Tularan ang Kanilang Pananampalataya
Nagprotekta, Naglaan, Nagtiyaga
IPINASAN ni Jose sa likod ng asno ang isa pang kargada. Habang pinagmamasdan ang nayon ng Betlehem sa kadiliman ng gabi, tinatapik niya ang tagiliran ng kaniyang asno. Tiyak na nasa isip niya ang gagawin nilang malayong paglalakbay patungong Ehipto! Isang banyagang bansa, wika, at mga kaugalian—makakayanan kaya iyon ng kaniyang pamilya?
Hindi madaling sabihin ang masamang balita sa kaniyang mahal na asawang si Maria, pero nilakasan ni Jose ang kaniyang loob. Sinabi niya kay Maria ang kaniyang panaginip tungkol sa isang anghel na nagsabi sa kaniya ng mensaheng ito ng Diyos: Gustong patayin ng haring si Herodes ang kanilang munting anak! Kailangan nilang umalis agad. (Mateo 2:13, 14) Alalang-alala si Maria. Bakit kaya gustong patayin ang kanilang inosente at walang-kalaban-labang anak? Hindi ito maunawaan nina Maria at Jose. Pero nagtiwala sila kay Jehova at naghanda sa paglalakbay.
Malalim na ang gabi nang lisanin nina Jose, Maria, at Jesus ang Betlehem. Habang naglalakbay patimog at sumisikat na ang araw sa silangan, malamang na iniisip ni Jose kung ano ang mangyayari sa kanila. Paano kaya mapoprotektahan ng isang hamak na karpintero ang kaniyang pamilya mula sa makapangyarihang mga puwersa? Mapaglalaanan kaya niya sila ng kanilang mga pangangailangan? Magiging matiyaga kaya siya sa pagtupad sa mabigat na atas na ibinigay ng Diyos na Jehova sa kaniya, ang pangalagaan at palakihin ang natatanging batang ito? Mabibigat na hamon ang hinarap ni Jose. Habang isinasaalang-alang natin kung paano niya napagtagumpayan ang mga ito, makikita natin kung bakit kailangan ng mga ama sa ngayon—at nating lahat—na tularan ang pananampalataya ni Jose.
Pinrotektahan ni Jose ang Kaniyang Pamilya
Halos dalawang taon bago nito, sa kaniyang bayang Nazaret, ang buhay ni Jose ay nagbago buhat nang makipagtipan siya sa anak ni Heli. Kilala ni Jose si Maria bilang isang birhen at tapat na babae. Pero nalaman niyang nagdadalang-tao ito! Gusto niya sanang diborsiyuhin si Maria nang palihim para protektahan siya mula sa iskandalo. * Pero isang anghel ang nakipag-usap sa kaniya sa panaginip at ipinaliwanag na si Maria ay nagdalang-tao sa pamamagitan ng banal na espiritu ni Jehova. Idinagdag pa ng anghel na ang anak na lalaking ito na dinadala ni Maria ay ‘magliligtas sa kaniyang bayan mula sa kanilang mga kasalanan.’ Tiniyak pa niya kay Jose: “Huwag kang matakot na iuwi si Maria na iyong asawa.”—Mateo 1:18-21.
Ganiyan ang ginawa ng matuwid at masunuring si Jose. Binalikat niya ang pinakamabigat na atas: palakihin at pangalagaan ang isang anak na hindi kaniya, pero napakahalaga sa Diyos. Nang maglaon, bilang pagsunod sa kautusan ng imperyo, isinama ni Jose sa Betlehem ang nagdadalang-taong si Maria para magparehistro. Doon ipinanganak ang sanggol. *
Hindi bumalik si Jose at ang kaniyang pamilya
sa Nazaret. Sa halip, nanatili sila sa Betlehem, mga ilang milya lang mula sa Jerusalem. Mahirap lang sila pero ginawa ni Jose ang lahat para protektahan sina Maria at Jesus mula sa kakapusan o pagdurusa. Pansamantala silang nanirahan sa isang simpleng bahay. Pagkatapos, nang lumaki-laki na si Jesus—malamang na mahigit isang taóng gulang na—biglang nagbagong muli ang kanilang buhay.Dumating ang isang grupo ng mga lalaki, mga astrologo mula sa Silangan, na malamang ay mula pa sa Babilonya. Sinundan nila ang isang bituin patungo sa bahay nina Jose at Maria para makita ang bata na magiging hari ng mga Judio. Napakagagalang ng mga lalaking ito.
Alam man nila o hindi, nailagay ng mga astrologo ang batang si Jesus sa malaking panganib. Sa halip na sa Betlehem, inakay muna sila ng bituin sa Jerusalem. Sinabi nila sa napakasamang haring si Herodes na hinahanap nila ang bata na magiging hari ng mga Judio, anupat nag-alab sa galit at inggit ang hari.—Tingnan ang artikulong “Tanong ng mga Mambabasa—Sino ang Nagsugo ng ‘Bituin’?” sa pahina 29.
Buti na lang, may kumilos na mga puwersang mas makapangyarihan kaysa kay Herodes. Paano? Ang mga dumalaw ay may dalang regalo, pero wala silang hininging kapalit. Tiyak na takang-taka sina Jose at Maria dahil bigla na lang silang nagkaroon ng “ginto at olibano at mira”—mamahaling mga produkto! Sasabihin talaga ng mga astrologo kay Haring Herodes kung saan nila natagpuan ang bata. Pero kumilos si Jehova! Sa pamamagitan ng panaginip, inutusan niya ang mga astrologo na dumaan sa ibang ruta pauwi.—Mateo 2:1-12.
Pagkaalis ng mga astrologo, tumanggap si Jose ng babala mula sa anghel ni Jehova: “Bumangon ka, dalhin mo ang bata at ang kaniyang ina at tumakas ka patungong Ehipto, at manatili ka roon hanggang sa sabihin ko sa iyo; sapagkat hahanapin na ni Herodes ang bata upang patayin ito.” (Mateo 2:13) Kaya gaya ng nabasa natin sa simula, sumunod agad si Jose. Inuna niya ang kaligtasan ng bata at nagpunta sila sa Ehipto. Dahil sa ibinigay na mga regalo ng mga astrologo, mayroon na sila ngayong pag-aari.
Nang maglaon, pinaganda ng apokripal na mga alamat ang kuwento tungkol sa paglalakbay sa Ehipto. Sinasabi nito na makahimalang pinaikli ng batang si Jesus ang kanilang paglalakbay, pinabait ang mga bandido, at pinayuko ang mga palmang datiles para mapitas ng kaniyang ina ang mga bunga nito. * Pero ang totoo, iyon ay isang mahaba at mahirap na paglalakbay.
Maraming matututuhan kay Jose ang mga magulang. Itinigil niya agad ang kaniyang trabaho at isinakripisyo ang kaniyang sariling kaalwanan
para protektahan ang kaniyang pamilya. Maliwanag na itinuring niya na ang kaniyang pamilya ay ipinagkatiwala mismo ni Jehova sa kaniya. Sa ngayon, pinalalaki ng mga magulang ang kanilang mga anak sa maligalig na sanlibutang ito na punô ng mga elementong magsasapanganib, magpapasamâ, o sisira pa nga sa buhay ng mga kabataan. Kahanga-hanga ang mga ina at ama na tumutulad kay Jose, anupat nagsisikap na protektahan ang kanilang anak mula sa gayong mga impluwensiya!Naglaan si Jose Para sa Kaniyang Pamilya
Lumilitaw na sandali lang nanatili sa Ehipto ang pamilya dahil di-nagtagal, ipinaalam ng anghel kay Jose na patay na si Herodes. Isinama ni Jose ang kaniyang pamilya pabalik sa kanilang lupang tinubuan. Isang sinaunang hula ang nagsabi na tatawagin ni Jehova ang kaniyang anak “mula sa Ehipto.” (Mateo 2:15) Nakatulong si Jose sa katuparan ng hulang iyan, pero saan na sila pupunta ngayon?
Maingat si Jose. Alam niyang dapat din niyang katakutan ang humalili kay Herodes na si Arquelao dahil marahas at mamamatay-tao rin ito. Sa patnubay ng Diyos, isinama ni Jose ang kaniyang pamilya sa hilaga, malayo sa Jerusalem at sa lahat ng masasamang nangyayari doon, pabalik sa Nazaret ng Galilea kung saan siya isinilang. Doon na nanirahan ang kanilang pamilya.—Mateo 2:19-23.
Simple lang ang buhay nila—pero hindi ito madali. Tinukoy ng Bibliya si Jose bilang karpintero, isang salita na may malaking kaugnayan sa kahoy, gaya ng pagputol ng punò, paghakot sa mga ito, at pagpapatuyo para magamit sa paggawa ng mga bahay, bangka, maliliit na tulay, kariton, gulong, pamatok, at lahat ng iba pang kagamitan sa pagsasaka. (Mateo 13:55) Mabigat na trabaho ito. Ang karpintero noong panahon ng Bibliya ay karaniwan nang nagtatrabaho sa labas lang ng kaniyang bahay o sa isang malapit na gawaan.
Napakaraming gamit ni Jose sa pagkakarpintero na ang ilan ay malamang na minana pa niya sa kaniyang ama. Maaaring gumamit siya ng eskuwala, hulog, yeso, palataw, lagari, daras, martilyo, malyete, pait, barena, iba’t ibang pandikit, at marahil ay mga pako, bagaman napakamahal nito.
Maiisip natin ang maliit na batang si Jesus habang pinapanood ang nagtatrabaho niyang ama-amahan. Halos ayaw kumurap ni Jesus sa pagbabantay sa bawat kilos ni Jose. Hangang-hanga siya sa lakas ng malalapad na balikat at maskuladong mga bisig ni Jose, sa bihasang mga kamay nito, at sa talinong nakikita sa mga mata nito. Marahil ipinakita ni Jose sa kaniyang maliit pang anak ang ilang simpleng trabaho, gaya ng pagkikinis ng kahoy sa pamamagitan ng pinatuyong balat ng isda. Malamang na itinuro niya kay Jesus ang pagkakaiba ng mga kahoy na ginagamit niya—gaya ng sikomoro (igos-mulberi), ensina, o olibo.
Alam din ni Jesus na ang malalakas na kamay na nagpatumba ng punò, gumawa ng mga bigà, at pumukpok sa mga hugpungan ay siya ring mga kamay na nag-aruga sa kaniya, sa kaniyang ina, at sa kaniyang mga kapatid. Oo, lumaki ang pamilya nina Jose at Maria. Nagkaroon pa sila ng anim na anak bukod kay Jesus. (Mateo 13:55, 56) Kailangang magtrabahong mabuti si Jose para mapangalagaan silang lahat at mapakain.
Pero alam ni Jose na ang pinakamahalaga pa rin ay ang espirituwal na pangangailangan ng kaniyang pamilya. Kaya naglaan siya ng panahon para turuan ang kaniyang mga anak tungkol sa Diyos na Jehova at sa Kaniyang mga kautusan. Regular na isinasama nina Jose at Maria ang kanilang mga anak sa sinagoga, kung saan ang Kautusan ay binabasa nang malakas at ipinaliliwanag. Malamang na napakaraming tanong ni Jesus pagkagaling sa sinagoga, at sinikap naman ni Jose na masapatan ang pagkagutom ng anak sa espirituwal na mga bagay. Isinasama rin ni Jose ang kaniyang pamilya sa relihiyosong mga kapistahan sa Jerusalem. Sa taunang Paskuwa, mga dalawang linggo ang kailangan ni Jose para maglakbay ng mga 112 kilometro, dumalo sa okasyon, at makauwi.
Ganiyan din ang ginagawa ng mga ulo ng Kristiyanong pamilya sa ngayon. Sila ay nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak, anupat laging inuuna ang pagsasanay sa espirituwal kaysa sa ibang mga bagay kasama na ang materyal na kaalwanan. Sinisikap nilang maisama ang kanilang mga anak sa mga Kristiyanong pagpupulong, sa Kingdom Hall man o sa mga asamblea. Tulad ni Jose, alam nilang iyon na ang pinakamahalagang maipamamana nila sa kanilang mga anak.
“May Pagkabagabag ng Isip”
Nang 12 anyos si Jesus, isinama ni Jose ang kaniyang pamilya sa Jerusalem gaya ng lagi niyang ginagawa. Paskuwa noon, isang masayang okasyon, at sama-samang naglalakbay ang malalaking pamilya. Habang papaakyat sila sa Jerusalem, marami ang kumakanta ng kabisado nilang mga awit ng pagsampa. (Awit 120-134) Halos di-mahulugang-karayom ang kapal ng tao sa lunsod. Pagkatapos ng okasyon, nagsimula nang maglakbay pauwi ang mga pamilya. Marahil sa dami ng inaasikaso, inakala nina Jose at Maria na kasama si Jesus ng ibang naglalakbay, baka ng mga kamag-anak nila. Lumipas pa ang isang araw bago nila natuklasang nawawala si Jesus!—Lucas 2:41-44.
Natataranta silang bumalik sa Jerusalem na halos wala nang katau-tao noon. Binabagtas nila Lucas 2:45, 46.
ang mga lansangan habang tinatawag ang kanilang anak. Nasaan kaya si Jesus? Sa ikatlong araw ng kanilang paghahanap, naisip kaya ni Jose na binigo niya si Jehova sa ipinagkatiwala sa kaniya? Nagtungo sila sa templo at nakarating sa isang silid kung saan nagkakatipon ang maraming edukadong lalaki na bihasa sa Kautusan. Natagpuan nila si Jesus na nakaupo sa gitna ng mga lalaking ito. Nakahinga nang maluwag sina Jose at Maria!—Nakikinig si Jesus sa mga lalaki at marami siyang tanong. Namangha ang mga lalaki sa kaunawaan at mga sagot ni Jesus. Natigilan sina Jose at Maria. Sa ulat, tahimik lang si Jose. Pero sapat na ang sinabi ni Maria para malaman natin ang nasa isip ni Jose: “Anak, bakit mo kami pinakitunguhan nang ganito? Narito, ang iyong ama at ako ay naghahanap sa iyo nang may pagkabagabag ng isip.”—Lucas 2:47, 48.
Sa ulat na ito, binibigyan tayo ng Salita ng Diyos ng ideya tungkol sa pagiging magulang. Maaari itong magdulot ng stress kahit na perpekto pa ang anak! Sa mapanganib na daigdig sa ngayon, mas lalo nang ‘nakababagabag ng isip’ ang pagpapalaki ng anak. Pero nakaaaliw para sa mga ama at ina na malaman na ang Bibliya ay may sinasabi tungkol sa mga hamong kinakaharap nila.
Buti na lang, nanatili si Jesus sa isang lugar kung saan nadama niyang napakalapit niya sa kaniyang Ama sa langit, si Jehova, anupat sabik na sabik na matuto. Kaya naman ganito ang sagot niya sa kaniyang mga magulang: “Bakit kailangang hanapin ninyo ako? Hindi ba ninyo alam na ako ay dapat na mapasabahay ng aking Ama?”—Lucas 2:49.
Tiyak na maraming ulit na pinag-isipan ni Jose ang mga salitang iyon. Marahil ay nakadama siya ng pagmamalaki. Tutal, talaga namang sinikap niyang ituro sa kaniyang anak-anakan na magkaroon ng ganoong damdamin para sa Diyos na Jehova. Bagaman bata pa, alam na ni Jesus ang kahulugan ng pagiging isang maibiging ama dahil na rin sa nakita niya kay Jose.
Bilang isang ama, naiisip mo ba kung gaano kalaking pribilehiyo na tulungan ang iyong mga anak na magkaideya kung ano ang isang mapagmahal at mapagsanggalang na ama? Sa katulad na paraan, kung mayroon kang anak-anakan o ampon, tandaan ang halimbawa ni Jose at ituring na natatangi at mahalaga ang bawat isa. Tulungan silang maging mas malapít sa kanilang Ama sa langit, ang Diyos na Jehova.
Nagtiyaga si Jose Nang May Katapatan
Kaunti lang ang ulat ng Bibliya tungkol kay Jose, pero mahalagang isaalang-alang ito. Mababasa natin na si Jesus ay “patuloy [na] nagpasakop sa kanila”—sa kaniyang mga magulang. Nalaman din natin na “si Jesus ay patuloy na Lucas 2:51, 52) Ano ang ipinahihiwatig ng mga salitang ito tungkol kay Jose? Marami. Natutuhan natin na patuloy na nanguna si Jose sa kaniyang pamilya dahil iginalang ng kaniyang perpektong anak ang awtoridad niya bilang ama at patuloy na nagpasakop sa kaniya.
sumulong sa karunungan at sa pisikal na paglaki at sa lingap ng Diyos at ng mga tao.” (Nalaman din natin na patuloy na sumulong sa karunungan si Jesus. Tiyak na napakalaki ng kontribusyon dito ni Jose. Noon, may matagal nang kasabihan ang mga Judio. Sinasabi nito na tanging ang mga lalaking may libreng panahon ang talagang nagiging marunong, pero ang mga manggagawa gaya ng karpintero, magsasaka, at panday ay “hindi makapaghahayag ng katarungan at kahatulan; at hindi sila masusumpungan kung saan may usapan tungkol sa mga talinghaga.” Nang maglaon, pinatunayan ni Jesus na hindi totoo ang kasabihang iyan. Noong bata siya, maraming ulit niyang narinig na mahusay na nagturo tungkol sa “katarungan at kahatulan” ni Jehova ang kaniyang ama-amahan, bagaman ito ay isang karpintero lang.
Makikita rin natin ang impluwensiya ni Jose sa paglaki ni Jesus. Dahil napangalagaang mabuti, si Jesus ay lumaking malakas at malusog. Isa pa, sinanay ni Jose ang kaniyang anak na maging bihasa sa trabaho. Nakilala si Jesus hindi lang bilang anak ng karpintero kundi bilang “ang karpintero.” (Marcos 6:3) Kaya naging matagumpay ang pagsasanay na ginawa ni Jose. Tinutularan ng mga ulo ng pamilya si Jose, anupat pinangangalagaan ang kanilang mga anak at binibigyan ng praktikal na pagsasanay para matiyak na masusuportahan ng mga ito ang kanilang sarili.
Kapag binabasa na natin ang ulat ng Bibliya tungkol sa bautismo ni Jesus sa edad na 30, mapapansing hindi na binabanggit si Jose. Ipinahihiwatig ng ebidensiya na biyuda na si Maria nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo. (Tingnan ang kahong “Kailan Namatay si Jose?” sa pahina 27.) Gayunman, nag-iwan si Jose ng magandang halimbawa ng isang ama na nagprotekta sa kaniyang pamilya, naglaan sa kanila, at nagtiyaga nang may katapatan hanggang wakas. Makabubuting tularan ng lahat ng ama, ulo ng pamilya, at ng sinumang Kristiyano ang pananampalataya ni Jose.
[Mga talababa]
^ par. 7 Noong panahong iyon, ang magkatipan ay itinuturing na para na ring mag-asawa.
^ par. 8 Tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya—Bumuo Siya ng ‘mga Palagay sa Kaniyang Puso’” sa Oktubre 1, 2008, isyu ng Ang Bantayan.
^ par. 14 Malinaw na ipinakikita ng Bibliya na ang unang himala ni Jesus ay ginawa niya matapos siyang bautismuhan. (Juan 2:1-11) Para sa ilan pang ulat ng apokripal na ebanghelyo, tingnan ang artikulong “Apokripal na mga Ebanghelyo—Itinagong mga Katotohanan Tungkol kay Jesus?” sa pahina 18.
[Kahon sa pahina 27]
Kailan Namatay si Jose?
Alam natin na buháy pa si Jose noong 12 anyos si Jesus. Mga ganiyang edad natututuhan ng maraming kabataang Judio ang trabaho ng kanilang ama, at sa edad na 15 ay nakatutulong na sila sa kanilang ama. Lumilitaw na bago pa mamatay si Jose, naturuan na niya ng pagkakarpintero si Jesus. Buháy pa ba si Jose nang simulan ni Jesus ang kaniyang ministeryo sa edad na mga 30? Parang imposible. Binanggit na buháy pa ang ina at mga kapatid ni Jesus noong panahong iyon, pero hindi si Jose. Minsan ay tinawag pa nga si Jesus na “anak ni Maria,” hindi anak ni Jose. (Marcos 6:3) May ulat din na si Maria ay kumilos at nagpasiya nang walang kinokonsultang asawa. (Juan 2:1-5) Hindi iyan pangkaraniwan noong panahon ng Bibliya, malibang siya ay biyuda. Bilang panghuli, bago malagutan ng hininga si Jesus, inihabilin niya kay apostol Juan ang kaniyang ina. (Juan 19:26, 27) Hindi iyan gagawin ni Jesus kung buháy pa noon si Jose. Kung gayon, masasabing namatay si Jose noong halos adulto na si Jesus. Bilang panganay, tiyak na si Jesus ang nangasiwa sa kanilang hanapbuhay na pagkakarpintero at nangalaga sa kanilang pamilya hanggang sa mabautismuhan siya.
[Larawan sa pahina 24]
Kumilos agad si Jose at nagsakripisyo para protektahan ang kaniyang anak
[Larawan sa pahina 25]
Nagtrabahong mabuti si Jose para paglaanan ang kaniyang pamilya
[Larawan sa pahina 26]
Regular na isinasama ni Jose ang kaniyang pamilya sa Jerusalem para sumamba sa templo
[Larawan sa pahina 28]
Sinanay ni Jose ang kaniyang anak para maging karpintero