Ang Buhay Noong Panahon ng Bibliya—Ang Magsasaka
“Sinabi [ni Jesus] sa kaniyang mga alagad: ‘Oo, ang aanihin ay marami, ngunit ang mga manggagawa ay kakaunti. Kaya nga, magsumamo kayo sa Panginoon ng pag-aani na magpadala ng mga manggagawa sa kaniyang pag-aani.’”—MATEO 9:37, 38.
MADALAS gamitin ni Jesus ang mga paraan at kagamitan sa pagsasaka para ilarawan ang mahahalagang turo. (Mateo 11:28-30; Marcos 4:3-9; Lucas 13:6-9) Bakit? Dahil pagsasaka ang ikinabubuhay sa lugar nila. Marami sa nakinig sa kaniya ang sumusunod sa daan-daang taon nang mga tradisyon sa pagsasaka. Alam nila ang ibig sabihin ni Jesus kapag binabanggit niya ang kanilang pang-araw-araw na gawain. Nauunawaan ni Jesus ang kalagayan ng kaniyang mga tagapakinig, at napakilos sila ng kaniyang turo.—Mateo 7:28.
Mas mapahahalagahan natin ang mga ilustrasyon ni Jesus at iba pang ulat sa Bibliya kung may ideya tayo sa mga tanim, kagamitan, at mga hamong kinaharap ng unang-siglong magsasaka.
Gunigunihin kung paano nagtatrabaho ang isang magsasaka. Basahin ang mga teksto, at tingnan kung ano ang iyong matututuhan.
Panahon ng Paghahasik
Habang iniiwasan ng magsasaka na masilaw sa sinag ng araw, nakatayo siya sa pinto at nilalanghap ang simoy ng hangin. Pinalambot na ng ulan ang tigang na lupa. Panahon na para mag-araro. Ipinasan niya ang ararong gawa sa kahoy at saka pumunta sa bukid.
Lucas 9:62) Hindi siya lumalampas sa hangganan ng kaniyang bukid at sinusulit ang kaniyang maliit na piraso ng lupa.
Doon, ang dalawang barakong baka ng magsasaka ay nilalagyan niya ng pamatok at saka ginagamitan ng tungkod na pantaboy para magtrabaho. Kinakayod ng bakal na dulo ng araro ang mabatong lupa, anupat nakahuhukay ng mabababaw na trinsera, o tudling (1). Sinisikap ng magsasaka na mapanatiling deretso ang tudling—hindi siya lumilingon para hindi mapalihis ang araro. (Ngayon, puwede nang maghasik. Habang nasa isang kamay ang supot ng sebada, isinasaboy naman ng isa niyang kamay ang binhi (2). Tinitiyak niyang sa “mabuting lupa” babagsak ang mga binhi, at hindi sa pikpik na lupa.—Lucas 8:5, 8.
Pagkatapos, susuyurin naman ang lupa. Isinisingkaw ng magsasaka sa barakong baka ang matitinik na sanga at ipinahihila ang mga ito para masuyod ang bukid. Langkay-langkay na ibon ang nag-uunahan sa pagtuka sa mga binhi bago ito matabunan ng lupa. Pagkatapos, ang magsasaka ay gumagamit ng asada (3) para buhaghagin ang lupa at alisin ang mga panirang-damo na maaaring sumakal sa tumutubong binhi.—Mateo 13:7.
Panahon ng Pag-aani
Lumipas ang mga buwan. Saganang bumuhos ang ulan. Hinog na ang mga sebada, anupat namumuti ang kabukiran.—Juan 4:35.
Sa pag-aani, abala ang magsasaka at ang kaniyang pamilya. Hinahawakan ng kaliwang kamay ng manggagapas ang isang kumpol ng sebada, saka ito kakaritin ng kaniyang kanang kamay (4). Tinitipon naman ng iba ang mga nagapas, tinatalian ang mga ito (5), at ikinakarga sa mga asno o kariton (6) na magdadala naman ng mga iyon sa mga giikan ng nayon.
Tirík na tirík ang araw, anupat parang puting butas sa gitna ng maasul na kalangitan. Sandaling namamahinga ang pamilya sa lilim ng punong igos. Sila ay nagtatawanan at nagkukuwentuhan habang pinagsasaluhan ang tinapay, binusang butil, bunga ng olibo, pinatuyong igos, at pasas. Pagkatapos ay umiinom sila ng tubig na galing sa bukal.—Deuteronomio 8:7.
Sa katabing bukid naman, tinitipon ng mga naghihimalay ang mga natirang sebada (7). Ang ilan ay dukha at walang lupa.—Deuteronomio 24:19-21.
Deuteronomio 25:4) Ang matatalim na bato at mga piraso ng metal na nakakabit sa ilalim ng kareta ang humihiwa sa mga tangkay.
Sa giikan ng nayon, ang mga tungkos ay inilalatag ng magsasaka sa mataas at pinikpik na lupa. Paikut-ikot namang hinihila ng barakong baka ang isang mabigat na kareta (8). (Sa takipsilim, hinihintay ng magsasaka na humihip ang malamig na hangin sa gabi. (Ruth 3:2) Pinapala niya ang nagiik na mga tungkos gamit ang isang mahabang tinidor na kahoy, o “palang pantahip” (9), at isinasaboy sa hangin. (Mateo 3:12) Bumabagsak sa sahig ang mga butil at nililipad naman ng hangin ang ipa. Paulit-ulit itong ginagawa ng magsasaka hanggang sa matapos ang pagtatahip.
Pagsikat ng araw, sinisimulan nang salain ng kaniyang asawa at mga anak na babae ang mga butil (10). Nililiglig nila ang mga panalà na punô ng butil at maliliit na bato, nahuhulog ang mga sebada sa basket, at itinatapon nila ang mga dumi. Sagana ang ani. Ang sobrang mga butil ay iniimbak ng mga manggagawa sa mga banga (11). Ang lahat ng natirang butil ay ibinubuhos naman sa hinukay na mga imbakan.
Sa giikan, iniuunat ng magsasaka ang kaniyang likod, iniinat-inat ang pagód niyang mga kalamnan, at tinatanaw ang kabukiran sa paligid ng nayon. Masayang-masaya niyang pinagmamasdan ang lupaing nababalot ng pinaggapasan—katibayan ng maraming araw na pagtatrabaho. Nakikita din niya ang mga manggagawa habang inaasikaso nila ang mga taniman ng ubas, olibo, granada, at igos. Sa di-kalayuan, kumakaway ang isang kapitbahay habang nagbubungkal ng kaniyang maliit na taniman. Ang lupa ay sisibulan naman ng mga pipino, lentehas, balatong, puero, garbansos, at mga sibuyas. Tumingin sa langit ang magsasaka, at sandaling nanalangin nang taimtim para pasalamatan ang Diyos sa mabubuting bagay na ipinagkakaloob Niya.—Awit 65:9-11.
[Mga larawan sa pahina 28-30]
(Tingnan ang publikasyon)