Ebanghelyong ito lang ang itinuturing na kinasihan ng Diyos at nararapat na maging bahagi ng Banal na Kasulatan—anupat naglalaan ng “katiyakan ng mga bagay” tungkol sa buhay at mga turo ni Jesus sa lupa. (Lucas 1:1-4; Gawa 1:1, 2; 2 Timoteo 3:16, 17) Ang apat na Ebanghelyong ito ay binanggit sa lahat ng sinaunang katalogo ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. Walang basehan ang pagkuwestiyon sa pagiging tumpak nito at pagiging bahagi ng kinasihang Salita ng Diyos.
Pero nang maglaon, may nagsulputang mga akda na itinuring ding mga ebanghelyo. Ang mga ito ay tinawag na apokripal. *
Sa pagtatapos ng ikalawang siglo, isinulat ni Irenaeus ng Lyon na ang mga nag-apostata sa Kristiyanismo ay may “napakaraming apokripal at di-tumpak na mga akda,” kabilang na ang mga ebanghelyong “isinulat mismo nila, para guluhin ang isip ng mga mangmang.” Kaya nang maglaon, itinuring na mapanganib hindi lang ang pagbabasa, kundi pati ang pagmamay-ari ng apokripal na mga ebanghelyo.
Gayunman, noong Edad Medya, patuloy na kinopya at iningatan ng mga monghe at tagakopya ang mga akdang ito. Noong ika-19 na siglo, tumindi ang interes dito at maraming natuklasang koleksiyon ng mga akda at mapanuring mga edisyon ng apokripa, kasama na ang ilang ebanghelyo. Sa ngayon, may mga edisyong inilathala na sa maraming pangunahing modernong wika.
Apokripal na mga Ebanghelyo: Di-kapani-paniwalang mga Ulat Tungkol kay Jesus
Karaniwan nang nakapokus ang apokripal na
mga ebanghelyo sa mga taong minsan lang o hindi pa nga nabanggit sa kanonikal na mga Ebanghelyo. O naglalaman ang mga ito ng mga kuwento na diumano’y nangyari noong bata pa si Jesus. Narito ang ilang halimbawa.▪ Ang “Sinaunang Ebanghelyo ni Santiago,” na tinatawag ding “Ang Kapanganakan ni Maria,” ay bumabanggit tungkol sa kapanganakan at pagkabata ni Maria, pati na ang pagpapakasal niya kay Jose. Kaya naman itinuturing itong isang relihiyoso at kathang-isip na kuwento. Itinataguyod nito ang walang-hanggang pagkabirhen ni Maria at maliwanag na isinulat para luwalhatiin siya.—Mateo 1:24, 25; 13:55, 56.
▪ Ang apokripang akda na “Ebanghelyo ni Tomas” ay nakapokus naman sa pagkabata ni Jesus—mga edad 5 hanggang 12—at naglalaman ng mga himalang mahirap paniwalaang ginawa niya. (Tingnan ang Juan 2:11.) Inilalarawan nito si Jesus bilang salbahe, magagalitin, at mapaghiganting bata na gumagamit ng kapangyarihan para gumanti sa kaniyang mga guro, kapitbahay, at ibang bata, anupat ang ilan ay binulag niya, nilumpo, o pinatay pa nga.
▪ Ang ilang apokripal na mga ebanghelyo, gaya ng “Ebanghelyo ni Pedro,” ay nakasentro sa paglilitis, kamatayan, at pagkabuhay-muli ni Jesus. Ang iba naman, gaya ng “Mga Gawa ni Pilato,” na bahagi ng “Ebanghelyo ni Nicodemo,” ay nakapokus sa mga taong konektado sa mga pangyayaring iyon. Dahil inimbento lang ang mga detalye at tauhan sa mga akdang ito, hindi ito mapagkakatiwalaan. Sa “Ebanghelyo ni Pedro,” pinawawalang-sala si Poncio Pilato, at inilalarawan sa di-makatotohanang paraan ang pagkabuhay-muli ni Jesus.
Apokripal na mga Ebanghelyo at Apostasya Mula sa Kristiyanismo
Noong Disyembre 1945, sa isang lugar malapit sa Nag Hammadi sa Mataas na Ehipto, di-sinasadyang natagpuan ng mga magbubukid ang 13 manuskritong papiro na may 52 akda. Ang ikaapat-na-siglong mga dokumentong ito ay iniuugnay sa relihiyoso at pilosopikal na kilusang tinatawag na Gnostisismo. Dahil sa pinaghalu-halong mistisismo, paganismo, pilosopiyang Griego, Judaismo, at Kristiyanismo, naging masamang impluwensiya ang kilusang ito sa ilang nag-aangking Kristiyano.—1 Timoteo 6:20, 21.
Ang “Ebanghelyo ni Tomas,” “Ebanghelyo ni Felipe,” at “Ebanghelyo ng Katotohanan,” na kabilang sa “Nag Hammadi Library,” ay may iba’t ibang mistikong ideya ng Gnostisismo na para bang nagmumula kay Jesus. Ang “Ebanghelyo ni Hudas” na natagpuan kamakailan ay isa ring Gnostikong ebanghelyo. Inilalarawan nito si Hudas bilang ang tanging apostol na talagang nakakakilala kay Jesus. Ayon sa isang eksperto sa ebanghelyong ito, inilalarawan nito si Jesus bilang “isang guro at tagapagsiwalat ng karunungan at kaalaman, hindi bilang isang tagapagligtas na namatay para sa kasalanan ng sanlibutan.” Itinuturo ng kinasihang mga Ebanghelyo na si Jesus ay namatay bilang isang hain para sa kasalanan ng sanlibutan. (Mateo 20:28; 26:28; 1 Juan 2:1, 2) Maliwanag, ang layunin ng Gnostikong mga ebanghelyo ay para pahinain, sa halip na patibayin, ang pananampalataya natin sa Bibliya.—Gawa 20:30.
Ang Kahigitan ng Kanonikal na mga Ebanghelyo
Kapag sinuring mabuti ang apokripal na mga ebanghelyo, masisiwalat na huwad ang mga ito. Kapag ikinumpara naman sa kanonikal na mga Ebanghelyo, maliwanag na makikitang hindi kinasihan ng Diyos ang mga ito. (2 Timoteo 1:13) Dahil isinulat ng mga hindi nakakakilala kay Jesus o sa kaniyang mga apostol, ang mga ito ay walang maisisiwalat na itinagong mga katotohanan tungkol kay Jesus at sa Kristiyanismo. Sa halip, naglalaman ang mga ito ng di-tumpak, inimbento, at di-makatotohanang mga ulat na hindi makatutulong para makilala si Jesus at malaman ang kaniyang mga turo.—1 Timoteo 4:1, 2.
Samantala, sina Mateo at Juan ay kabilang sa 12 apostol; si Marcos ay malapít kay apostol Pedro at si Lucas naman kay apostol Pablo. Isinulat nila ang kanilang Ebanghelyo sa patnubay ng banal na espiritu ng Diyos. (2 Timoteo 3:14-17) Dahil dito, ang apat na Ebanghelyo ay naglalaman ng lahat ng kakailanganin ng isang tao para maniwalang “si Jesus ang Kristo na Anak ng Diyos.”—Juan 20:31.
[Talababa]
^ par. 7 Ang terminong “apokripal” ay mula sa salitang Griego na nangangahulugang “itago.” Ang salitang ito noong una ay tumutukoy sa isang akda na para lang sa mga tagasunod ng isang partikular na paniniwala, na itinago naman sa mga hindi tagasunod niyaon. Pero nang maglaon, ginamit na ito para tumukoy sa mga akdang hindi kasama sa kanon ng Bibliya.
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Kenneth Garrett/National Geographic Stock