Jesu-Kristo—Mga Tanong na Sinagot
“Sino ako ayon sa sinasabi ng mga pulutong?”—LUCAS 9:18.
ITINANONG iyan ni Jesus sa kaniyang mga alagad dahil alam niyang iba-iba ang opinyon ng mga tao tungkol sa kaniya. Pero walang dahilan para malito. Hindi lihim ang naging buhay ni Jesus. Nakisalamuha siya sa mga taganayon at tagalunsod. Nangaral siya at nagturo sa publiko dahil gusto niyang malaman ng mga tao ang katotohanan tungkol sa kaniya.—Lucas 8:1.
Ang katotohanan tungkol kay Jesus ay malalaman mula sa kaniyang mga salita at gawa na nakaulat sa apat na Ebanghelyo ng Bibliya—Mateo, Marcos, Lucas, at Juan. Nakasalig diyan ang sagot sa ating mga tanong tungkol kay Jesus. *—Juan 17:17.
TANONG: Si Jesus ba ay talagang umiral bilang tao?
SAGOT: Oo. Binabanggit ng sekular na mga istoryador, kasama na sina Josephus at Tacitus noong unang siglo, na si Jesus ay umiral at naging bahagi ng kasaysayan. Bukod diyan, nakakakumbinsi ang ulat sa mga Ebanghelyo na nagpapakitang si Jesus ay isang tunay na tao at hindi kathang-isip lang. Espesipiko at detalyado ang rekord nito tungkol sa panahon at lugar ng mga pangyayari. Halimbawa, ang manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas ay may binanggit na pitong namamahalang opisyal—na ang mga pangalan ay sinuportahan ng sekular na mga istoryador—para matukoy ang taon kung kailan sinimulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo.—Lucas 3:1, 2, 23.
Nakakakumbinsi ang ebidensiya na si Jesus ay umiral. “Sasang-ayon ang karamihan sa mga iskolar na may isang taong nakilala bilang Jesus na Nazareno na nabuhay noong unang siglo,” ang sabi ng aklat na Evidence for the Historical Jesus.
TANONG: Si Jesus ba ang Diyos?
SAGOT: Hindi. Kailanman ay hindi itinuring ni Jesus na kapantay siya ng Diyos. Sa kabaligtaran, paulit-ulit niyang ipinakita na nakabababa siya kay Jehova. * Halimbawa, tinukoy ni Jesus si Jehova bilang “Diyos ko” at “ang tanging tunay na Diyos.” (Mateo 27:46; Juan 17:3) Tiyak na isang nakabababa lang ang gagamit ng gayong mga salita para tukuyin ang iba. Kapag tinutukoy ng isang manggagawa ang kaniyang amo na “boss ko” o “ang isa na nangangasiwa,” maliwanag na itinuturing niyang nakabababa ang kaniyang sarili.
Ipinakita rin ni Jesus na hiwalay siya sa Diyos. Minsan ay sinabi ni Jesus sa mga mananalansang na humamon sa kaniyang awtoridad: “Sa inyong sariling Kautusan ay nakasulat, ‘Ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.’ Isa ako na nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Ama na nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.” (Juan 8:17, 18) Kung gayon, hiwalay si Jesus kay Jehova. Dahil kung hindi, paano sila maituturing na dalawang saksi? *
TANONG: Si Jesus ba ay isa lang mabuting tao?
SAGOT: Hindi. Naunawaan ni Jesus na marami siyang mahahalagang papel sa pagsasakatuparan ng kalooban ng Diyos. Narito ang ilan:
● “Bugtong na Anak ng Diyos.” (Juan 3:18) Alam ni Jesus ang kaniyang pinagmulan. Matagal na siyang nabubuhay bago pa siya isilang dito sa lupa. “Bumaba ako mula sa langit,” ang sabi niya. (Juan 6:38) Si Jesus ang unang nilalang ng Diyos, at tumulong siya sa paglalang ng lahat ng iba pang bagay. Dahil siya lang ang tuwirang nilalang ng Diyos, si Jesus ay matatawag na “bugtong na Anak ng Diyos.”—Juan 1:3, 14; Colosas 1:15, 16.
● “Anak ng tao.” (Mateo 8:20) Maraming beses na tinukoy ni Jesus ang kaniyang sarili na “Anak ng tao,” isang pananalitang halos 80 beses na lumitaw sa mga Ebanghelyo. Ipinahihiwatig nito na siya ay isang ganap na tao at hindi Diyos na nagkatawang-tao. Paano isinilang bilang tao ang bugtong na Anak ng Diyos? Sa pamamagitan ng banal na espiritu, inilipat ni Jehova ang buhay ng kaniyang Anak sa sinapupunan ng birheng Judio na si Maria, anupat naglihi ito. Dahil dito, si Jesus ay isinilang na sakdal at walang kasalanan.—Mateo 1:18; Lucas 1:35; Juan 8:46.
● “Guro.” (Juan 13:13) Nilinaw ni Jesus na ang atas na ibinigay sa kaniya ng Diyos ay ang ‘magturo at mangaral ng mabuting balita’ tungkol sa Kaharian ng Diyos. (Mateo 4:23; Lucas 4:43) Sa napakalinaw at napakasimpleng paraan, ipinaliwanag ni Jesus kung ano ang Kaharian ng Diyos at kung paano nito isasakatuparan ang kalooban ni Jehova.—Mateo 6:9, 10.
● “Ang Salita.” (Juan 1:1) Si Jesus ay nagsilbing Tagapagsalita ng Diyos para magbigay ng impormasyon at tagubilin sa iba. Ginamit ni Jehova si Jesus para sabihin ang mensahe Niya sa mga tao sa lupa.—Juan 7:16, 17.
TANONG: Si Jesus ba ang ipinangakong Mesiyas?
SAGOT: Oo. Inihula ng Bibliya ang pagdating ng Mesiyas, o Kristo, na ang ibig sabihin ay “Pinahiran.” Ang Ipinangakong Isa na ito ay may gagampanang napakahalagang papel sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova. Minsan, sinabi ng isang babaing Samaritana kay Jesus: “Alam ko na darating ang Mesiyas, na tinatawag na Kristo.” Ganito naman ang tugon ni Jesus: “Ako na nagsasalita sa iyo ay siya.”—Juan 4:25, 26.
May katibayan bang si Jesus nga ang Mesiyas? May tatlong ebidensiya na parang fingerprint na tumutukoy lang sa iisang persona. Kay Jesus nga kaya tumutukoy ang mga iyon? Tingnan natin:
● Ang kaniyang pinagmulang angkan. Inihula ng Bibliya na ang Mesiyas ay magmumula kay Abraham sa pamamagitan ng linya ng pamilya ni David. (Genesis 22:18; Awit 132:11, 12) Sila ang naging mga ninuno ni Jesus.—Mateo 1:1-16; Lucas 3:23-38.
● Natupad na mga hula. Ang Hebreong Kasulatan ay naglalaman ng napakaraming hula tungkol sa buhay ng Mesiyas sa lupa, kasama na ang mga detalye ng kaniyang kapanganakan at kamatayan. Natupad kay Jesus ang lahat ng hula. Narito ang ilan: Isinilang siya sa Betlehem (Mikas 5:2; Lucas 2:4-11), tinawag siya mula sa Ehipto (Oseas 11:1; Mateo 2:15), at namatay siya nang walang nabali sa kaniyang mga buto (Awit 34:20; Juan 19:33, 36). Imposibleng namaniobra ni Jesus ang kaniyang buhay para tuparin ang lahat ng hula hinggil sa Mesiyas. *
● Ang mismong patotoo ng Diyos. Nang isilang si Jesus, ang Diyos ay nagsugo ng mga anghel para sabihin sa mga pastol na ipinanganak na ang Mesiyas. (Lucas 2:10-14) Sa ilang pagkakataon noong ministeryo ni Jesus, nagsalita mismo ang Diyos mula sa langit para ipahayag ang kaniyang pagsang-ayon kay Jesus. (Mateo 3:16, 17; 17:1-5) Binigyan ni Jehova ng kapangyarihan si Jesus para gumawa ng mga himala na magpapatunay na si Jesus ang Mesiyas.—Gawa 10:38.
TANONG: Bakit kailangang magdusa at mamatay si Jesus?
SAGOT: Walang kasalanan si Jesus kaya hindi siya nararapat magdusa. Ni hindi siya nararapat ipako sa tulos bilang isang kriminal at mamatay sa kahiya-hiyang paraan. Gayunman, inasahan ni Jesus ang gayong pagmamaltrato at tinanggap iyon.—Mateo 20:17-19; 1 Pedro 2:21-23.
Ayon sa mga hula, kailangang magdusa at mamatay ang Mesiyas para sa mga kasalanan ng iba. (Isaias 53:5; Daniel 9:24, 26) Sinabi ni Jesus na dumating siya para “ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.” (Mateo 20:28) Ang mga nananampalataya sa halaga ng kaniyang sakripisyong kamatayan ay may pag-asang mailigtas mula sa kasalanan at kamatayan at mabuhay nang walang hanggan sa Paraiso sa lupa. *—Juan 3:16; 1 Juan 4:9, 10.
TANONG: Mapaniniwalaan ba talaga natin na binuhay-muli si Jesus?
SAGOT: Oo. Inaasahan talaga ni Jesus na ibabangon siya mula sa mga patay. (Mateo 16:21) Pero mahalagang tandaan na hindi kailanman sinabi ni Jesus o ng mga manunulat ng Bibliya na kusa siyang babangon mula sa mga patay. Sa halip, sinasabi ng Bibliya: “Binuhay siyang muli ng Diyos sa pamamagitan ng pagkakalag sa mga hapdi ng kamatayan.” (Gawa 2:24) Kung tinatanggap natin na may Diyos at na siya ang Maylalang sa lahat ng bagay, maniniwala tayong kaya niyang buhaying-muli ang kaniyang Anak.—Hebreo 3:4.
Mayroon bang mapananaligang ebidensiya na binuhay-muli si Jesus? Isaalang-alang ang sumusunod.
● Patotoo ng mga nakasaksi. Mga 22 taon pagkamatay ni Jesus, isinulat ni apostol Pablo na mahigit 500 ang nakakita sa binuhay-muling si Jesus at na karamihan sa kanila ay buháy pa nang sumulat si Pablo. (1 Corinto 15:6) Madaling bale-walain ang patotoo ng isa o dalawang saksi, pero mahirap itong gawin kapag 500 na ang saksi.
● Kapani-paniwalang mga saksi. May-katapangang ipinahayag ng mga unang alagad ni Jesus—mga nakasaksi sa totoong nangyari—na binuhay ngang muli si Jesus. (Gawa 2:29-32; 3:13-15) Sa katunayan, itinuring nilang napakahalaga sa Kristiyanong pananampalataya ang kaniyang pagkabuhay-muli. (1 Corinto 15:12-19) Handang mamatay ang mga alagad na iyon sa halip na itatwa ang kanilang pananampalataya kay Jesus. (Gawa 7:51-60; 12:1, 2) Tiyak na walang sinuman ang handang mamatay para sa isang bagay na alam niyang kasinungalingan lang!
Natalakay na natin ang mga sagot ng Bibliya sa anim na mahahalagang tanong tungkol kay Jesus. Nilinaw ng mga ito kung sino si Jesus. Pero mahalaga ba talaga ang mga sagot na ito? Sa ibang salita, mahalaga ba kung ano ang pinaniniwalaan mo tungkol kay Jesus?
[Mga talababa]
^ par. 4 Para sa pagtalakay sa pagkakaiba ng mga Ebanghelyo ng Bibliya at ng di-tumpak na mga akda tungkol kay Jesus, tingnan ang artikulong “Apokripal na mga Ebanghelyo—Itinagong mga Katotohanan Tungkol kay Jesus?” sa pahina 18-19.
^ par. 9 Sa Bibliya, Jehova ang personal na pangalan ng Diyos.
^ par. 10 Para sa detalyadong pagtalakay, tingnan ang artikulong “Pakikipag-usap sa Iba—Si Jesus ba ang Diyos?” sa pahina 20-22.
^ par. 21 Para sa listahan ng ilang hula na natupad kay Jesus, tingnan ang pahina 200 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
^ par. 25 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa halaga ng kamatayan ni Jesus bilang pantubos, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?