Paano Nakaaapekto sa Komunidad ang mga Turong Kristiyano?
TINALAKAY sa nakaraang mga artikulo kung bakit hindi nakikisali sa pulitika ang mga tunay na Kristiyano. Kung gayon, paano maipakikita ng mga Kristiyano na interesado silang mapaganda ang kalagayan ng kanilang komunidad? Ang isang paraan ay ang pagsunod sa utos ni Jesus: “Kaya humayo kayo at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, na binabautismuhan sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng banal na espiritu, na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.”—Mateo 28:19, 20.
Magkaugnay ang pagsunod sa utos ni Jesus na “gumawa ng mga alagad” at ang pagsunod sa kaniyang tagubilin na maging tulad ng asin at ng liwanag sa sanlibutan. (Mateo 5:13, 14) Paano? At ano ang puwedeng maging epekto nito sa mga tao?
Mensahe ni Kristo—Tulad ng Asin at ng Liwanag
Ang asin ay isang preserbatibo; mahahadlangan nito ang pagkasira ng pagkain. Ganiyan din ang epekto ng mensaheng iniutos ni Jesus na sabihin ng kaniyang mga tagasunod sa lahat ng bansa. Kapag tinatanggap at ikinakapit ng mga tao ang mga turo ni Jesus, napoprotektahan nila ang kanilang sarili mula sa kasiraan sa moral na laganap sa ngayon. Paano? Natututuhan nilang iwasan ang mga gawaing nakasasama sa kalusugan, gaya ng paninigarilyo, at nalilinang nila ang mga katangiang gaya ng pag-ibig, kapayapaan, mahabang pagtitiis, kabaitan, at kabutihan. (Galacia 5:22, 23) Dahil sa mga katangiang iyon, nagiging kapaki-pakinabang sila sa lipunan. Ang pangangaral ng mga Kristiyano sa kanilang mga kapitbahay tungkol sa mensahe ni Kristo ay malaking tulong sa komunidad.
Paano naman nagiging tulad ng liwanag ang mensahe ni Kristo? Kung paanong ang liwanag ng buwan ay nagmumula sa araw, ang liwanag naman ng mga tagasunod ni Kristo ay nagmumula sa Diyos na Jehova. Ipinaaaninag nila ito sa pamamagitan ng mensaheng ipinangangaral nila at ng kanilang mabubuting gawa.—1 Pedro 2:12.
Para mas maidiin ang pagkakatulad ng pagiging liwanag at ng pagiging alagad, sinabi ni Jesus: “Ang mga tao ay nagsisindi ng lampara at inilalagay iyon, hindi sa ilalim ng basket na panukat, kundi sa ibabaw ng patungan ng lampara, at ito ay nagliliwanag sa lahat niyaong mga nasa bahay. Sa gayunding paraan ay pasikatin ninyo ang inyong liwanag sa harap ng mga tao.” Ang may sinding lampara sa patungan ay kitang-kita ng lahat ng nasa paligid nito. Sa katulad na paraan, ang gawaing pangangaral at iba pang maiinam na gawa ng mga tunay na Kristiyano ay dapat na kitang-kita rin ng mga nakapaligid sa kanila. Bakit? Sinabi ni Jesus na luluwalhatiin ng mga nakakakita sa kanilang maiinam na gawa, hindi ang mga Kristiyano, kundi ang Diyos.—Mateo 5:14-16.
Pananagutan ng Lahat
Nang sabihin ni Jesus, “Kayo ang liwanag ng sanlibutan” at “pasikatin ninyo ang inyong liwanag,” ang tinutukoy niya ay ang lahat ng kaniyang alagad. Ang utos ni Jesus ay hindi magagawa ng iilang indibiduwal na nasa iba’t ibang relihiyon. Sa halip, ang lahat ng mananampalataya ay “liwanag.” Naniniwala ang pitong milyong Saksi ni Jehova sa mahigit 235 lupain na pananagutan nilang lahat na dalawin ang kanilang mga kapitbahay para ibahagi ang mensaheng gusto ni Kristo na ipahayag ng kaniyang mga tagasunod.
Ano ang paksa ng mensahe ng mga Saksi ni Jehova? Nang iutos ni Jesus ang pangangaral, hindi niya sinabi sa kaniyang mga tagasunod na mangaral tungkol sa reporma sa lipunan at pulitika, pagkakaisa ng Simbahan at Estado, o anumang sekular na ideolohiya. Sa halip, inihula niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa bilang patotoo sa lahat ng mga bansa.” (Mateo 24:14) Kaya bilang pagsunod sa mga tagubilin ni Jesus, patuloy na ipinakikipag-usap ng mga tunay na Kristiyano sa kanilang mga kapitbahay ang tungkol sa Kaharian ng Diyos—ang tanging pamahalaan na makapag-aalis sa masamang sistema ni Satanas at makapagdudulot ng isang matuwid na bagong sanlibutan.
Sa katunayan, kapag binabasa natin ang mga ulat ng Ebanghelyo, may dalawang bagay na kapansin-pansin sa ministeryo ni Jesus na makikita rin sa gawain ng mga tunay na Kristiyano sa ngayon. Tatalakayin ang mga iyan sa susunod na artikulo.
[Blurb sa pahina 8]
Bakit masasabing tulad ng asin ang mensahe ni Kristo?
[Blurb sa pahina 9]
Bakit masasabing tulad ng lampara sa kadiliman ang mensahe ni Kristo?