Maging Malapít sa Diyos
Kapag Nagpapatawad ang Diyos, Lumilimot Din ba Siya?
ANG sagot ay oo. Sa mga sinasang-ayunan ni Jehova, nangako siya: “Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jeremias 31:34) Kung gayon, tinitiyak sa atin ni Jehova na kapag pinatawad niya ang mga nagsisising makasalanan, hindi na niya inaalaala pa ang kanilang mga ginawa. Ibig bang sabihin ay nalilimutan na ng Maylalang ng uniberso ang mga kasalanang napatawad na niya? Nililiwanag ng mga salita ni Ezekiel kung paanong ang Diyos ay nagpapatawad at lumilimot.—Basahin ang Ezekiel 18:19-22.
Sa pamamagitan ni propeta Ezekiel, ipinahayag ni Jehova ang hatol niya sa taksil na Juda at Jerusalem. Tinalikuran ng bansa sa pangkalahatan ang pagsamba kay Jehova at pinunô ng karahasan ang lupain. Inihula ni Jehova na wawasakin ng mga Babilonyo ang Jerusalem. Pero nagbigay rin siya ng pag-asa. Ang bawat isa ay may pagkakataong pumili, at siya ang magiging responsable sa kaniyang pasiya.—Talata 19, 20.
Paano kung magbago ang isang makasalanan? Sinabi ni Jehova: “May kinalaman nga sa balakyot, kung tatalikuran niya ang lahat ng kaniyang mga kasalanan na ginawa niya at tutuparin nga niya ang lahat ng aking mga batas at maglalapat ng katarungan at katuwiran, tiyak na patuloy siyang mabubuhay. Hindi siya mamamatay.” (Talata 21) Oo, si Jehova ay “handang magpatawad” sa isang makasalanan na tumalikod na sa dati niyang gawain, anupat taimtim na nagsisisi.—Awit 86:5.
Paano naman ang mga kasalanang nagawa niya? “Ang lahat ng kaniyang mga pagsalansang na ginawa niya—ang mga iyon ay hindi aalalahanin laban sa kaniya,” ang sabi ni Jehova. (Talata 22) Pansinin na ang mga kasalanan ng isang nagsisisi ay “hindi aalalahanin laban sa kaniya.” Ano ang kahulugan nito?
Sa Bibliya, ang salitang Hebreo na isinaling “alalahanin” ay hindi lang basta nangangahulugang ungkatin ang nakaraan. Tungkol sa salitang ito, sinabi ng isang reperensiya: “Sa katunayan, [ito] ay kadalasan nang nagpapahiwatig ng pagkilos o ginagamit na kasama ng mga pandiwa.” Kaya ang salitang “alalahanin” ay maaaring mangahulugang “kumilos.” Kung gayon, kapag sinasabi ni Jehova na ang mga kasalanan ng isang nagsisisi ay “hindi aalalahanin laban sa kaniya,” sinasabi Niyang hindi Siya kikilos laban sa isang iyon dahil sa nagawa nitong mga kasalanan, gaya halimbawa ng pag-aakusa o pagpaparusa. *
Ang mga pananalita sa Ezekiel 18:21, 22 ay isang makabagbag-damdaming paglalarawan sa pagiging mapagpatawad ng Diyos. Kapag pinatawad na ni Jehova ang ating mga kasalanan, hindi na niya ito uungkatin pa. Sa halip, inilalagay niya sa kaniyang likuran ang mga kasalanan ng isang nagsisisi. (Isaias 38:17) Parang binubura na niya ang mga kasalanang iyon.—Gawa 3:19.
Bilang mga taong di-sakdal, kailangan natin ang awa ng Diyos. Lagi kasi tayong nagkakasala. (Roma 3:23) Pero gusto ni Jehova na malaman natin na kung taimtim tayong nagsisisi, handa siyang magpatawad. At kapag nagpapatawad siya, lumilimot din siya. Ibig sabihin, hindi niya uungkatin ang dati nating mga kasalanan para akusahan o parusahan ulit tayo. Talagang nakaaaliw iyan! Tiyak na gugustuhin nating higit pang mápalapít sa isang Diyos na maawain.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Hulyo:
[Talababa]
^ par. 5 Sa katulad na paraan, ang pananalitang “alalahanin ang mga kasalanan” ay maaaring mangahulugang “kumilos laban sa mga makasalanan.”—Jeremias 14:10.