Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay

ANO ang nakatulong sa isang babae sa Pilipinas para itigil ang paglalasing at ayusin ang buhay ng kanilang pamilya? Paano naging ministro ang isang taga-Australia na dating mahilig sa karate? Basahin ang kanilang kuwento.

“Hindi Ito Nangyari sa Isang Kisap-mata.”​—CARMEN ALEGRE

ISINILANG: 1949

BANSANG PINAGMULAN: PILIPINAS

DATING LASINGGERA

ANG AKING NAKARAAN: Isinilang ako sa San Fernando, isang bayan sa probinsiya ng Camarines Sur. Pero mula nang magkaedad ako, sa Antipolo, Rizal na ako nanirahan. Nang bagong dating ako rito, ang Antipolo ay isang tahimik at maliit na bayang nasa isang bulubundukin, matalahib, at mapunong lugar. Kapag gabi na, bihira na ang lumalabas ng bahay. Pero ngayon, isa na itong malaking siyudad na maraming tao.

Di-nagtagal, nakilala ko si Benjamin at nang maglaon ay nagpakasal kami. Mas mahirap pala ang buhay may-asawa kaysa sa akala ko. Para matakasan ang mga problema, naglalasing ako. Naging masama ang ugali ko, at kitang-kita iyon sa pagtrato ko sa aking asawa at mga anak. Napakaikli ng pasensiya ko sa kanila. Wala akong galang sa aking asawa. Kaya naman magulo ang buhay ng aming pamilya.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Ang kapatid ng aking asawa, si Editha, ay Saksi ni Jehova. Inalok niya kami ni Benjamin na mag-aral ng Bibliya. Pumayag naman kami, sa pag-asang mababago nito ang sitwasyon ng aming pamilya.

Habang nag-aaral ng Bibliya, marami kaming natutuhang magagandang katotohanan. Gustung-gusto ko ang sinasabi sa Apocalipsis 21:4. Tungkol sa mga mabubuhay sa paraisong lupa sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, sinasabi nito na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.” Gusto kong mapabilang sa mga taong magtatamasa ng gayong mga pagpapala.

Natutuhan kong dapat akong gumawa ng malalaking pagbabago. Pero hindi ito nangyari sa isang kisap-mata. Unti-unti, naitigil ko na ang paglalasing. Naging mabait na rin ako at mapagpasensiya sa aking pamilya. Bukod diyan, natutuhan kong igalang ang aking asawa at nakikipagtulungan na ako sa pangunguna niya sa aming pamilya.

Nang dumalo kami sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova, hangang-hanga kami sa aming nakita. Sa mga Saksi, walang nagsusugal, naglalasing, at nagtatangi. Lahat ay pinakikitunguhan nila nang may respeto at dignidad. Natagpuan na namin ang tunay na relihiyon!​—Juan 13:34, 35.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Malaki ang ipinagbago ng aming pamilya. Masaya na ang pagsasama namin ni Benjamin, at natutuwa kaming magturo ng Bibliya sa iba. Nag-aral na rin ng Bibliya ang dalawa naming anak na lalaki at ang kani-kanilang asawa. Sana’y makasama rin namin sila sa paglilingkod kay Jehova. Ito ang pinakamainam na paraan ng pamumuhay.

“Pakiramdam Ko’y Walang Makatatalo sa Akin.”​—MICHAEL BLUNSDEN

ISINILANG: 1967

BANSANG PINAGMULAN: AUSTRALIA

DATING MAHILIG SA KARATE

ANG AKING NAKARAAN: Lumaki ako sa Albury, isang maganda at maunlad na lunsod sa New South Wales. Gaya ng ibang lunsod, may mga krimen din dito. Pero ligtas pa rin namang tumira sa Albury.

Maalwan ang buhay namin. Kahit na nagdiborsiyo ang mga magulang ko noong pitong taon ako, tiniyak nilang maibibigay nila ang lahat ng pangangailangan naming apat na magkakapatid. Nag-aral ako sa pinakamahusay na pribadong paaralan sa aming lugar. Gusto ni Itay na maging negosyante ako kapag nakatapos na ako. Kaya lang, mas interesado ako sa isport kasi magaling ako sa cycling at karate. Pagtatrabaho sa isang talyer ang pinasok ko, kung saan mas marami akong panahon para makapagpokus sa isport.

Pinananatili ko ang aking magandang pangangatawan, at ipinagmamalaki ko iyon. Kung minsan, pakiramdam ko’y walang makatatalo sa akin. Puwedeng-puwede kong gamitin ang aking lakas para mang-api ng iba. Pero dahil alam ng aking karate master na may tendensiya akong gamitin sa maling paraan ang aking lakas, tinuruan niya akong magkaroon ng disiplina at prinsipyo. Lagi rin niyang idiniriin ang kahalagahan ng pagsunod at katapatan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO: Nang mag-aral ako ng Bibliya, nalaman kong ayaw pala ni Jehova sa karahasan. (Awit 11:5) Noong una, ikinatuwiran kong hindi naman marahas ang karate, kundi isang isport lang. Para sa akin, nagtataguyod ito ng matataas na pamantayang kagaya ng itinuturo ng Bibliya. Napakatiyaga ng mag-asawang Saksi na nagtuturo sa akin ng Bibliya. Hindi nila sinasabi sa akin na tumigil na sa martial arts, basta patuloy lang nila akong tinuturuan.

Habang lumalalim ang kaalaman ko sa Bibliya at ang aking pakikipagkaibigan kay Jehova, nababago ang pangmalas ko sa mga bagay-bagay. Humanga ako sa halimbawa ng Anak ni Jehova, si Jesus. Bagaman napakalakas ni Jesus, hindi siya kailanman naging marahas. Tumatak sa isip ko ang sinabi niya sa Mateo 26:52: “Ang lahat niyaong humahawak ng tabak ay malilipol sa pamamagitan ng tabak.”

Habang natututo ako tungkol kay Jehova, lalong lumalalim ang pag-ibig at paggalang ko sa kaniya. Napakasarap isipin na ang ating Maylalang, na napakarunong at napakamakapangyarihan, ay nagmamalasakit sa akin. Kahit na kung minsan ay binibigo ko si Jehova o para bang gusto ko nang sumuko, hinding-hindi niya ako pinababayaan hangga’t sinisikap kong gawin ang tama. Naaliw ako sa pangakong ito: “Ako, si Jehova na iyong Diyos, ay nakahawak sa iyong kanang kamay, ang Isa na nagsasabi sa iyo, ‘Huwag kang matakot. Ako ang tutulong sa iyo.’” (Isaias 41:13) Nang maunawaan ko kung gaano ako kamahal ng Diyos, naisip kong hindi ko ito dapat palampasin.

Alam kong ang pinakamahirap na gagawin ko ay ang huminto sa karate. Pero alam ko ring kapag ginawa ko iyon ay mapasasaya ko si Jehova, at kumbinsido akong sulit ang anumang sakripisyong gagawin ko, mapaglingkuran ko lang siya. Pero ang talagang nakakumbinsi sa akin ay nang mabasa ko ang sinabi ni Jesus sa Mateo 6:24: “Walang sinuman ang maaaring magpaalipin sa dalawang panginoon.” Naisip kong hindi puwedeng pagsabayin ang paglilingkod kay Jehova at ang pagkakarate. Kailangan ko nang mamili​—si Jehova o ang karate.

Hiráp na hiráp akong magpasiya. Pero nakatulong sa akin ang pagkaalam na napasasaya ko si Jehova. Nadarama ko rin na parang pinagtataksilan ko ang aking karate master. Para sa mga nagma-martial arts, ang pagtataksil sa isang tao ay walang kapatawaran. Nagpapakamatay pa nga ang ilan sa halip na harapin ang kahihiyan.

Hindi ko masabi sa aking master kung bakit ako hihinto sa karate. Kaya basta ko na lang pinutol ang lahat ng komunikasyon ko sa kaniya at sa mga kasamahan ko sa karate. Alam kong tama ang ginawa ko. Pero nakokonsiyensiya rin ako dahil hindi ko man lang naipaliwanag sa kanila ang aking bagong mga paniniwala. Para bang binigo ko na si Jehova bago pa man ako maglingkod sa kaniya. Maraming beses na nauuwi sa pag-iyak ang panalangin ko kay Jehova.

Maaaring may nakitang mabuti sa akin si Jehova dahil pinakilos niya ang mga kapatid sa kongregasyon para damayan ako. Hindi matatawaran ang kanilang pag-ibig, pang-aaliw, at pakikipagkaibigan. Nakatulong din sa akin ang ulat ng Bibliya tungkol kina David at Bat-sheba. Kahit malubha ang kasalanang nagawa ni David, pinatawad pa rin siya ni Jehova nang magsisi siya. Kapag iniisip ko iyon, nagkakaroon ako ng tamang pangmalas sa aking sariling mga pagkukulang.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG: Noong hindi pa ako nag-aaral ng Bibliya, wala akong pakialam sa iba. Pero sa tulong ni Jehova at ng aking magandang asawa na pitong taon ko nang katuwang, natuto akong magpakita ng empatiya. Nagkaroon kami ng maraming estudyante sa Bibliya, na ang ilan ay nasa kaawa-awang kalagayan. Kapag nakikita ko kung paano binabago ng pag-ibig ni Jehova ang buhay ng iba, nakadarama ako ng higit na kagalakan kaysa sa kung ako ay naging isang kampeon sa karate.

[Blurb sa pahina 14]

“Napakasarap isipin na ang ating Maylalang, na napakarunong at napakamakapangyarihan, ay nagmamalasakit sa akin”

[Kahon/Larawan sa pahina 15]

“Salamat sa Napakagandang Seryeng Ito!”

Nagustuhan mo ba ang mga karanasang nabasa mo? Dalawa lang iyan sa mahigit 50 kuwentong inilathala sa Ang Bantayan mula noong Agosto 2008. Naging paborito ng aming mga mambabasa ang seryeng “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.” Bakit kaya?

Ang mga indibiduwal sa mga artikulong ito ay may iba’t ibang background. Bago nila nakilala ang Diyos na Jehova, ang ilan ay matagumpay pero walang tunay na layunin ang kanilang buhay. Kinailangan naman ng iba na pagtagumpayan ang pagiging marahas, adik, o alkoholiko. Ang ilan ay lumaking kilala na si Jehova pero tumigil sa pagsamba sa kaniya. Pinatutunayan ng lahat ng iyan na posibleng magbago ang isa para mapasaya ang Diyos. At iyon ay laging nagdudulot ng mga pakinabang. Ano ba ang epekto ng mga kuwentong ito sa aming mga mambabasa?

Ipinaliwanag ng isa naming mambabasa kung paano nakatulong sa ilang bilanggong babae ang artikulo sa Pebrero 1, 2009.

▪ “Naiintindihan ng marami sa mga bilanggo kung ano ang nadarama ng mga indibiduwal na nasa artikulo,” ang sabi niya. “Ang mga larawan nila ‘noon’ at ‘ngayon,’ pati na ang binanggit na dati nilang buhay, ay napakaepektibo. Ganiyan din kasi ang background ng maraming bilanggo. Pagkabasa sa mga kuwentong ito, dalawa sa kanila ang nagsimulang mag-aral ng Bibliya.”​—C. W.

Ang mga karanasan sa seryeng ito ay talagang nakaantig sa ilang mambabasa. Halimbawa, inilabas sa isyu ng Abril 1, 2011 ang karanasan ni Guadalupe Villarreal. Tinalikuran niya ang pagiging homoseksuwal para maglingkod kay Jehova. Basahin ang dalawa sa maraming liham ng aming mga mambabasa.

▪ “Naantig ako sa karanasan ni Guadalupe. Kahanga-hangang makita na ang pag-ibig kay Jehova at sa kaniyang Salita ay lubusang nakapagpabago sa isang tao!”​—L. F.

▪ “Dati, sinisikap kong mangaral sa lahat, kahit na sa mga homoseksuwal. Pero ngayon, parang binabale-wala ko o iniiwasan pa nga ang gayong mga tao. Ang artikulong ito ang kailangan ko. Natulungan ako nito na tingnan sila ayon sa pangmalas ni Jehova​—mga potensiyal niyang mananamba.”​—M. K.

Ang isa pang karanasan na talagang nagustuhan ng maraming mambabasa ay ang kuwento ni Victoria Tong, sa isyu ng Agosto 1, 2011. Ikinuwento ni Victoria ang kaniyang pangit na pinagdaanan noong bata pa siya. Sinabi niya na kahit matagal na siyang lingkod ni Jehova, iniisip pa rin niyang hindi siya karapat-dapat sa Kaniyang pag-ibig. Pagkatapos, sinabi niya kung ano ang nakatulong sa kaniya para mabago ang saloobing iyon. Tingnan natin kung ano ang sinabi ng ilang mambabasa.

▪ “Tumagos sa puso ko ang karanasan ni Victoria. Punô ng trahedya ang buhay ko. Hindi ko pa rin maiwasang maging negatibo, kahit matagal na akong bautisadong Saksi. Pero natulungan ako ng karanasan ni Victoria para makita talaga kung ano ang nakikita sa akin ni Jehova.”​—M. M.

▪ “Noong bata pa ako, pinaglabanan ko ang pagka-adik ko sa pornograpya. Kamakailan lang, bumalik na naman ako sa aking bisyo. Humingi ako ng tulong sa mga Kristiyanong elder, at unti-unti kong napagtagumpayan ang aking problema. Tiniyak nila sa akin na mahal ako ng Diyos at naaawa siya sa akin. Pero kung minsan, nadarama ko pa rin na wala akong halaga at hindi ako magagawang mahalin ni Jehova. Talagang nakatulong sa akin ang karanasan ni Victoria. Ngayon, napag-isip-isip kong kapag nadarama kong imposibleng mapatawad ako ng Diyos, para ko na ring sinasabing hindi kayang takpan ng sakripisyo ng kaniyang Anak ang aking mga kasalanan. Ginupit ko ang artikulong ito para mabasa at mabulay-bulay agad kapag nadarama kong wala akong halaga. Salamat sa napakagandang seryeng ito!”​—L. K.