Kaayon ng Siyensiya
“[Ang] tagapagtipon . . . ay nagmuni-muni at lubusang nagsaliksik . . . [Siya] ay nagsikap na makasumpong . . . ng wastong mga salita ng katotohanan.”—ECLESIASTES 12:9, 10.
BAKIT NAIIBA ANG BIBLIYA? Ang sinaunang mga aklat ay karaniwan nang may di-mapanghahawakan at mapanganib na mga ideya, at gayon nga ang pinatunayan ng modernong siyensiya. Kahit sa ngayon, dapat rebisahin ng mga awtor ang kanilang aklat para maging kaayon ng mga bagong tuklas. Pero sinasabi ng Bibliya na ang awtor nito ay ang Maylalang at na ang kaniyang Salita ay “namamalagi magpakailanman.”—1 Pedro 1:25.
HALIMBAWA: Ayon sa Kautusang Mosaiko, ang mga Israelita ay dapat dumumi sa isang hukay sa “labas ng kampo” at saka ito tatabunan. (Deuteronomio 23:12, 13) Kapag humipo ng patay na hayop o tao, dapat silang maghugas o maglaba ng kanilang damit. (Levitico 11:27, 28; Bilang 19:14-16) Ang ketongin ay ikukuwarentenas, o ihihiwalay, hanggang sa matiyak na hindi na nakahahawa.—Levitico 13:1-8.
AYON SA MODERNONG MEDISINA: Ang tamang pagtatapon ng dumi, paghuhugas ng kamay, at pagkukuwarentenas ay epektibo pa ring panlaban sa sakit. Kung walang malapit na palikuran o iba pang sistema sa sanitasyon, inirerekomenda ng U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC): “Dumumi sa isang lugar na mga 30 metro o higit pa ang layo mula sa mga katubigan at pagkatapos ay tabunan ang iyong dumi.” Kapag may maayos na pagtatapon ng dumi ang mga pamayanan, nababawasan nang 36 na porsiyento ang nagkaka-diarrhea, ayon sa World Health Organization. Halos 200 taon na ang nakalilipas, natuklasan ng mga doktor na nailipat nila sa maraming pasyente ang mikrobyo dahil sa hindi nila paghuhugas ng kamay matapos humawak ng bangkay. Naniniwala pa rin ang CDC na ang paghuhugas ng kamay “ang nag-iisang pinakaepektibong paraan para hindi maipasa ang sakit.” Kumusta naman ang pagkukuwarentenas sa ketongin o sa ibang may sakit? Kamakailan, sinabi ng Saudi Medical Journal: “Kapag nagsisimula pa lang ang epidemya, maaaring ang pagbubukod at pagkukuwarentenas ang tanging paraan para hindi kumalat ang sakit.”
ANO SA PALAGAY MO? May iba pa bang sinaunang banal na aklat na kaayon din ng modernong siyensiya? O talagang natatangi ang Bibliya?
“Walang sinumang hindi hahanga sa mga utos tungkol sa pag-iingat ng kalinisan noong panahong Mosaiko.”—MANUAL OF TROPICAL MEDICINE, NINA DR. ALDO CASTELLANI AT DR. ALBERT J. CHALMERS