Isang Tanong Para kay Jesus
Maraming may-takot sa Diyos ang naniniwalang dapat makialam ang relihiyon sa pulitika. Naniniwala silang malaki ang maitutulong ng relihiyon para malutas ang ating mga problema. Pero iniisip naman ng ibang may-takot din sa Diyos na dapat ay magkahiwalay ang relihiyon at pulitika. Sa palagay mo, ano ang papel ng relihiyon sa pulitika? Dapat bang magtulungan ang dalawang makapangyarihang puwersang ito?
SI Jesu-Kristo ay inilalarawan bilang ang “pinakamaimpluwensiyang tao sa kasaysayan ng relihiyon ng sangkatauhan.” Ano kaya ang isasagot niya sa tanong na, Dapat bang makialam ang relihiyon sa pulitika? Noong nasa lupa siya, sinagot niya ang tanong na ito sa pamamagitan ng salita at gawa. Sa kaniyang kilaláng Sermon sa Bundok, nagbigay si Jesus ng mga tagubilin na tutulong sa kaniyang mga tagasunod na maunawaan ang papel na dapat nilang gampanan sa kanilang komunidad. Isaalang-alang natin ang ilan sa mga ito.
Makisalamuha sa Iba
Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod kung ano ang dapat na maging saloobin nila sa sanlibutan: “Kayo ang asin ng lupa; ngunit kung maiwala ng asin ang bisa nito, paano maisasauli ang alat nito? Hindi na ito magagamit pa sa anumang bagay kundi itatapon sa labas upang mayurakan ng mga tao. Kayo ang liwanag ng sanlibutan. . . . Pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao, upang makita nila ang inyong maiinam na gawa at magbigay ng kaluwalhatian sa inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:13-16) Bakit inihalintulad ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod sa asin at liwanag?
Ipinahihiwatig ng mga salita ni Jesus na ang kaniyang mga tagasunod ay tulad ng asin, hindi lang sa isang maliit na grupo, kundi sa lahat ng tao. Sila ay tulad ng liwanag, hindi lang sa limitadong bilang ng tao, kundi sa lahat ng gustong makakilala sa Diyos. Sa pamamagitan ng mga paglalarawang ito, nilinaw ni Jesus na hindi niya gustong ibukod ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang sarili. Bakit?
Pansinin: Ang asin ay hindi makapagpepreserba kung hindi ito ihahalo sa pagkain. Ang ilaw ay hindi makapagbibigay ng liwanag sa madilim na silid kung malayo ito roon. Kung gayon, mauunawaan natin kung bakit hindi kailanman inutusan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magsama-sama sa isang lugar para bumuo ng sarili nilang mga komunidad. Hindi rin niya hinimok ang kaniyang mga tagasunod na magkulong sa loob ng relihiyosong mga institusyon. Sa halip, kung paanong ang asin ay kailangang ihalo sa pagkain at ang ilaw ay kailangang ilagay sa loob ng madilim na silid, ang mga Kristiyano ay kailangan ding makisalamuha sa iba.
“Hindi Bahagi ng Sanlibutan”
Gayunman, ang mga tagubilin ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na dapat silang makihalubilo sa iba ay nagbabangon ng isang mahalagang tanong tungkol sa saloobin ng isang Kristiyano sa pulitika. Bakit? Bago patayin si Jesus, nanalangin siya sa Diyos para sa kaniyang mga tagasunod: “Humihiling ako sa iyo, hindi upang alisin sila sa sanlibutan, kundi upang bantayan sila dahil sa isa na balakyot. Hindi sila bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:15, 16) Kung gayon, paano ito magagawa ng mga Kristiyano, at kasabay nito ay maging aktibo sa kanilang komunidad? Para masagot iyan, talakayin natin ang tatlo pang tanong:
• Ano ang pangmalas ni Jesus sa pulitika?
• Dapat bang makisali sa pulitika ang mga Kristiyano?
• Paano nakaaapekto sa komunidad ang mga turong Kristiyano?
[Blurb sa pahina 4]
Nilinaw ni Jesus na hindi niya gustong ibukod ng kaniyang mga tagasunod ang kanilang sarili