Si Coverdale at ang Unang Inilimbag na Kumpletong Bibliya sa Ingles
HINDI nakalagay sa unang inilimbag na kumpletong Bibliya sa Ingles ang pangalan ng nagsalin nito. Siya ay si Miles Coverdale, at ang kaniyang salin ay lumabas noong 1535. Nakakulong noon ang kaibigan niyang si William Tyndale dahil sa ginawa nito may kaugnayan sa pagsasalin ng Bibliya. Binitay si Tyndale nang sumunod na taon.
Ang isang bahagi ng salin ni Coverdale ay ibinatay sa gawa ni Tyndale. Paano naipalimbag ni Coverdale ang kaniyang salin nang hindi siya nabibitay, gayong ang ibang mga tagapagsalin ng Bibliya noong panahon niya ay nagbuwis ng kanilang buhay? Ano ang naisagawa ni Coverdale?
Naihasik ang mga Binhi
Si Miles Coverdale ay isinilang sa Yorkshire, Inglatera, malamang noong 1488. Nag-aral siya sa Cambridge University at naging ordenadong pari noong 1514. Nagkainteres siya na repormahin ang Simbahang Katoliko dahil sa kaniyang tagapagturo na si Robert Barnes. Umalis si Barnes sa Inglatera noong 1528. Pagkaraan ng 12 taon, ang Repormador na ito ay sinunog ng mga lider ng simbahan sa isang tulos.
Noong 1528, sinimulang ipangaral ni Coverdale sa mga nagsisimba na ang mga gawain ng Katoliko na pagsamba sa imahen, pangungumpisal, at Misa ay di-makakasulatan. Dahil nanganganib ang kaniyang buhay, umalis siya sa Inglatera at nanatili nang pitong taon sa Continental Europe.
Sa Hamburg, Alemanya, nakitira siya kay William Tyndale. Nagtulong ang dalawa sa kanilang pangarap na makagawa ng isang Bibliya na mababasa ng mga tao. Noong panahong iyon, maraming natutuhan si Coverdale kay Tyndale tungkol sa sining ng pagsasalin ng Bibliya.
Panahon ng Pagbabago
Samantala, nagbago ang mga kalagayan sa Inglatera. Noong 1534, hayagang sinuway ni Haring Henry VIII ang papa sa Roma. Bukás din ang isip niya sa ideya na makagawa ng Bibliya sa wikang Ingles. Nang maglaon, inako ni Coverdale ang trabahong iyon. Bihasa si Coverdale sa wikang Ingles, pero hindi siya katulad ng kaniyang kaibigan at tagapagturo na si Tyndale na mahusay sa Hebreo at Griego. Nirebisa ni Coverdale ang salin ni Tyndale, gamit ang mga bersiyong Latin at Aleman.
Ang Bibliya ni Coverdale ay inilimbag sa Continental Europe noong 1535, isang taon bago bitayin si Tyndale. Kalakip nito ang isang pag-aalay ng kaniyang gawa na punung-puno ng papuri kay Haring Henry. Tiniyak ni Coverdale kay Henry na hindi isinama sa kaniyang Bibliya ang mga talababa ni Tyndale, na itinuturing na kontrobersiyal dahil sa pagtatawag-pansin ng mga ito sa di-makakasulatang mga turo ng Simbahang Katoliko. Kaya pumayag si Henry na mailimbag ang Bibliya. Ito na ang simula ng pagbabago.
Noong 1537, ang Bibliya ni Coverdale ay muling lumabas sa dalawang edisyon, na inilimbag sa Inglatera. Noong taon ding iyon,
inaprobahan ni Haring Henry ang bersiyong Matthew’s Bible na inilimbag sa Antwerp. Kombinasyon ito ng mga gawa nina Tyndale at Coverdale.Di-nagtagal, nakita ng pangunahing tagapayo ng hari, si Thomas Cromwell, na kailangang rebisahin ang Matthew’s Bible, at sinuportahan naman siya ng Arsobispo ng Canterbury na si Cranmer. Kaya hinilingang muli si Coverdale na rebisahin ang buong bersiyong iyon. Noong 1539, pinayagan ni Haring Henry ang bagong bersiyong ito—na tinawag na Great Bible dahil sa sukat nito—at iniutos na maglagay sa mga simbahan ng mga kopya nito para mabasa ng lahat. Tuwang-tuwa ang buong bansa sa Bibliyang ito.
Ang Pamana ni Coverdale
Nang mamatay si Henry VIII at halinhan ni Edward VI, si Coverdale ay ginawang obispo ng Exeter noong 1551. Pero nang palitan ng Katolikong si Reyna Mary si Edward noong 1553, tumakas si Coverdale patungong Denmark. Pagkaraan, lumipat siya sa Switzerland at doon niya ipinagpatuloy ang kaniyang ginagawa. Naglathala rin siya ng tatlong edisyong Ingles na karaniwang tinatawag na New Testament, na may tekstong Latin bilang pantulong sa pag-aaral ng mga klero.
Ang isang bagay na nakapagtataka sa Bibliya ni Coverdale ay ang pag-aalis sa banal na pangalan na nasa anyong “Jehovah.” Mahigit 20 beses na ginamit ni Tyndale ang pangalan ng Diyos sa kaniyang salin ng Hebreong Kasulatan. Sa aklat na Coverdale and His Bibles, sinabi ni J. F. Mozley: “Noong 1535, tinanggihan ni Coverdale ang salita [Jehovah].” Pero tatlong beses niyang isinama sa Great Bible ang “Jehovah,” na pangalan ng Diyos.
Gayunman, ang Bibliya ni Coverdale ang pinakaunang Bibliya sa Ingles na gumamit ng Tetragrammaton—ang apat na titik Hebreo para sa banal na pangalan—sa uluhan ng pantitulong pahina nito. Kapansin-pansin, ito rin ang unang Bibliya na pinagsama-sama sa isang apendise ang apokripal na mga aklat, sa halip na ilagay sa pagitan ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan.
Maraming ekspresyon at salita si Coverdale na ginamit din ng ibang mga tagapagsalin. Halimbawa ay ang pariralang “libis ng lilim ng kamatayan” sa talata 4 ng Awit 23. Ang salitang “maibiging-kabaitan” naman sa talata 6, ang sabi ng propesor na si S. L. Greenslade, ay “isang natatanging salita para ipakita ang kaibahan ng pag-ibig ng Diyos sa kaniyang bayan at ng pag-ibig sa pangkalahatan at ng awa.” Ginamit din ng New World Translation of the Holy Scriptures—With References ang salitang iyan at idinagdag sa talababa: “O, ‘matapat na pag-ibig.’”
Ang Great Bible ni Coverdale ay “ang pangwakas na resulta ng lahat ng pagsisikap na makagawa ng Bibliya sa Ingles . . . mula nang simulan ni Tyndale ang pagsasalin ng Bagong Tipan,” ang sabi ng The Bibles of England. Pero higit sa lahat, dahil sa salin ni Coverdale, ang Bibliya ay nabasa ng mga taong nagsasalita ng Ingles noong panahon niya.
[Mga larawan sa pahina 11]
Ang Tetragrammaton, sa kaliwa, mula sa pantitulong pahina ng edisyong 1537
[Credit Line]
Photo source: From The Holy Scriptures of the Olde and Newe Testamente With the Apocripha by Myles Coverdale
[Picture Credit Line sa pahina 10]
From the book Our English Bible: Its Translations and Translators