Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Maging Malapít sa Dumirinig ng Panalangin

Maging Malapít sa Dumirinig ng Panalangin

MARAMI ang nagsasabing naniniwala sila sa Diyos, pero hindi naman nila maipaliwanag kung bakit sila may pananampalataya. Hindi rin nila maipaliwanag kung bakit kadalasan nang masama ang impluwensiya ng relihiyon o kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Basta nananalangin lang sila sa isang Diyos na hindi maabot ng kanilang unawa.

Pero puwede kang maging mas malapít sa Diyos. Mapatitibay mo ang iyong pananampalataya kung magkakaroon ka ng pagkaunawa tungkol sa Diyos, anupat mauudyukan kang ibigin siya at pahalagahan. Ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa ebidensiya. (Hebreo 11:1) Kung matututuhan mo ang katotohanan tungkol sa Diyos, makikilala mo siya at makakausap bilang kaibigan. Tingnan natin ang karanasan ng ilan na nananalangin noon kahit nag-aalinlangang may Diyos.

Si Patricia, binanggit sa unang artikulo. “Isang araw, napag-usapan ng ilan sa mga kaibigan ko ang tungkol sa relihiyon. Sinabi ko sa kanila na minsan ay umalis ako sa amin para takasan ang diskusyon ng daddy kong ateista at ng Saksi ni Jehova na pumunta sa amin. ‘Baka tama ang mga Saksi ni Jehova,’ ang sabi ng isa kong kaibigan.

“‘Ano kaya kung pumunta tayo sa miting nila?’ ang sabi ng isa pa. At iyon nga ang ginawa namin. Kahit nag-aalinlangan kami, tuloy pa rin sa pagdalo ang ilan sa amin dahil napakapalakaibigan ng mga Saksi.

“Pero isang araw ng Linggo, may napakinggan ako na bumago sa aking saloobin. Ipinaliwanag ng tagapagsalita kung bakit nagdurusa ang mga tao. Ngayon ko lang naintindihan na ang tao pala ay nilalang na perpekto at na ang kasalanan at kamatayan ay nagsimula sa isang tao at lumaganap sa lahat. Ipinaliwanag din niya kung bakit kailangang mamatay si Jesus para maisauli sa sangkatauhan ang naiwala ng unang tao. * (Roma 5:12, 18, 19) Bigla kong naunawaan ang lahat. ‘Talagang may Diyos na nagmamalasakit sa atin,’ ang naisip ko. Nagpatuloy ako sa pag-aaral ng Bibliya at di-nagtagal, sa kauna-unahang pagkakataon, alam ko nang may nakikinig talaga sa akin kapag nananalangin ako.”

Si Allan, binanggit din sa unang artikulo. “Isang araw, may dumating na mga Saksi ni Jehova sa aming bahay. Pinapasok sila ng aking asawa dahil interesado siya sa sinasabi nilang buhay na walang hanggan sa lupa. Nainis ako. Kaya iniwan muna namin sa sala ang mga Saksi, at kinausap ko sa kusina ang aking asawa, ‘Ano ka ba? Maniniwala ka ba sa sinasabi nila?’

“‘O sige, ikaw ang makipag-usap sa kanila at patunayan mong mali sila,’ ang sagot niya.

“Siyempre pa, hindi ko naman mapatutunayang mali sila. Pero napakababait nila at binigyan nila ako ng isang aklat na tumatalakay kung sa paglalang nagmula ang buhay o sa ebolusyon. Napakalinaw ng paliwanag nito at maraming katibayan, kaya naisip kong marami pa akong dapat malaman tungkol sa Diyos. Nakipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi, at nakita kong ibang-iba ang sinasabi nito sa dati kong inaakala tungkol sa relihiyon. Habang natututo ako tungkol kay Jehova, naging mas espesipiko na ang mga panalangin ko sa kaniya. May masasama akong ugali, kaya ipinananalangin ko ito. Nadarama kong sinasagot ni Jehova ang mga panalangin ko.”

Si Andrew, taga-England. “Bagaman kumbinsido ako sa aking mga pinaniniwalaan at napakahilig ko sa siyensiya, naniwala lang ako sa teoriya ng ebolusyon dahil sinabi ng iba na napatunayan na raw iyon. Hindi ako naniniwala sa Diyos dahil sa lahat ng masasamang nangyayari.

“Pero minsan naiisip ko rin: ‘Kung may Diyos sa langit, gusto kong malaman kung bakit nangyayari ang mga iyon. Bakit napakaraming krimen at digmaan?’ Kapag may problema ako, nagdarasal din ako, pero hindi ko alam kung sino ang kausap ko.

“Hanggang sa may nagbigay sa aking asawa ng isang tract ng mga Saksi ni Jehova: Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas? Iyan mismo ang tanong ko. Dahil sa tract na iyon, naisip ko tungkol sa Bibliya, ‘Sulit kayang isaalang-alang ko ang mga sagot nito?’ Nang maglaon, habang nasa bakasyon, may nagbigay sa akin ng aklat na Ang Bibliya​—Salita ng Diyos o ng Tao? * Nang malaman kong kaayon pala ng Bibliya ang siyensiya, naisip kong kailangan kong matuto pa nang higit tungkol sa Bibliya. Kaya nang alukin ako ng isang Saksi ni Jehova na mag-aral ng Bibliya, pumayag ako. Nang maintindihan ko ang layunin ni Jehova, pakiramdam ko’y nakilala ko siya bilang isang tunay na persona, isa na puwede kong kausapin sa panalangin.”

Si Jan, pinalaking Protestante sa London. “Nawalan ako ng interes sa relihiyon dahil sa nakikita kong pagpapaimbabaw nito at laganap na pagdurusa. Tumigil din ako sa kolehiyo, kumanta na lang ako’t tumugtog ng gitara para magkapera. Noon ko nakilala si Pat. Pinalaki siyang Katoliko pero nawalan na rin ng interes sa relihiyon.

“Tumira kami sa isang abandonadong bahay kasama ng ilang tumigil na rin sa pag-aaral. Interesado sila sa mga relihiyon ng taga-Silangan. Inaabot kami ng hatinggabi sa pag-uusap tungkol sa kahulugan ng buhay. Kahit pareho kami ni Pat na hindi naniniwala sa Diyos, iniisip pa rin namin na may isang puwersang sumusustine sa buhay.

“Pagkalipat namin sa northern England para maghanap ng trabaho bilang mga manunugtog, isinilang ang aming anak na lalaki. Isang gabi, nagkasakit siya at namalayan ko na lang na nagdarasal ako sa Diyos na hindi ko naman pinaniniwalaan. Di-nagtagal, hindi na naging maganda ang pagsasama namin ni Pat kaya humiwalay ako sa kaniya at isinama ko ang aming anak. Nagdasal ulit ako, kung sakali mang may nakikinig. Hindi ko alam na ganoon din pala ang ginawa ni Pat.

“Nang araw ding iyon, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa pinto ni Pat at nagbahagi ng ilang praktikal na payo mula sa Bibliya. Tinawagan ako ni Pat at tinanong kung gusto kong sumama sa kaniya na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi. Natutuhan namin na para mapasaya ang Diyos, dapat kaming magpakasal. Parang napakahirap sundin iyon dahil sa aming sitwasyon.

“Gusto naming matuto pa tungkol sa katuparan ng mga hula sa Bibliya, dahilan ng pagdurusa, at kahulugan ng Kaharian ng Diyos. Unti-unti, naunawaan namin na talagang nagmamalasakit ang Diyos, at nais naming gawin ang sinasabi niya. Nagpakasal kami. Natulungan kami ng karunungan mula sa Salita ng Diyos sa pagpapalaki sa aming tatlong anak. Sigurado kaming pinakikinggan ni Jehova ang aming mga panalangin.”

Suriin Mo ang Ebidensiya

Gaya ng milyun-milyong iba pa, ang mga taong sinipi sa artikulong ito ay hindi nadaya ng huwad na relihiyon. Naunawaan nila kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa. Napansin mo ba na, dahil sa tumpak na pagkaunawa sa Bibliya, nakumbinsi ang mga taong ito na talagang pinakikinggan ni Jehova ang mga panalangin?

Gusto mo bang suriin ang ebidensiya na may Diyos nga? Matutuwa ang mga Saksi ni Jehova na tulungan kang matutuhan ang katotohanan tungkol kay Jehova at kung paano ka mapapalapít sa “Dumirinig ng panalangin.”​—Awit 65:2.

[Mga talababa]

^ par. 6 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa halaga ng kamatayan ni Jesus bilang pantubos, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

^ par. 12 Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Blurb sa pahina 10]

“Nang maintindihan ko ang layunin ni Jehova, pakiramdam ko’y nakilala ko siya bilang isang tunay na persona, isa na puwede kong kausapin sa panalangin”

[Larawan sa pahina 9]

Ang tunay na pananampalataya ay nakasalig sa ebidensiya at sa pagnanais na malaman ang katotohanan tungkol sa Diyos