Isang Ordinaryong Aklat?
“Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang . . . , upang ang tao ng Diyos ay maging lubos na may kakayahan, lubusang nasangkapan ukol sa bawat mabuting gawa.”—2 TIMOTEO 3:16, 17.
HINDI lahat ay sang-ayon sa sinasabing iyan tungkol sa Bibliya. Para sa iyo, ano ba ang Bibliya?
• Isang magandang aklat
• Isang sagradong aklat
• Isang aklat ng alamat na may aral
• Ang Salita ng Diyos
Mahalaga ba kung ano ang pinaniniwalaan mo? Pansinin ang sinasabi ng Bibliya: “Ang lahat ng bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo, upang sa pamamagitan ng ating pagbabata at sa pamamagitan ng kaaliwan mula sa Kasulatan ay magkaroon tayo ng pag-asa.” (Roma 15:4) Kaya sinasabi mismo ng Bibliya na dinisenyo ito para magturo at umaliw sa atin at magbigay ng pag-asa.
Pero kung ang Bibliya ay isa lang magandang aklat o isa lang sa maraming banal na aklat, papayag ka bang ito ang magtuturo sa iyo at gagabay sa iyong pamilya, lalo na kung ang mensahe nito ay iba sa iniisip mong tama? Kung ang Bibliya ay isang koleksiyon ng mga alamat, makasusumpong ka kaya ng kaaliwan at pag-asa sa mga pangako nito?
Gayunman, milyun-milyong nag-aaral ng Bibliya ang kumbinsidong ito nga ang natatanging Salita ng Diyos. Bakit? Ano ang kaibahan ng Bibliya sa lahat ng iba pang aklat? Sa kasunod na mga artikulo, hinihimok ka naming isaalang-alang ang limang dahilan kung bakit natatangi ang Bibliya.