Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Susi sa Maligayang Pamilya

Kung Paano Maibabalik ang Tiwala

Kung Paano Maibabalik ang Tiwala

Steve a: “Hindi ko talaga akalaing pagtataksilan ako ni Jodi. Nawala ang tiwala ko sa kaniya. Hindi ko maipaliwanag kung gaano kahirap para sa akin na patawarin siya.”

Jodi: “Naiintindihan ko kung bakit nawala ang tiwala sa akin ni Steve. Matagal din bago ko napatunayang nagsisisi ako.”

ANG Bibliya ay nagbibigay ng kalayaan sa pinagtaksilang asawa na magdesisyon kung didiborsiyuhin niya ang kaniyang asawa o hindi. b (Mateo 19:9) Si Steve, na binanggit sa itaas, ay hindi nakipagdiborsiyo kay Jodi. Ipinasiya nilang isalba ang kanilang pagsasama. Pero di-nagtagal, natuklasan nilang hindi pala ito madali. Bakit? Gaya ng sinabi nila, dahil sa pagtataksil ni Jodi, nawala ang tiwala sa kaniya ni Steve. Yamang mahalaga ang tiwala sa isa’t isa para sa masayang pagsasama, kailangan nilang pagsikapang maibalik ito.

Kung sinisikap ninyong mag-asawa na isalba ang inyong pagsasama pagkatapos ng isang matinding problema, gaya ng pagtataksil, hindi nga madali iyan. Ang unang mga buwan matapos mabunyag ang pagtataksil ay maaaring napakahirap harapin. Pero puwede kayong magtagumpay! Paano ninyo maibabalik ang nawalang tiwala? Makatutulong ang payo ng Bibliya. Isaalang-alang ang apat na mungkahi.

1 Maging Tapat sa Isa’t Isa.

Isinulat ni apostol Pablo: ‘Ngayong inalis na ninyo ang kabulaanan, magsalita ng katotohanan.’ (Efeso 4:25) Ang mga pagsisinungaling, di-pagsasabi ng buong katotohanan, at pananahimik pa nga ay nakasisira ng tiwala. Kaya kailangan ninyong sabihin ang lahat at maging tapat sa isa’t isa.

Sa umpisa, baka hindi pa ninyo kayang pag-usapan ang nangyari. Pero darating at darating ang panahon na kailangan ninyo itong gawin. Maaaring hindi ninyo gustong pag-usapan ang lahat ng detalye, pero hindi makabubuti kung tuluyan ninyong iiwasang pag-usapan ang mismong problema. “Noong una, napakahirap para sa akin na pag-usapan ang nangyari,” ang sabi ni Jodi. “Sising-sisi ako sa ginawa ko at gusto kong kalimutan na lang iyon.” Pero lalong lumala ang problema. Bakit? Sinabi ni Steve, “Dahil ayaw ni Jodi na pag-usapan ang nangyari, hindi mawala-wala ang pagdududa ko.” Sinabi naman ni Jodi, “Dahil ayokong pag-usapan namin iyon ng aking asawa, hindi tuloy namin maayos ang problema.”

Talagang mahirap pag-usapan ang tungkol sa pagtataksil. Ganito ang sabi ni Debbie na ang asawang si Paul ay nagkarelasyon sa sekretarya nito: “Napakarami kong tanong. Paano? Bakit? Ano ang pinag-usapan nila? Naging masyado akong emosyonal, lagi ko iyong iniisip, at habang lumilipas ang mga araw, lalong nadaragdagan ang mga tanong ko.” Sinabi naman ni Paul: “Natural lang na kung minsan ay nauuwi sa pagtatalo ang pag-uusap namin ni Debbie. Pero lagi rin kaming nagsosori sa isa’t isa. Naging malapít kami dahil sa tapatang mga pag-uusap na iyon.”

Paano kayo makapag-uusap nang maayos? Tandaan na ang pangunahing layunin ninyo ay hindi para sumbatan ang iyong asawa, kundi para matuto mula sa nangyari at mapatibay ang inyong pagsasama. Halimbawa, sinuri ni Chul Soo at ng kaniyang misis na si Mi Young ang relasyon nila para maunawaan kung bakit nagtaksil si Chul Soo. “Masyado akong naging busy sa aking pansariling kapakanan,” ang sabi ni Chul Soo. “Gustung-gusto ko ring mapaluguran ang iba at magawa ang mga inaasahan nila. Nasa kanila na halos ang lahat ng panahon at atensiyon ko. Dahil dito, hindi ko gaanong nakakasama ang asawa ko.” Nang maunawaan ito nina Chul Soo at Mi Young, gumawa sila ng mga pagbabago na nang maglaon ay nagpatibay sa kanilang pagsasama.

SUBUKAN ITO: Kung ikaw ang nagtaksil, huwag magdahilan o sisihin ang iyong asawa. Maging responsable sa ginawa mo at sa idinulot mong sama ng loob. Kung ikaw naman ang pinagtaksilan, huwag mong sigawan o laitin ang iyong asawa para mahimok mo siyang makipag-usap sa iyo.​—Efeso 4:32.

2 Magtulungan.

“Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa,” ang sabi ng Bibliya. Bakit? “Sapagkat sila ay may mabuting gantimpala dahil sa kanilang pagpapagal. Sapagkat kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.” (Eclesiastes 4:9, 10) Totoong-totoo iyan kapag sinisikap ninyong ibalik ang nawalang pagtitiwala.

Kung magtutulungan kayong mag-asawa, magtatagumpay kayo. Pero kailangang kayong dalawa ang magsalba sa inyong pagsasama. Kung magkakani-kaniya kayo, baka mas lumala ang problema. Kailangan ninyong ituring na kakampi ang isa’t isa.

Iyan ang natutuhan nina Steve at Jodi. “Medyo matagal,” ang sabi ni Jodi, “pero nagtulungan kami ni Steve para mapatibay ang aming relasyon. Determinado akong huwag na siyang muling saktan. At kahit nahihirapan si Steve, hindi niya hinayaang tuluyang masira ang aming pagsasama. Araw-araw, humahanap ako ng paraan para patunayang tapat ako sa kaniya, at ipinadarama naman niya sa akin na mahal niya ako. Habambuhay ko itong tatanawing utang na loob sa kaniya.”

SUBUKAN ITO: Magtulungan para maibalik ang nawalang pagtitiwala.

3 Magbago.

Matapos babalaan ni Jesus ang kaniyang mga tagapakinig laban sa pangangalunya, ipinayo niya: “Ngayon, kung ang kanang mata mong iyan ay nagpapatisod sa iyo, dukitin mo ito at itapon mula sa iyo.” (Mateo 5:27-29) Kung ikaw ang nagtaksil, may naiisip ka bang pagkilos o pag-uugaling dapat mong ‘dukitin at itapon’ alang-alang sa relasyon ninyong mag-asawa?

Siyempre pa, kailangan mong putulin ang iyong pakikipag-ugnayan sa nakarelasyon mo. c (Kawikaan 6:32; 1 Corinto 15:33) Halimbawa, binago ni Paul ang iskedyul ng kaniyang trabaho at ang numero ng kaniyang cellphone. Pero hindi pa rin nito tuluyang naputol ang lahat ng komunikasyon. Dahil determinadong maibalik ang tiwala ng kaniyang asawa, iniwan ni Paul ang kaniyang trabaho. Hindi na rin siya nag-cellphone at nakigamit na lang sa misis niya. Ang resulta? Sinabi ni Debbie: “Kahit anim na taon na ang nakalipas, nag-aalala pa rin ako paminsan-minsan na baka kontakin siya nung babae. Pero tiwala na ako ngayong hindi na matutukso ulit si Paul.”

Baka kailangan mo ring baguhin ang iyong personalidad. Halimbawa, baka nakagawian mo nang mag-flirt, o mahilig kang mangarap na may karelasyon kang iba. Kung gayon, “hubarin [mo] ang lumang personalidad pati na ang mga gawain nito.” Palitan ang mga kinagawian mo ng mga paggawing magpapatibay sa tiwala ng iyong asawa. (Colosas 3:9, 10) Hindi ka ba sanáy magpakita ng pagmamahal? Kahit na nakaaasiwa sa umpisa, lagi mong ipadama sa iyong asawa na mahal mo siya. Sinabi ni Steve: “Madalas akong haplusin ni Jodi para ipadama ang kaniyang pagmamahal, at lagi niyang sinasabing ‘I love you.’”

Makatutulong din kung ipaaalam mo sa iyong asawa ang mga gawain mo sa maghapon. Sinabi ni Mi Young: “Sinasabi sa akin ni Chul Soo ang lahat ng nangyayari araw-araw, kahit na ’yung mga hindi importante, para lang maipakitang wala siyang itinatago.”

SUBUKAN ITO: Tanungin ang isa’t isa kung ano ang puwedeng gawin para maibalik ang nawalang tiwala. Ilista ang mga iyon at isagawa. Idagdag din sa inyong rutin ang ilang aktibidad na mae-enjoy ninyong dalawa.

4 Huwag Magmadali.

Huwag agad isiping balik na sa normal ang lahat. Nagbababala ang Kawikaan 21:5: “Ang bawat isa na padalus-dalos ay tiyak na patungo sa kakapusan.” Kailangan ang panahon​—baka maraming taon pa nga​—para maibalik ang tiwala.

Kung ikaw ang pinagtaksilan, bigyan ng panahon ang iyong sarili para lubusan kang makapagpatawad. Sinabi ni Mi Young: “Nagtataka ako noon kapag hindi mapatawad ng isang babae ang kaniyang nagtaksil na asawa. Hindi ko maintindihan kung bakit galít na galít pa rin siya kahit matagal nang nangyari iyon. Pero nang magtaksil ang asawa ko, naunawaan ko kung bakit napakahirap magpatawad.” Talagang hindi madaling magpatawad at magtiwalang muli.

Gayunman, sinasabi ng Eclesiastes 3:1-3 na may “panahon ng pagpapagaling.” Sa umpisa, baka maisip mong mas makabubuting huwag na lang sabihin sa iyong asawa ang nadarama mo. Pero ang patuloy na pananahimik tungkol sa iyong nadarama ay hindi makatutulong para bumalik ang tiwala mo sa kaniya. Para maayos ang inyong relasyon, patawarin mo ang iyong asawa. Maipakikita mo ito kung sasabihin mo sa kaniya ang iyong iniisip at nadarama. Himukin mo rin siyang sabihin sa iyo ang mga bagay na nagpapasaya sa kaniya at ang mga ikinababahala niya.

Huwag mag-isip ng mga bagay na lalong makasasakit sa iyong damdamin. (Efeso 4:32) Makatutulong kung bubulay-bulayin mo ang halimbawa ng Diyos na Jehova. Labis siyang nasaktan nang talikuran siya ng kaniyang mga mananamba sa sinaunang Israel. Inihalintulad pa nga ni Jehova ang kaniyang sarili sa isang pinagtaksilang asawa. (Jeremias 3:8, 9; 9:2) Pero hindi siya ‘nanatiling may hinanakit hanggang sa panahong walang takda.’ (Jeremias 3:12) Nang magsisi at manumbalik ang kaniyang bayan, pinatawad niya sila.

Kapag pareho na kayong kumbinsido na nagawa na ninyo ang kinakailangang mga pagbabago, mapapanatag na kayo. Kaya sa halip na nakatutok lang kayo sa pagsasalba ng inyong pagsasama, makapagpopokus na kayo sa ibang mga tunguhin. Pero huwag maging kampante. Regular pa ring suriin ang inyong pagsulong. Ayusin ang maliliit na problema, at patunayan ang inyong katapatan sa isa’t isa.​—Galacia 6:9.

SUBUKAN ITO: Sa halip na sikaping ibalik sa dati ang inyong relasyon, isiping bumubuo kayo ngayon ng isang bago at mas matatag na pagsasama.

Maaari Kayong Magtagumpay

Kapag nadarama ninyong hindi kayo magtatagumpay, tandaan: Ang Diyos ang Tagapagpasimula ng kaayusan sa pag-aasawa. (Mateo 19:4-6) Sa tulong niya, puwede kayong magtagumpay. Ang lahat ng mag-asawang binanggit sa artikulong ito ay sumunod sa payo ng Bibliya at nasagip ang kanilang pagsasama.

Mahigit 20 taon na mula nang magkaproblema sina Steve at Jodi. Ikinuwento ni Steve kung paano sila nagtagumpay: “Nang makipag-aral kami ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, nakagawa kami ng napakalaking pagbabago. Walang katumbas ang tulong na natanggap namin. Kaya nalampasan namin ang mahirap na panahong iyon.” Sinabi naman ni Jodi: “Isang malaking pagpapala para sa akin na nakayanan namin ang napakahirap na panahong iyon. Dahil sa pag-aaral ng Bibliya at sa maraming pagsisikap, maayos na ngayon ang aming pagsasama.”

a Binago ang mga pangalan.

b Makatutulong sa pagdedesisyon ang Gumising!, isyu ng Abril 22, 1999, pahina 6, at Agosto 8, 1995, pahina 10 at 11.

c Kung hindi maiiwasang makipag-ugnayan sa nakarelasyon (halimbawa, sa trabaho), gawin ito kung kailangan lang talaga. Kung makikipag-usap ka sa kaniya, dapat ay may ibang tao at alam ng iyong asawa.

TANUNGIN ANG SARILI . . .

  • Anu-ano ang dahilan ko kung bakit nagdesisyon akong isalba ang aming pagsasama kahit nagtaksil ang aking asawa?

  • Anu-anong magagandang katangian ang nakikita ko ngayon sa aking asawa?

  • Noong hindi pa kami mag-asawa, paano ko ipinakikita sa maliliit na paraan na mahal ko siya? At paano ko iyon muling magagawa?