Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Alam Mo Ba?

Alam Mo Ba?

Bakit gumamit ng bitumen ang mga tao noong panahon ng Bibliya bilang argamasa?

Tungkol sa mga tagapagtayo ng tore ng Babel, sinasabi ng Bibliya na “ang laryo ay nagsilbing bato para sa kanila, ngunit ang bitumen ay nagsilbing argamasa.”​—Genesis 11:3.

Likas na yaman ang bitumen. Mula ito sa petrolyo, at matatagpuan sa mga lugar sa Mesopotamia, kung saan ito bumubukal at namumuo. Kilalá ito noon bilang matibay na pandikit. Ang bitumen ay “tamang-tama sa mga istrakturang gawa sa hinurnong laryo,” ang sabi ng isang reperensiya.

Sa isang artikulo sa magasing Archaeology, inilarawan ang kamakailang pagdalaw sa mga guho ng isang ziggurat sa lunsod noon ng Ur sa Mesopotamia. “Ang bitumeng argamasa​—isa sa mga unang gamit ng saganang langis sa timugang Iraq​—ay makikita pa rin sa pagitan ng sunóg na mga laryo,” ang sabi ng awtor. “Ang malapot at itim na substansiya, na dahilan ngayon ng karahasan at mabuway na pulitika sa rehiyon, ay dating nagbuklod sa sibilisasyon nito. Ang paggamit ng bitumen bilang argamasa at palitada sa daan ay nakatulong para hindi mapasok ng tubig ang marurupok na laryong putik ng mga Sumeriano, anupat tumagal nang daan-daang taon ang mga istrakturang iyon.”

Anong uri ng “papel” ang ginamit noong panahon ng Bibliya?

Bumangon ang tanong na ito dahil sa sinabi ng manunulat ng Bibliya na si Juan: “Bagaman marami akong mga bagay na isusulat sa inyo, hindi ko nais na gawin iyon sa papel at tinta.”​—2 Juan 12.

Ang salitang Griego na kharʹtes, na isinaling “papel,” ay tumutukoy sa papel na gawa sa papiro, isang halamang-tubig. Binanggit sa isang reperensiya kung paano ginagawa ang mga papel mula sa mga tangkay ng halamang ito: “Ang mga tangkay, na kung minsa’y mga sampung talampakan ang haba, ay binabalatan at hinihiwa nang maninipis at pahaba. Inilalatag ang mga ito at pinagdidikit-dikit para makabuo ng isang malapad na piraso. Pagkatapos, isa pang malapad na piraso ang ipapatong dito nang pahalang. Ang mga ito naman ay pupukpukin ng malyeteng kahoy at kikinisin ng pangkaskas.”

Ang mga arkeologo ay nakahukay ng maraming sinaunang dokumentong papiro sa Ehipto at sa lugar na nasa palibot ng Dagat na Patay. Ang ilan sa papiro ng Kasulatan na natagpuan sa mga lugar na iyon ay mula pa sa panahon ni Jesus o mas matagal pa nga. Posibleng ito ang materyal na pinagsulatan ng mga liham sa Bibliya, gaya ng isinulat ng mga apostol.

[Picture Credit Lines sa pahina 11]

Spectrumphotofile/photographersdirect.com

© FLPA/David Hosking/age fotostock