Sino ang Dumirinig ng Panalangin?
KUNG mayroon ngang isang Dumirinig ng panalangin, makatuwiran lang isipin na siya ang Maylalang. May iba pa bang makababasa ng iniisip mo maliban sa Isa na nagdisenyo sa utak ng tao? May iba pa bang makasasagot sa mga panalangin at makapaglalaan ng tulong na kailangan ng tao? Pero baka maisip mo, ‘Makatuwiran bang maniwala sa isang Maylalang?’
Iniisip ng maraming tao na ang paniniwala sa isang Maylalang ay nangangahulugang kailangan mong tanggihan ang modernong siyensiya. Pero hindi totoong magkasalungat ang paniniwala sa Diyos at ang paniniwala sa siyensiya. Isaalang-alang ito.
▪ Sa isang kamakailang pag-aaral na ginawa sa 1,646 na propesor ng siyensiya mula sa 21 kilaláng unibersidad sa Estados Unidos, natuklasang isa lang sa bawat tatlo sa kanila ang pumili sa pangungusap na “Hindi ako naniniwala sa Diyos.”
Ang totoo, maraming siyentipiko ang naniniwalang may Diyos.
Ebidensiya na May Isang Maylalang
Basta na lang ba tayo maniniwalang may isang Dumirinig ng panalangin kahit walang patotoo? Hinding-hindi. Mali ang ideya na ang pananampalataya ay nangangahulugang paniniwala sa isang bagay kahit walang ebidensiya. Ayon sa Bibliya, ang pananampalataya ay “ang malinaw na pagtatanghal ng mga katunayan bagaman hindi nakikita.” (Hebreo 11:1) Sinasabi ng isa pang salin na ang pananampalataya ay “nagbibigay sa atin ng katiyakan hinggil sa mga bagay na hindi natin nakikita.” (The New English Bible) Halimbawa, hindi mo nakikita ang radio wave. Pero dahil nagkakarinigan kayo ng kausap mo sa cellphone, kumbinsido ka na talagang may radio wave. Sa katulad na paraan, kahit hindi natin nakikita ang Dumirinig ng panalangin, maaari nating isaalang-alang ang mga katibayan na umiiral nga siya.
Saan tayo makakakuha ng ebidensiya na mayroon ngang Diyos? Kailangan lang nating tumingin sa paligid. Ganito ang paliwanag ng Bibliya: “Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Sang-ayon ka ba riyan? Kung pag-iisipan mo ang kaayusan ng uniberso, ang pinagmulan ng buhay, o ang disenyo ng napakasalimuot na utak ng tao, masasabi mong may Isa na nakahihigit sa tao. *
Pero limitado lang ang matututuhan natin sa kalikasan tungkol sa Diyos. Maihahalintulad natin ito sa mga yabag na naririnig mong papalapit sa nakasarang pinto. Alam mong may tao, pero hindi mo alam kung sino iyon. Para malaman, kailangan mong buksan ang pinto. Ganiyan din ang kailangan nating gawin para malaman kung sino ang Isa na nasa likod ng paglalang.
Ang Bibliya ay parang pinto tungo sa kaalaman tungkol sa Diyos. Kapag binuksan mo ang pintong iyan at isinaalang-alang ang ilang detalyadong hula at ang katuparan ng mga ito, makikita mo ang ebidensiya na may Diyos nga. * Bukod diyan, ipinakikita ng mga ulat tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa mga tao ang mismong personalidad ng Dumirinig ng panalangin.
Paano Mailalarawan ang Dumirinig ng Panalangin?
Sinasabi ng Bibliya na ang Dumirinig ng panalangin ay isang persona—isa na puwede mong makilala. Siyempre pa, persona lang ang may Awit 65:2) Dinirinig niya ang panalangin ng mga nananampalataya sa kaniya. At may pangalan siya. Sinasabi ng Bibliya: “Si Jehova ay malayo sa mga balakyot, ngunit ang panalangin ng mga matuwid ay dinirinig niya.”—Kawikaan 15:29.
kakayahang makaunawa sa kaniyang naririnig. Mababasa natin: “O Dumirinig ng panalangin, sa iyo nga ay paroroon ang mga tao mula sa lahat ng laman.” (Si Jehova ay may damdamin. Siya ang “Diyos ng pag-ibig” at tinatawag na “maligayang Diyos.” (2 Corinto 13:11; 1 Timoteo 1:11) Tungkol sa kaniyang nadama nang lumaganap noon ang kasamaan, sinabi ng Bibliya: “Siya ay nasaktan sa kaniyang puso.” (Genesis 6:5, 6) Hindi totoong pinagdurusa ng Diyos ang mga tao para subukin sila. Sinasabi ng Bibliya: “Malayong gumawi nang may kabalakyutan ang tunay na Diyos.” (Job 34:10) Pero baka maitanong mo, ‘Kung ang Diyos ang Maylalang na makapangyarihan-sa-lahat, bakit niya pinahihintulutang magpatuloy ang pagdurusa?’
Binigyan ni Jehova ang mga tao ng kalayaang magpasiya, at may matututuhan tayo mula rito tungkol sa Diyos. Hindi ba’t pinahahalagahan natin ang kalayaang pumili kung paano tayo mamumuhay? Pero nakalulungkot, ginagamit ng marami ang kanilang kalayaan sa maling paraan kaya nagdurusa sila pati na ang iba. Ito ngayon ang tanong na dapat nating pag-isipang mabuti: Paano aalisin ng Diyos ang pagdurusa nang hindi inaalis ang kalayaan ng tao? Tatalakayin iyan sa susunod na artikulo.
[Mga talababa]
^ par. 8 Para sa mas detalyadong pagtalakay sa ebidensiya na may Diyos, tingnan ang brosyur na The Origin of Life—Five Questions Worth Asking at ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 10 Ang brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao at ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? ay inilalathala ng mga Saksi ni Jehova para tulungan kang isaalang-alang ang ebidensiya na ang Bibliya ay galing sa Diyos.
[Kahon sa pahina 5]
Nag-aalinlangan Ka ba Dahil sa Relihiyon?
Nakalulungkot, relihiyon mismo ang dahilan kung bakit marami ang nag-aalinlangang may maawaing Dumirinig ng panalangin. Dahil sangkot ito sa digmaan, terorismo, at pagkunsinti sa pang-aabuso sa mga bata, nasasabi tuloy maging ng mga madasaling tao, “Hindi ako naniniwala sa Diyos.”
Bakit kaya kadalasan nang masama ang impluwensiya ng relihiyon? Ginagamit kasi ng masasamang tao ang relihiyon sa paggawa ng masama. Inihula ng Bibliya na may ibang mga puwersang kokontrol sa Kristiyanismo at gagamitin ito sa kasamaan. Sinabi ni Pablo sa mga tagapangasiwang Kristiyano: “Mula sa inyo mismo ay may mga taong babangon at magsasalita ng mga bagay na pilipit at ilalayo ang mga alagad upang pasunurin sa kanila.”—Gawa 20:29, 30.
Nasusuklam ang Diyos sa huwad na relihiyon. Sinasabi ng Bibliya na ito ang responsable sa “dugo . . . ng lahat niyaong mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 18:24) Dahil hindi nito itinuro ang tungkol sa tunay na Diyos, na pag-ibig ang pangunahing katangian, nagkakasala ito sa dugo sa mata ng Diyos.—1 Juan 4:8.
Nauunawaan ng Dumirinig ng panalangin ang nadarama ng mga sinisiil ng relihiyon. Dahil sa pag-ibig ng Diyos sa mga tao, ang lahat ng mapagpaimbabaw na relihiyon ay hahatulan niya sa pamamagitan ni Jesus. Sinabi ni Jesus: “Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo?’ . . . Kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”—Mateo 7:22, 23.