Pakikipagpunyagi Para sa Mabuting Balita sa Tesalonica
Ang Tesalonica, Thessaloníki o Salonika ngayon, ay isang maunlad na daungang-lunsod sa hilagang-silangan ng Gresya. Mahalaga ang naging papel nito sa kasaysayan ng mga Kristiyano noong unang siglo, lalo na sa ministeryo ni Pablo, ang Kristiyanong apostol sa mga bansa.—GAWA 9:15; ROMA 11:13.
NOONG mga 50 C.E., si Pablo at ang kaniyang kasamang si Silas ay pumunta sa Tesalonica. Pangalawang paglalakbay noon ni Pablo bilang misyonero, at ito ang unang pagkakataon na dadalhin nila ang mabuting balita tungkol kay Kristo sa lugar na kilala ngayon bilang Europa.
Pagdating sa Tesalonica, tiyak na sariwa pa sa isip nila ang pambubugbog at pagkabilanggong dinanas nila sa Filipos, ang pangunahing lunsod ng Macedonia. Sa katunayan, nang maglaon ay sinabi ni Pablo sa mga taga-Tesalonica na nang dumalaw siya sa kanila, ipinangaral niya “ang mabuting balita ng Diyos nang may labis na pakikipagpunyagi.” (1 Tesalonica 2:1, 2) Magiging mas maganda kaya ang sitwasyon sa Tesalonica? Ano ang magiging resulta ng pangangaral nila rito? Magiging mabunga kaya iyon? Alamin muna natin kung ano ang sinaunang lunsod na ito.
Isang Lunsod na May Magulong Nakaraan
Kahit ang pangalang Tesalonica, mula sa dalawang salitang Griego na nangangahulugang “mga taga-Thessaly” at “tagumpay,” ay nagpapahiwatig ng pagpupunyagi at labanan. Karaniwan nang pinaniniwalaan na noong 352 B.C.E., natalo ng hari ng Macedonia na si Felipe II, ama ni Alejandrong Dakila, sa Thessaly ang isang tribo mula sa gitnang Gresya. Sinasabi na bilang pag-alaala sa tagumpay na iyon, pinanganlan niyang Thessalonice ang isa sa kaniyang mga anak. Naging asawa nito si Cassander, na isa sa mga humalili kay Alejandro. Noong mga 315 B.C.E., nagtatag si Cassander ng isang lunsod sa kanlurang bahagi ng Chalcidice Peninsula at isinunod ito sa pangalan ng kaniyang asawa. Sa buong kasaysayan ng Tesalonica, paulit-ulit itong dumanas ng mga labanan.
Ang Tesalonica ay isa ring maunlad na lunsod. Naroon ang isa sa pinakamagandang likas na daungan sa Dagat Aegeano. Noong panahon ng mga Romano, ito ay nasa kilaláng lansangang-bayan ng Via Egnatia. Dahil sa istratehikong lokasyon nito, ang Tesalonica ay isa sa mga lugar ng pakikipagkalakalan ng Imperyo ng Roma. Sa loob ng mahabang panahon, pinag-agawan ito ng mga Goth, Slav, Franco, Turko, at mga taga-Venice dahil sa kaunlaran nito. Puwersahan itong sinakop ng ilan sa kanila, anupat dumanak ang dugo. Pero ituon natin ngayon ang ating pansin sa pagdalaw ni Pablo, nang magsimula ang pakikipagpunyagi para sa mabuting balita.
Ang Pagdating ni Pablo sa Tesalonica
Kapag bagong dating si Pablo sa isang lunsod, karaniwan nang mga Judio muna ang nilalapitan niya. Pamilyar na kasi sila sa Kasulatan kaya madali nang ipakipag-usap sa kanila at ipaunawa ang tungkol sa mabuting balita. Sinasabi ng isang iskolar na ang istilong ito ni Pablo ay isang indikasyon ng pagmamalasakit niya sa kaniyang mga kababayan o isang paraan para magamit ang mga Judio at mga may-takot sa Diyos bilang panimula sa kaniyang gawain sa mga Gentil.—Gawa 17:2-4.
Kaya pagdating sa Tesalonica, pumunta si Pablo sa sinagoga, kung saan “nangatuwiran siya sa [mga Judio] mula sa Kasulatan, na ipinaliliwanag at pinatutunayan sa pamamagitan ng mga reperensiya na ang Kristo ay kailangang magdusa at bumangon mula sa mga patay, at sinasabi: ‘Ito ang Kristo, ang Jesus na ito na ipinahahayag ko sa inyo.’”—Gawa 17:2, 3, 10.
Ang itinampok ni Pablo—ang papel at pagkakakilanlan ng Mesiyas—ay isang kontrobersiyal na usapin. Hindi isang nagdurusang Mesiyas ang inaasahan ng mga Judio, kundi isang nanlulupig na mandirigmang Mesiyas. Para hikayatin ang mga Judio, si Pablo ay “nangatuwiran,” ‘nagpaliwanag,’ at ‘nagpatunay sa pamamagitan ng mga reperensiya’ sa Kasulatan—mga katangian ng isang mahusay na guro. a Pero ano ang naging reaksiyon ng mga tagapakinig ni Pablo sa mga itinuro niya?
Isang Mabunga Pero Mahirap na Ministeryo
Ang mensahe ni Pablo ay tinanggap ng ilang Judio at ng maraming proselitang Griego, pati na ng maraming “pangunahing babae.” Ang pananalitang “pangunahing babae” ay angkop, dahil ang mga babae sa Macedonia ay nagtatamasa ng mataas na katayuan sa lipunan. Sila ay may posisyon sa pamahalaan, mga pag-aari, ilang karapatan sa lipunan, at negosyo. Ipinagtayo pa nga sila ng mga monumento. Gaya ng negosyanteng taga-Filipos na si Lydia, tinanggap din ng maraming prominenteng babae sa Tesalonica ang mabuting balita. Malamang na sila ay mula sa mahuhusay na pamilya o asawa ng prominenteng mamamayan.—Gawa 16:14, 15; 17:4.
Pero labis na nainggit ang mga Judio. Nagsama sila ng mga “lalaking balakyot mula sa mga batugan sa pamilihan at bumuo ng isang pangkat ng mang-uumog at pinagkagulo ang lunsod.” (Gawa 17:5) Anong uri ng tao ang mga iyon? Inilarawan sila ng isang iskolar sa Bibliya bilang mga “taong walang magawang matino sa buhay.” Idinagdag pa niya: “Wala naman silang pakialam sa mensahe; pero gaya ng ibang mga mang-uumog, madali silang sulsulan na makisali sa karahasan.”
“Sinalakay [ng mga mang-uumog na iyon] ang bahay ni Jason [ang nagpatulóy kina Pablo at Silas] at sinikap na dalhin sila sa mga taong nagkakagulo.” Pero nang hindi nila masumpungan si Pablo, bumaling sila sa pinakamatataas na opisyal ng lunsod. Kaya “kinaladkad nila si Jason at ang ilang kapatid patungo sa mga tagapamahala ng lunsod, na isinisigaw: ‘Ang mga taong ito na nagtiwarik sa tinatahanang lupa ay naririto rin.’”—Gawa 17:5, 6.
Bilang kabisera ng Macedonia, ang Tesalonica b ay matataas na opisyal na responsable sa pagpapanatili ng kaayusan at pag-aayos sa mga sitwasyong maaaring umakay sa pakikialam ng Roma at pagkawala ng mga pribilehiyo ng lunsod. Kaya mababahala sila kapag nalaman nilang nanganganib ang kapayapaan ng lunsod dahil sa mga “manggugulong” ito.
ay may pagkaindependiyente. Mayroon itong sariling kapulungan ng mga mamamayan, o konseho, na humahawak sa mga lokal na usapin. Ang mga “tagapamahala ng lunsod,” o politarch,Isa pang napakabigat na paratang ang binitiwan: “Ang lahat ng mga lalaking ito ay kumikilos nang salansang sa mga batas ni Cesar, na sinasabing may ibang hari, si Jesus.” (Gawa 17:7) Sinasabi ng isang komentaryo na ito ay nagpapahiwatig ng “sedisyon at rebelyon” laban sa mga emperador, na “hindi makapapayag na mabanggit ang pangalan ng [ibang] hari sa anumang nasakop na probinsiya malibang ipahintulot nila.” Ang paratang ay lalo nang nagmukhang totoo yamang si Jesus, na ipinahayag ni Pablo bilang Hari, ay ipinapatay ng mga Romanong awtoridad dahil sa kasong sedisyon.—Lucas 23:2.
Nabahala ang mga tagapamahala ng lunsod. Pero dahil walang matibay na ebidensiya at hindi matagpuan ang mga akusado, “pagkatapos na makakuha muna ng sapat na paniguro mula kay Jason at sa iba pa ay pinawalan nila ang mga ito.” (Gawa 17:8, 9) Sa pamamagitan ng panigurong iyon, ginagarantiyahan ni Jason at ng iba pang Kristiyano na aalis si Pablo sa lunsod at hindi na babalik para manggulo ulit. Marahil ang pangyayaring iyan ang nasa isip ni Pablo nang banggitin niya na “humarang si Satanas sa [kaniyang] landas” at hinadlangan siyang makabalik sa lunsod.—1 Tesalonica 2:18.
Dahil sa sitwasyong iyon, sina Pablo at Silas ay pinapunta sa Berea nang kinagabihan. Naging mabunga rin ang ministeryo ni Pablo roon. Pero ikinagalit ito nang husto ng mga Judiong kalaban ni Pablo sa Tesalonica, anupat naglakbay sila ng 80 kilometro patungong Berea para udyukan ang mga tagaroon na salansangin sina Pablo at Silas. Naglakbay muli si Pablo patungo namang Atenas, pero tuloy pa rin ang pakikipagpunyagi para sa mabuting balita.—Gawa 17:10-14.
Ang Pakikipagpunyagi ng Isang Bagong Kongregasyon
Nakatutuwa, isang kongregasyon ang naitatag sa Tesalonica, pero hindi lang pagsalansang ang kinaharap ng mga Kristiyano roon. Namumuhay sila sa isang pagano at imoral na kapaligiran, at ikinabahala iyan ni Pablo. Ano kaya ang mangyayari sa kaniyang mga kapatid?—1 Tesalonica 2:17; 3:1, 2, 5.
Alam ng mga Kristiyano sa Tesalonica na kapag hindi na sila nakibahagi sa sosyal at relihiyosong mga gawain ng lunsod, maghihinanakit at magagalit sa kanila ang dati nilang mga kaibigan. (Juan 17:14) Bukod diyan, ang Tesalonica ay maraming santuwaryo ng mga diyos ng Griego na sina Zeus, Artemis, at Apolo, pati na ng ilang diyos ng Ehipto. Uso rin ang pagsamba sa emperador, at kailangang sumunod sa mga ritwal nito ang lahat ng mamamayan. Kung hindi, ituturing silang mga rebelde sa Roma.
Ang pagsamba sa idolo ay nagtaguyod ng imoral na buhay. Si Cabirus, patron ng Tesalonica; sina Dionysus at Aphrodite; at si Isis ng Ehipto ay may pagkakatulad: ang mga seremonya sa pagsamba sa kanila ay nagtatampok ng pagpapakasasa sa sekso at paglalasing. Lumaganap ang prostitusyon at pagkakaroon ng maraming asawa. Hindi itinuturing na kasalanan ang pakikiapid. Ang kanilang lipunan ay naimpluwensiyahan ng kultura ng mga Romano. Ayon sa isang reperensiya, “maraming mauupahang lalaki at babae na ang trabaho ay tugunan ang anumang pagnanasa ng mga mamamayan—at ipinapayo ng mga manggagamot na hindi dapat supilin ang gayong mga pagnanasa.” Kaya naman, pinayuhan ni Pablo ang mga Kristiyano roon na “umiwas . . . sa pakikiapid” at lumayo sa “mapag-imbot na pita sa sekso” at “karumihan.”—1 Tesalonica 4:3-8.
Matagumpay na Pakikipagpunyagi
Kinailangang ipakipaglaban ng mga Kristiyano sa Tesalonica ang kanilang pananampalataya. Gayunman, sa kabila ng pagano at imoral na kapaligiran, pagsalansang, at paghihirap, pinapurihan ni Pablo ang kanilang ‘tapat na gawa, maibiging pagpapagal, at pagbabata,’ pati na ang kanilang nagawa para sa pagpapalaganap ng mabuting balita.—1 Tesalonica 1:3, 8.
Noong 303 C.E., nagsimula sa Imperyo ng Roma ang malupit na pag-uusig sa mga nagsasabing sila ay Kristiyano. Ang pangunahing tagapagsulsol ay si Caesar Galerius, na nanirahan sa Tesalonica at nagtayo ng magagandang gusali roon. Ang ilan sa mga guho nito ay napapasyalan pa rin ng mga turista.
Sa ngayon, ang mga Saksi ni Jehova sa Thessaloníki ay nangangaral sa mga tagaroon, kadalasan nang sa harap mismo ng mga gusaling itinayo ng malulupit na kaaway ng Kristiyanismo. Bagaman may mga panahong sinalansang ang pangangaral nila noong ika-20 siglo, mayroon na ngayong mga 60 kongregasyon ng mga Saksi sa lunsod. Ipinakikita ng kanilang pagsisikap na ang pagpupunyaging mapalaganap ang mabuting balita, na sinimulan daan-daang taon na ang nakararaan, ay nagpapatuloy pa rin at nagtatagumpay.
[Mga talababa]
a Maaaring ginamit ni Pablo ang Awit 22:7; 69:21; Isaias 50:6; 53:2-7; at Daniel 9:26.
b Ang terminong ito ay wala sa panitikang Griego. Pero ito ay nasa mga inskripsiyong nahukay sa Tesalonica, na ang ilan ay mula pa noong unang siglo B.C.E., anupat nagpapatunay sa ulat ng Mga Gawa.
[Mapa sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Via Egnatia
MACEDONIA
Filipos
Amfipolis
Tesalonica
Berea
THESSALY
Dagat Aegeano
ATENAS
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Itaas: ang Thessaloníki ngayon
Ibaba: Arkada at Romanong bahay-paliguan sa Agora
[Credit Line]
Two bottom left images: 16th Ephorate of Prehistoric and Classical Antiquities, copyright Hellenic Ministry of Culture and Tourism
[Mga larawan sa pahina 21]
Ang rotonda malapit sa Arko ni Galerius; relyebe ni Caesar Galerius; pangangaral malapit sa Arko ni Galerius
[Credit Line]
Middle image: Thessalonica Archaeological Museum, copyright Hellenic Ministry of Culture and Tourism
[Picture Credit Lines sa pahina 18]
Head medallion: © Bibliothèque nationale de France; stone inscription: Thessalonica Archaeological Museum, copyright Hellenic Ministry of Culture and Tourism