Mahalaga ba ang mga Sagot?
“Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.”—JUAN 8:32.
ANG Bibliya ay naglalaman ng katotohanan na makapagpapalaya sa atin sa nakalilito o nakaliligaw pa ngang mga paniniwala tungkol kay Jesus. Mahalaga ba talaga kung ano ang pinaniniwalaan natin tungkol sa kaniya? Oo. Mahalaga ito kay Jehova. Mahalaga ito kay Jesus. Kaya dapat na maging mahalaga rin ito sa atin.
● Bakit ito mahalaga kay Jehova? Dahil ang “Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Gusto ni Jehova na mabuhay tayo nang masaya magpakailanman. Sinabi ni Jesus: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan [ng sangkatauhan] anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay . . . magkaroon ng buhay na walang hanggan.” (Juan 3:16) Isinugo ng Diyos ang kaniyang Anak para maging Manunubos natin at para magkaroon tayo ng pag-asang mabuhay magpakailanman sa Paraiso sa lupa, kaayon ng Kaniyang orihinal na layunin. (Genesis 1:28) Nananabik ang Diyos na ipagkaloob ang buhay na walang hanggan sa mga natututo ng katotohanan tungkol sa kaniyang Anak at kumikilos ayon dito.—Roma 6:23.
● Bakit ito mahalaga kay Jesus? Iniibig din ni Jesus ang mga tao. Ipinakita niya ito nang ihain niya ang kaniyang buhay para sa atin. (Juan 15:13) Naunawaan niya na sa pamamagitan nito ay mailalaan niya ang tanging daan sa kaligtasan. (Juan 14:6) Dapat ba nating ikagulat na gusto ni Jesus na maraming makinabang sa kaniyang pantubos? Kaya naman, inutusan niya ang kaniyang tunay na mga tagasunod na ituro sa mga tao sa buong mundo ang kalooban at layunin ng Diyos.—Mateo 24:14; 28:19, 20.
● Bakit dapat itong maging mahalaga sa atin? Isipin mo ang mga bagay na napakahalaga sa iyo. Gusto mo ba ng mabuting kalusugan at magandang buhay para sa iyo at sa iyong pamilya? Sa pamamagitan ni Jesus, inaalok kayo ni Jehova ng perpektong kalusugan at walang-hanggang buhay sa isang bagong sanlibutan, kung saan wala nang sakit at pagdurusa. (Awit 37:11, 29; Apocalipsis 21:3, 4) Gusto mo ba iyan? Kung oo, may kailangan kang gawin.
Balikan natin ang teksto sa itaas: “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ay magpapalaya sa inyo.” Ang katotohanan tungkol kay Jesus at sa kaniyang papel sa katuparan ng layunin ng Diyos ay makapagpapalaya sa atin mula sa pinakamalupit na pang-aalipin—ang pang-aalipin ng kasalanan at kamatayan. Kaya kailangan mong ‘malaman ang katotohanan.’ Bakit hindi mo alamin nang higit pa ang tungkol sa katotohanang ito at kung paano ka makikinabang dito at ang iyong mga mahal sa buhay? Matutulungan ka ng mga Saksi ni Jehova.