Praktikal Ngayon
“Ang iyong salita ay lampara sa aking paa, at liwanag sa aking landas.”—AWIT 119:105.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? May mga aklat na maituturing na obra maestra pero hindi nakapagbibigay ng patnubay sa buhay. Ang mga instruction manual sa ngayon ay nirerebisa sa pana-panahon. Pero sinasabi ng Bibliya na ang mga “bagay na isinulat noong una ay isinulat sa ating ikatututo.”—Roma 15:4.
HALIMBAWA: Ang Bibliya ay hindi aklat sa medisina, pero may praktikal na mga mungkahi ito tungkol sa emosyonal at pisikal na kalusugan. Halimbawa, sinasabi nito na ang “pusong mahinahon ay buhay ng katawan.” (Kawikaan 14:30) Nagbababala rin ito: “Ang nagbubukod ng kaniyang sarili ay naghahanap ng kaniyang makasariling hangarin; laban sa lahat ng praktikal na karunungan ay sasalansang siya.” (Kawikaan 18:1) Pero sinasabi nito na “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.
AYON SA PAGSASALIKSIK: Ang kahinahunan, matibay na pagkakaibigan, at pagkabukas-palad ay nakatutulong sa kalusugan. Iniuulat ng The Journal of the American Medical Association: “Ang mga lalaki na nakararanas ng mga silakbo ng galit ay may dobleng panganib ng istrok kaysa sa mga lalaki na pinipigil ang kanilang galit.” Sa isang sampung-taóng pag-aaral sa Australia, natuklasan na ang mga may-edad na “mas madalas makipag-ugnayan sa kanilang mga kaibigan at pinagkakatiwalaang mga tao” ay malamang na mas humaba ang buhay. At noong 2008, natuklasan ng mga mananaliksik sa Canada at Estados Unidos na “mas maligaya ang gumagasta para sa iba kaysa sa sarili.”
ANO SA PALAGAY MO? Pagdating sa kalusugan, may iba ka pa bang mapagkakatiwalaang aklat na nakumpleto halos 2,000 taon na ang nakalilipas? O talagang natatangi ang Bibliya?
[Blurb sa pahina 8]
“Malaki ang tiwala ko sa Bibliya . . . dahil sa napakahuhusay na payo nito tungkol sa kalusugan.”—HOWARD KELLY, M.D., ISA SA MGA HALIGI NG THE JOHNS HOPKINS UNIVERSITY SCHOOL OF MEDICINE