Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Imposible!”—Ano ang Ibig Sabihin Nito?

“Imposible!”—Ano ang Ibig Sabihin Nito?

ANG Titanic, sa unang paglalayag nito noong 1912, ang pinakamalaki at pinakamagarbong sasakyang pandagat. Dahil sa makabagong disenyo nito, ang sasakyang ito ay itinuring na “di-mapalulubog.” Siyempre pa, alam naman ng lahat kung ano ang sinapit nito. Tumama ito sa iceberg sa North Atlantic at lumubog kasama ang mga 1,500 sa mga pasahero nito. Sa loob lamang ng ilang oras, ang barko na sinasabing imposibleng mapalubog ay nilamon ng dagat.

Ang salitang “imposible” ay may iba’t ibang kahulugan. Sinasabi nating imposible ang isang bagay kapag hindi natin ito kayang harapin, magawa, o maintindihan. Marami sa mga nagawa ng siyensiya ngayon ang itinuturing na imposible noon dahil ang mga ito’y hindi pa kayang gawin o isipin man lang ng mga tao. Sa ngayon, posible nang magpadala ng tao sa buwan, magpadala sa Mars ng isang sasakyang kinokontrol sa Lupa, matukoy ang lahat ng bahagi ng genetic code ng tao, at mapanood ang mga balita habang aktuwal itong nangyayari sa ibang bayan o sa kabilang panig ng mundo. Pero 50 taon pa lang ang nakararaan, ang mga iyon ay itinuturing na imposible. Tungkol dito, sinabi ng dating presidente ng Estados Unidos na si Ronald Reagan sa isang grupo ng mga nangunguna sa larangan ng siyensiya: “Dahil sa inyo, na nasa likod ng napakalaking pagsulong sa teknolohiya, ang mga imposible noon ay naging posible na ngayon.”

Dahil sa maraming kamangha-manghang nagagawa ngayon, sinabi ni Propesor John Brobeck: “Hindi na tahasang masasabi ng isang siyentipiko na imposible ang isang bagay. Ang puwede lamang niyang sabihin ay na malayong mangyari iyon. Ngunit maaari niyang sabihin na ang isang bagay ay imposibleng ipaliwanag batay sa kaalaman natin sa kasalukuyan.” Kung may isang bagay na waring imposible sa atin, idinagdag pa ng propesor, “ang isang bagay na kailangan ay isang pinagmumulan ng enerhiya na hindi natin nababatid sa ating biyolohikal at pisyolohikal na mga siyensiya. Sa ating Kasulatan, ang pinagmumulang ito ng enerhiya ay tinutukoy bilang ang kapangyarihan ng Diyos.”

Ang Lahat ay Posible sa Diyos

Bago pa sabihin ni Propesor Brobeck ang obserbasyong ito, matagal nang sinabi ni Jesus ng Nazaret, na itinuturing na pinakadakilang taong nabuhay kailanman: “Ang mga bagay na imposible sa mga tao ay posible sa Diyos.” (Lucas 18:27) Ang banal na espiritu ng Diyos ang pinakamakapangyarihang puwersa sa buong uniberso. Hindi ito kayang sukatin sa teknolohikal na pamamaraan. Sa tulong ng banal na espiritu, magagawa natin ang mga bagay na imposibleng magawa kung sa sariling lakas lang natin.

Bilang tao, madalas tayong mapaharap sa mga sitwasyong sa tingin natin ay imposibleng mapagtagumpayan. Halimbawa, baka namatayan tayo ng mahal sa buhay o naging mahirap ang sitwasyon ng ating pamilya, anupat parang hindi na natin kayang magpatuloy sa buhay. Marahil ay nawawalan na tayo ng pag-asa. Pinanghihinaan tayo ng loob at nagiging desperado. Ano kaya ang puwede nating gawin?

Sinasabi ng Bibliya na ang isang taong nananampalataya sa Diyos at nananalangin para sa Kaniyang banal na espiritu habang ginagawa ang lahat para mapalugdan Siya ay makatatanggap ng tulong upang malampasan ang waring gabundok na mga problema. Pansinin ang sinabi ni Jesus: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo na ang sinumang magsabi sa bundok na ito, ‘Mabuhat ka at mapatapon sa dagat,’ at hindi nag-aalinlangan sa kaniyang puso kundi may pananampalataya na ang sinasabi niya ay magaganap, magkakatotoo iyon sa kaniya.” (Marcos 11:23) Walang problema na hindi natin malalampasan kung hahayaan nating maimpluwensiyahan tayo ng Salita ng Diyos at ng kaniyang espiritu.

Bilang halimbawa, matapos ang 38 taóng pagsasama, isang lalaki ang namatayan ng asawa dahil sa kanser. Para siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Kung minsan ay nadarama niyang gusto na rin niyang mamatay. Sinabi niyang para siyang lumalakad sa isang “libis ng matinding karimlan.” (Awit 23:4) Pero naniniwala siyang dahil sa kaniyang pananalangin sa Diyos, pagbabasa ng Bibliya araw-araw, at paghingi ng patnubay ng espiritu ng Diyos, nakayanan niya ang isang bagay na inakala niyang imposibleng malampasan.

Isang mag-asawa ang dumaranas ng matinding problema sa kanilang pagsasama. Marahas at maraming bisyo ang asawang lalaki. Naging miserable ang buhay ng asawang babae kaya nagtangka siyang magpakamatay. Nang maglaon, nakipag-aral ng Bibliya ang asawang lalaki sa mga Saksi ni Jehova. Dahil sa kaniyang mga natututuhan, naalis niya ang kaniyang mga bisyo at pagiging marahas. Nagulat ang kaniyang asawa sa “imposibleng” pagbabagong ito.

Isang lalaki naman ang nagsabing lugmok na siya sa pagdodroga at imoralidad. “Sirang-sira na ang pagkatao ko,” ang sabi niya. Taimtim siyang nanalangin sa Diyos: “Panginoon, alam ko pong umiiral kayo. Tulungan n’yo po ako!” Nang maglaon, nakipag-aral siya ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at dahil dito, nagbago siya kahit waring imposible itong mangyari. “Madalas akong usigin ng aking budhi at makadamang wala akong kuwenta,” ang sabi niya. “May mga panahong lungkot na lungkot ako. Pero natulungan ako ng Salita ng Diyos na mapaglabanan ito. Kapag hindi ako makatulog sa gabi, binibigkas ko ang mga natutuhan kong teksto sa Bibliya. Malaking tulong iyon para maging payapa ang isip ko.” May asawa na siya ngayon at maligaya. Aktibo silang mag-asawa sa pagtulong sa iba na magtiwala sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Dahil sa dati niyang buhay, maituturing niyang imposible ang nangyaring pagbabago sa buhay niya ngayon.

Ipinakikita ng mga karanasang ito na talagang makapangyarihan ang Salita ng Diyos at na kayang gawing posible ng kaniyang banal na espiritu ang ‘imposibleng’ mga bagay sa ating buhay. Pero baka sabihin mo, “Kailangan diyan ang pananampalataya!” Oo, tama ka. Sa katunayan, sinasabi ng Bibliya na “kung walang pananampalataya ay imposibleng palugdan [ang Diyos] nang lubos.” (Hebreo 11:6) Pero pag-isipan mo ito: Isang kaibigan, marahil isang manedyer ng bangko o isang taong may awtoridad, ang nagsabi sa iyo: “Huwag kang mag-alala. Kung may kailangan ka, lumapit ka lang sa akin.” Tiyak na matutuwa ka sa pangakong iyon. Kaya lang, madalas na napapako ang mga pangako ng tao. Baka nagbago ang kalagayan ng kaibigan mo o namatay pa nga siya at dahil dito, hindi na niya matutupad ang ipinangako niya. Pero iba ang Diyos. Tinitiyak sa atin ng Bibliya: “Walang imposible sa Diyos.”​—Lucas 1:37, The Jerusalem Bible.

“Pinaniniwalaan Mo ba Ito?”

Nakaulat sa Bibliya ang maraming pangyayaring nagpapatunay na totoo ang huling nabanggit na pangungusap. Tingnan natin ang ilang halimbawa.

Ang 90-anyos na si Sara ay natawa nang sabihin sa kaniyang magkakaanak siya, pero ang pag-iral ng mga Israelita ay patunay na nagkaanak nga siya. Isang lalaki ang nilulon ng isang malaking isda at nanatili nang tatlong araw sa loob ng tiyan nito. Nakaligtas siya at naisulat ang sarili niyang karanasan. Ang pangalan niya ay Jonas. Si Lucas, isang doktor na alam kung ang isa ay nawalan lang ng malay o patay na, ay nag-ulat na ang kabataang si Eutico ay namatay matapos mahulog mula sa mataas na bintana pero binuhay-muli. Ang mga ito ay hindi kathang-isip lang. Ang masusing pagsusuri sa nabanggit na mga ulat ay magpapatunay na totoo ang mga ito.​—Genesis 18:10-14; 21:1, 2; Jonas 1:17; 2:1, 10; Gawa 20:9-12.

Sinabi ni Jesus sa kaibigan niyang si Marta: “Ang bawat isa na nabubuhay at nananampalataya sa akin ay hindi na kailanman mamamatay.” Sa waring imposibleng pangakong ito, idinagdag pa ni Jesus: “Pinaniniwalaan mo ba ito?” Ang mahalagang tanong na iyan ay dapat din nating pag-isipan sa ngayon.​—Juan 11:26.

Buhay na Walang Hanggan sa Lupa​—Imposible?

Sa isang akda tungkol sa haba ng buhay, sinabi ng mga manunulat: “Maaaring hindi na magtatagal at posible na tayong mabuhay nang mas mahabang panahon kaysa sa ngayon​—malamang na magpakailanman pa nga.” Ipinaliliwanag ng The New Encyclopædia Britannica na ang sanhi ng kamatayan ay waring isang di-matukoy na bagay na nagiging dahilan ng pagtigil o pagiging abnormal ng mga proseso ng katawan, sa halip na ang pagkasira o pagkapinsala ng mga selula o iba pang proseso. a Sinasabi nito: “Posible na ang talagang dahilan ng pagtanda ng tao ay ang pagkasira ng mga mekanismong kumokontrol sa komplikadong proseso [ng katawan ng tao].”

Bagaman kapana-panabik ang lahat ng ito, ang dahilang ibinibigay ng Bibliya para maniwala tayo sa buhay na walang hanggan ay mas matibay kaysa sa maibibigay ng lohika at siyensiya. Ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ang Bukal ng buhay, ay nangangakong “lalamunin niya ang kamatayan magpakailanman.” (Awit 36:9; Isaias 25:8) Pinaniniwalaan mo ba ito? Iyan ang pangako ni Jehova, at imposible siyang magsinungaling.​—Tito 1:2.

[Talababa]

a Para sa masusing pagtalakay sa pagtanda at haba ng buhay, tingnan ang seryeng itinatampok sa pabalat na “Gaano Ka Katagal Maaaring Mabuhay?” sa Mayo 2006 ng Gumising! na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 27]

“Ang mga imposible noon ay naging posible na ngayon.”​—RONALD REAGAN

[Blurb sa pahina 28]

Kapag waring imposibleng mabago ang iyong miserableng buhay, kanino ka hihingi ng tulong?

[Picture Credit Line sa pahina 27]

NASA photo