Matuto Mula sa Salita ng Diyos
Paano Tayo Naaapektuhan ng mga Espiritung Nilalang?
Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.
1. Sino ang mga anghel?
Ang mga anghel ay mga espiritung nilalang na nakatira sa langit. Sila ay nakahihigit sa mga tao. Ang tunay na Diyos, na isa ring espiritu, ang lumikha sa mga anghel bago niya lalangin ang lupa. (Job 38:4, 7; Mateo 18:10) Si Jehova ay napalilibutan ng milyun-milyong tapat na mga anghel.—Basahin ang Awit 103:20, 21; Daniel 7:9, 10.
2. Tinutulungan ba ng mga anghel ang mga tao?
Tinulungan ng mga anghel ang tapat na si Lot. Naninirahan siya sa isang lunsod na ipinasiya ng Diyos na wasakin dahil sa kasamaan ng mga tagaroon. Dalawang anghel ang nagbabala kay Lot at sa kaniyang pamilya na tumakas. Inisip ng ilang tao na biro lang ang babala kaya binale-wala nila iyon. Pero si Lot at ang kaniyang mga anak na babae ay nakinig sa babala ng Diyos sa pamamagitan ng mga anghel kaya nakaligtas sila.—Basahin ang Genesis 19:1, 13-17, 26.
Ayon sa Bibliya, tinutulungan ng mga anghel ang mga tao sa ngayon. Pinapatnubayan nila ang mga tapat na nangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. (Mateo 24:14) Ang mabuting balitang ito ay may kasamang babala. Tulad ng babala kay Lot, hindi rin ito biro. Galing ito sa Diyos sa pamamagitan ng mga anghel.—Basahin ang Apocalipsis 1:1; 14:6, 7.
Maaaring gamitin ng Diyos ang mga anghel para palakasin tayo kapag may mga pagsubok. Gumamit siya ng anghel para palakasin si Jesus.—Basahin ang Lucas 22:41-43.
Malapit nang gamitin ng Diyos ang mga anghel sa iba pang paraan—para lipulin ang masasamang tao na nagdudulot ng pagdurusa. Sa gayon, magiginhawahan na ang sangkatauhan.—Basahin ang 2 Tesalonica 1:6-8.
3. Paano tayo naaapektuhan ng mga demonyo?
Kung paanong maraming tao sa lupa ang naging masuwayin sa Diyos, marami ring anghel sa langit ang nagrebelde sa Diyos. (2 Pedro 2:4) Ang masuwaying mga anghel ay tinatawag na mga demonyo. Ang nangunguna sa kanila ay si Satanas na Diyablo. Inililigaw ni Satanas at ng kaniyang mga demonyo ang mga tao.—Basahin ang Apocalipsis 12:9.
Ginagamit ni Satanas ang di-tapat na negosyo, gobyerno ng tao, at huwad na relihiyon para impluwensiyahan ang mga tao at italikod sila sa Diyos. Kaya si Satanas ang responsable sa kawalang-katarungan, karahasan, at pagdurusang nagpapahirap sa mga tao.—Basahin ang 1 Juan 5:19.
4. Paano inililigaw ng mga demonyo ang mga tao?
Dinadaya ni Satanas ang maraming tao sa pamamagitan ng pagtuturo na ang mga patay ay nagiging mga espiritung may kakayahang makipag-usap sa kanila. Pero sinasabi ng Bibliya na ang mga patay ay wala nang anumang magagawa. (Eclesiastes 9:5) Gayunman, madalas dayain ng mga demonyo ang mga tao sa pamamagitan ng paggaya sa boses ng isang namatay na mahal sa buhay. (Isaias 8:19) Inililigaw ng mga demonyo ang iba sa pamamagitan ng espiritismo, panghuhula, at astrolohiya. Nagbababala ang Bibliya na dapat tayong umiwas sa lahat ng gayong gawain. Kaya dapat nating alisin ang ating mga gamit na may kaugnayan sa mga demonyo at sa espiritismo.—Basahin ang Deuteronomio 18:10, 11; Gawa 19:19.
Kung mahal natin si Jehova, hindi tayo dapat matakot sa mga demonyo. Kapag pinag-aaralan natin at sinusunod ang Salita ng Diyos, sinasalansang natin ang Diyablo at nápapalapít tayo sa Diyos. Si Jehova ay mas makapangyarihan kaysa sa mga demonyo. Napalalakas tayo ng tapat na mga anghel sa panahon na kailangan natin ng tulong.—Basahin ang Awit 34:7; Santiago 4:7, 8.
Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 10 ng aklat na ito, Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?, na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.