Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tularan ang Kanilang Pananampalataya

“Kung Saan Ka Paroroon ay Paroroon Ako”

“Kung Saan Ka Paroroon ay Paroroon Ako”

MAGKASAMANG naglalakad sina Ruth at Noemi sa mataas at mahanging kapatagan ng Moab. Silang dalawa na lang ngayon sa gitna ng napakalawak na lupain. Napansin ni Ruth na magtatakipsilim na, kaya tumingin siya sa kaniyang biyenan habang nag-iisip kung dapat na silang humanap ng mapagpapalipasan ng gabi. Mahal na mahal niya si Noemi at gagawin niya ang lahat para mapangalagaan ito.

Pareho silang namimighati. Matagal nang biyuda si Noemi, at ngayo’y namatay pa ang dalawa niyang anak na sina Kilion at Mahalon. Si Ruth ay nagdadalamhati rin dahil siya ang asawa ni Mahalon. Iisa lang ang destinasyon nila ni Noemi, sa bayan ng Betlehem sa Israel. Pero magkaiba ang paglalakbay nila​—si Noemi ay pauwi, samantalang si Ruth ay mandarayuhan sa isang bagong bayan. Iiwan niya ang kaniyang mga kamag-anak, kostumbre, at mga diyos.​—Ruth 1:3-6.

Bakit kaya nagdesisyon nang ganito si Ruth? Saan siya huhugot ng lakas para maharap ang isang bagong buhay at mapangalagaan si Noemi? Mula sa sagot sa mga tanong na ito, marami tayong matutularan sa pananampalataya ni Ruth na isang Moabita. Tingnan muna natin kung bakit naglalakbay ang dalawang babaing ito patungong Betlehem.

Isang Pamilyang Dumanas ng Trahedya

Si Ruth ay lumaki sa Moab, isang maliit na bansa sa silangan ng Dagat na Patay. Ang lugar na ito ay matalampas at may malalalim na bangin. Laging mabunga ang “lupain ng Moab,” kahit pa nga noong magkaroon ng taggutom sa Israel. Sa katunayan, iyan ang dahilan kung bakit nakilala ni Ruth si Mahalon at ang pamilya nito.​—Ruth 1:1.

Dahil sa taggutom sa Israel, nagdesisyon ang asawa ni Noemi, si Elimelec, na manirahan sa Moab ang kanilang pamilya. Malamang na nasubok ang pananampalataya nila dahil kailangang regular na sumamba ang mga Israelita sa sagradong lugar na pinili ni Jehova. (Deuteronomio 16:16, 17) Napanatili ni Noemi ang kaniyang matibay na pananampalataya. Gayunman, namighati pa rin siya nang mamatay ang kaniyang asawa.​—Ruth 1:2, 3.

Malamang na nagdusa ulit si Noemi nang mag-asawa ng Moabita ang kaniyang dalawang anak. (Ruth 1:4) Alam ni Noemi ang pagsisikap na ginawa ng ninuno nilang si Abraham para maikuha ang anak nitong si Isaac ng mapapangasawa mula sa kaniyang sariling bayan na sumasamba kay Jehova. (Genesis 24:3, 4) Nang maglaon, binabalaan ng Kautusang Mosaiko ang mga Israelita na huwag hayaang mag-asawa ng mga banyaga ang kanilang mga anak dahil aakayin sila nito sa idolatriya.​—Deuteronomio 7:3, 4. *

Gayunman, nag-asawa sina Mahalon at Kilion ng Moabita. Ikinabahala man ito o ikinalungkot ni Noemi, nagpakita pa rin siya ng tunay na kabaitan at pag-ibig sa kaniyang mga manugang na sina Ruth at Orpa. Marahil ay umasa siyang darating ang araw na sasambahin din nila si Jehova. Anuman ang nangyari, napamahal kina Ruth at Orpa si Noemi. Nakatulong ang matatag na ugnayan nila nang dumanas sila ng trahedya. Wala pang anak sina Ruth at Orpa nang mabiyuda sila.​—Ruth 1:5.

Nakatulong ba ang kinalakhang relihiyon ni Ruth sa gayong trahedya? Malamang na hindi. Ang mga Moabita ay sumasamba sa maraming diyos, at pangunahin sa mga ito si Kemos. (Bilang 21:29) Lumilitaw na ang relihiyon ng mga Moabita ay nagsasagawa rin ng kalupitan at malalagim na gawaing karaniwan noon, kasama na ang paghahain ng mga anak. Tiyak na nakita ni Ruth na ibang-iba ito sa narinig niya kay Mahalon o kay Noemi tungkol sa mapagmahal at maawaing Diyos ng Israel, si Jehova. Hindi siya mabagsik! (Deuteronomio 6:5) Nang mamatay ang asawa ni Ruth, malamang na lalo siyang nápalapít kay Noemi at nakinig na mabuti sa sinasabi nito tungkol sa Diyos na Jehova na makapangyarihan-sa-lahat, sa kaniyang kamangha-manghang mga gawa, at sa maibigin at maawain niyang pakikitungo sa kaniyang bayan.

Samantala, si Noemi ay sabik na makabalita tungkol sa Israel. Isang araw ay nalaman niya, marahil mula sa isang naglalakbay na mángangalakál, na tapos na ang taggutom sa Israel. Tinutulungang muli ni Jehova ang kaniyang bayan. Angkop na muli sa Betlehem ang pangalan nito na nangangahulugang “Bahay ng Tinapay.” Nagpasiya si Noemi na bumalik sa Israel.​—Ruth 1:6.

Ano kaya ang gagawin nina Ruth at Orpa? (Ruth 1:7) Dahil sa nalampasan nilang mga pagsubok, napamahal na sa kanila si Noemi. Si Ruth, partikular na, ay waring naging malapít kay Noemi dahil sa kabaitan nito at matibay na pananampalataya kay Jehova. Silang tatlo ay nagsimulang maglakbay patungong Juda.

Ipinaaalaala sa atin ng ulat tungkol kay Ruth na ang trahedya at pagkamatay ng mahal sa buhay ay sumasapit kapuwa sa mabubuti at masasamang tao. (Eclesiastes 9:2, 11) Ipinakikita rin nito na sakaling mamatayan tayo ng mahal sa buhay, makatutulong kung lalapit tayo sa iba​—lalo na sa mga nanganganlong kay Jehova, ang Diyos na sinasamba ni Noemi​—para madamayan nila tayo.​—Kawikaan 17:17.

Ang Matapat na Pag-ibig ni Ruth

Habang naglalakad ang tatlong biyuda, isa pang bagay ang ikinabahala ni Noemi. Iniisip niya ang kaniyang mga manugang at ang pagmamahal na ipinakita nila sa kaniya at sa mga anak niya. Ayaw niyang makaragdag pa sa pasanin nila. Kung sasama sila sa kaniya sa Betlehem, ano ang magiging buhay nila roon?

Sinabi ni Noemi: “Yumaon kayo, bumalik kayo, bawat isa sa bahay ng kaniyang ina. Pagpakitaan nawa kayo ni Jehova ng maibiging-kabaitan, kung paanong ipinakita ninyo iyon sa mga lalaking patay na ngayon at sa akin.” Sinabi rin niya na umaasa siyang pagkakalooban sila ni Jehova ng bagong asawa at bagong buhay. “Pagkatapos ay hinalikan niya sila,” ang sabi ng ulat, “at inilakas nila ang kanilang mga tinig at tumangis.” Hindi nga kataka-takang napamahal nang husto kina Ruth at Orpa ang mabait at di-makasariling si Noemi. Pareho nilang sinabi: “Hindi, kundi kasama mo kaming babalik sa iyong bayan.”​—Ruth 1:8-10.

Pero nangatuwiran si Noemi na wala siyang magandang buhay na maibibigay sa kanila sa Israel. Hindi na siya magkakaroon ng asawang maglalaan sa kaniya, ni ng mga anak na magiging asawa nina Ruth at Orpa. Sinabi niyang napakasakit para sa kaniya na hindi niya sila kayang pangalagaan.​—Ruth 1:11-13.

Para kay Orpa, tama si Noemi. Nasa Moab ang pamilya niya, ang nanay niya, at ang tahanan nila. Parang mas praktikal ngang manatili siya sa Moab. Kaya hinagkan niya si Noemi at malungkot siyang nagpaalam.​—Ruth 1:14.

Kumusta naman si Ruth? Mababasa natin: “Kung tungkol naman kay Ruth, siya ay pumisan sa kaniya.” Marahil ay nagpatuloy na si Noemi sa paglalakad pero napansin niyang kasunod pa rin niya si Ruth. Kaya sinabi niya: “Narito! Ang iyong balong bilas ay bumalik na sa kaniyang bayan at sa kaniyang mga diyos. Bumalik kang kasama ng iyong balong bilas.” (Ruth 1:15) Ang mga salitang iyan ni Noemi ay may isinisiwalat na mahalagang detalye. Si Orpa ay bumalik hindi lang sa kaniyang bayan, kundi pati rin sa “kaniyang mga diyos.” Nanatili siyang mananamba ni Kemos at ng iba pang huwad na mga diyos. Ganiyan din ba ang gagawin ni Ruth?

Nakatitiyak si Ruth sa laman ng kaniyang puso. Mahal na mahal niya si Noemi at ang Diyos na pinaglilingkuran nito. Kaya sinabi niya: “Huwag mo akong pakiusapan na iwanan ka, na talikdan ang pagsama sa iyo; sapagkat kung saan ka paroroon ay paroroon ako, at kung saan ka magpapalipas ng gabi ay magpapalipas ako ng gabi. Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos. Kung saan ka mamamatay ay mamamatay ako, at doon ako ililibing. Gayon nawa ang gawin sa akin ni Jehova at dagdagan pa iyon kung may anumang bagay maliban sa kamatayan na maghiwalay sa akin at sa iyo.”​—Ruth 1:16, 17.

Talagang kahanga-hanga ang mga salitang ito ni Ruth, anupat nananatili pa rin ito kahit 3,000 taon na ang nakalipas. Kitang-kita rito ang isang napakahalagang katangian, ang matapat na pag-ibig. Napakatibay at napakatapat ng pag-ibig ni Ruth, anupat hindi siya hihiwalay kay Noemi saanman ito pumunta. Kamatayan lang ang makapaghihiwalay sa kanila. Ang bayan ni Noemi ay magiging kaniyang bayan, dahil handang iwan ni Ruth ang lahat sa Moab​—maging ang mga diyos nito. Di-gaya ni Orpa, buong-pusong masasabi ni Ruth na gusto niyang maging Diyos ang Diyos ni Noemi, si Jehova. *

Kaya nagpatuloy sila sa mahabang paglalakbay patungong Betlehem​—silang dalawa na lang ngayon. Ayon sa isang pagtantiya, ang gayong paglalakbay ay maaaring abutin nang isang linggo. Pero tiyak na nakahugot sila ng lakas sa isa’t isa sa panahon ng kanilang pamimighati.

Sa ating panahon, na tinatawag ng Bibliya na “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” napapaharap tayo sa iba’t ibang uri ng pamimighati. (2 Timoteo 3:1) Kaya lalong nagiging mahalaga ang katangian ni Ruth. Ang matapat na pag-ibig​—ang uri ng pag-ibig na nangungunyapit sa pinag-uukulan nito at hindi basta bumibitaw rito​—ay napakalaking tulong sa gitna ng madilim na daigdig na ito. Kailangan iyan ng mga mag-asawa, magkakapamilya, magkakaibigan, at magkakapatid na Kristiyano sa kongregasyon. Sa paglilinang ng ganiyang pag-ibig, tinutularan natin ang magandang halimbawa ni Ruth.

Sina Ruth at Noemi sa Betlehem

Magkaiba ang pagsasabing mayroon kang matapat na pag-ibig at ang pagpapakita nito. May pagkakataon si Ruth na ipakita ang kaniyang matapat na pag-ibig hindi lang kay Noemi, kundi gayundin sa kaniyang piniling Diyos, si Jehova.

Sa wakas, nakarating din sila sa Betlehem, isang bayan na mga sampung kilometro sa timog ng Jerusalem. Waring prominente si Noemi at ang kaniyang pamilya sa maliit na bayang iyon dahil humugong ang balitang dumating siya. Pinagmamasdan siya ng mga babae at sinasabi, “Ito ba si Noemi?” Maliwanag na ibang-iba na ang hitsura niya kaysa noong bago siya manirahan sa Moab; mahahalata ang maraming taon ng kaniyang paghihirap at pamimighati.​—Ruth 1:19.

Ikinuwento ni Noemi sa kaniyang mga kamag-anak na babae at mga kapitbahay ang dinanas niya. Nasabi pa nga niya na ang pangalan niyang Noemi, na nangangahulugang “Ang Aking Kaigayahan,” ay dapat palitan ng Mara, na nangangahulugang “Mapait.” Kawawang Noemi! Gaya ni Job noon, inisip niyang galing sa Diyos na Jehova ang mga paghihirap niya.​—Ruth 1:20, 21; Job 2:10; 13:24-26.

Sa pagsisimula ng buhay ng dalawang babaing ito sa Betlehem, iniisip na ni Ruth kung paano niya susuportahan ang kaniyang sarili at si Noemi. Natutuhan niya na ang Kautusan ni Jehova sa Israel ay may maibiging probisyon para sa mahihirap. Sila ay maaaring pumunta sa bukid sa panahon ng pag-aani at maghimalay ng naiwan ng mga mang-aani at ng natira sa gilid ng bukid. *​—Levitico 19:9, 10; Deuteronomio 24:19-21.

Panahon na ng pag-aani ng sebada, malamang na Abril sa kalendaryo ngayon, kaya pumunta si Ruth sa bukid para alamin kung sino ang papayag na maghimalay siya. Nagkataong napunta siya sa bukid ni Boaz, isang mayamang may-ari ng lupain at kamag-anak ng namatay na asawa ni Noemi, si Elimelec. Bagaman may karapatan si Ruth na maghimalay ayon sa Kautusan, nagpaalam pa rin siya sa kapatas. Pumayag ito, at saka pa lang siya nagsimulang magtrabaho.​—Ruth 1:22–2:3, 7.

Sinusundan ni Ruth ang mga mang-aani. Habang kinakarit nila ang mga sebada, pinupulot naman niya ang naiiwan nila, ibinubungkos, at saka dinadala sa isang lugar kung saan niya maaaring ihampas ang mga bungkos para malaglag ang mga butil. Tiyagaan at nakapapagod ito, at lalo nang humihirap kapag patirik na ang araw. Pero tumitigil lang si Ruth para magpahid ng pawis at mananghalian “sa bahay”​—marahil isang silungan ng mga manggagawa.

Malamang na hindi umasa si Ruth na may makapapansin sa kaniya. Pero nakita siya ni Boaz at itinanong sa kapatas kung sino siya. Bilang isang lalaking may kahanga-hangang pananampalataya, binati ni Boaz ang kaniyang mga manggagawa na ang ilan ay mga arawáng trabahador o mga banyaga pa nga: “Sumainyo nawa si Jehova.” Binati rin nila siya ng gayong mga salita. Si Boaz ay nagpakita ng malasakit kay Ruth na tulad ng sa isang ama.​—Ruth 2:4-7.

Tinawag niyang “anak” si Ruth at sinabing sa kaniyang bukid na siya laging maghimalay at na huwag siyang lalayo sa mga kabataang babae ng kaniyang sambahayan para hindi siya guluhin ng mga manggagawang lalaki. Tiniyak ni Boaz na may makakain si Ruth sa tanghalian. Pero higit sa lahat, pinuri niya si Ruth at pinatibay. Bakit kaya?​—Ruth 2:8, 9, 14.

Nang tanungin ni Ruth si Boaz kung bakit ito mabait sa kaniya kahit isa siyang banyaga, sinabi ni Boaz na nabalitaan niya kasi ang lahat ng ginawa ni Ruth para sa kaniyang biyenang si Noemi. Malamang na pinupuri ni Noemi si Ruth sa mga babae ng Betlehem, at nakarating ito kay Boaz. Nalaman na rin ni Boaz na sumasamba na si Ruth kay Jehova dahil sinabi niya: “Gantihan nawa ni Jehova ang iyong paggawi, at magkaroon nawa ng sakdal na kabayaran para sa iyo mula kay Jehova na Diyos ng Israel, na sa ilalim ng kaniyang mga pakpak ay pumaroon ka upang manganlong.”​—Ruth 2:12.

Tiyak na napatibay si Ruth ng mga salitang iyon! Talagang nanganlong siya sa mga pakpak ng Diyos na Jehova, gaya ng isang inakáy sa ilalim ng proteksiyon ng magulang. Nagpasalamat siya kay Boaz, at nagpatuloy sa paghihimalay hanggang sa kinagabihan.​—Ruth 2:13, 17.

Ang pananampalatayang ito ni Ruth ay isang napakagandang halimbawa para sa ating lahat na nakikipagpunyagi sa kahirapan. Hindi niya iniisip na obligado ang iba na tulungan siya, kaya naman pinahahalagahan niya ang anumang ibigay sa kaniya. Hindi niya ikinahihiya ang mabigat at mababang uri ng trabaho, basta para sa kaniyang mahal sa buhay. Pinasalamatan niya at sinunod ang matalinong payo tungkol sa ligtas na pagtatrabaho at mabubuting kasama. Ang pinakamahalaga sa lahat, hindi niya kailanman kinalimutan kung kanino talaga siya dapat manganlong​—sa kaniyang mapagsanggalang na Ama, ang Diyos na Jehova.

Kung magpapakita rin tayo ng matapat na pag-ibig gaya ni Ruth at tutularan ang kaniyang kapakumbabaan, kasipagan, at pagpapahalaga, ang ating pananampalataya ay magiging halimbawa rin sa iba. Pero paano nga ba pinaglaanan ni Jehova sina Ruth at Noemi? Tatalakayin natin ito sa isang artikulo sa hinaharap.

[Mga talababa]

^ par. 22 Kapansin-pansin na ginamit ni Ruth ang personal na pangalan ng Diyos, Jehova, sa halip na ang titulong “Diyos,” gaya ng ginagawa ng maraming banyaga. Sinasabi ng The Interpreter’s Bible: “Idiniriin ng manunulat na ang banyagang ito ay isang tagasunod ng tunay na Diyos.”

^ par. 29 Tiyak na walang ganiyang kautusan sa bansa ni Ruth. Sa Gitnang Silangan noon, hindi maganda ang pakikitungo sa mga biyuda. Sinasabi ng isang reperensiya: “Pagkamatay ng asawang lalaki, karaniwan nang sa kaniyang mga anak na lalaki umaasa ang isang biyuda; kung wala naman, ibebenta na lang niya ang kaniyang sarili sa pagkaalipin, magiging patutot, o maghihintay na lang ng kamatayan.”

[Kahon sa pahina 26]

Isang Munting Obra Maestra

Ang aklat ng Ruth ay isang maliit na hiyas, isang munting obra maestra. Ang impormasyon ng aklat na ito ay hindi kasinlawak ng sinundan nitong aklat ng Mga Hukom na nakatulong sa atin para malaman kung kailan naganap ang mga pangyayari sa aklat ng Ruth. (Ruth 1:1) Malinaw na si propeta Samuel ang sumulat ng mga aklat na ito. Pero kapag binabasa mo ang Bibliya, sasang-ayon kang napakaganda ng puwesto ng aklat ng Ruth sa kanon ng Bibliya. Pagkatapos mabasa ang tungkol sa mga digmaan sa aklat ng Mga Hukom, ipinaaalaala sa atin ng munting aklat na ito na hindi kailanman nalilimutan ni Jehova ang lingkod niyang araw-araw na nakikipagpunyagi sa mga problema. Ang simpleng kuwentong ito ay may napakagandang mga aral para sa atin tungkol sa pag-ibig, pagkamatay ng mahal sa buhay, pananampalataya, at pagkamatapat.

[Larawan sa pahina 24]

Hindi humiwalay si Ruth kay Noemi sa panahon ng pamimighati

[Larawan sa pahina 24, 25]

“Ang iyong bayan ay magiging aking bayan, at ang iyong Diyos ay aking Diyos”

[Larawan sa pahina 27]

Handa si Ruth na gumawa ng mabigat at mababang uri ng trabaho para mapaglaanan ang kaniyang sarili at si Noemi