Alam Mo Ba?
Saan nagmula ang mahahalagang bato sa pektoral ng mataas na saserdote ng Israel?
▪ Nang makaalis ang mga Israelita sa Ehipto at makapasok sa ilang, inutusan sila ng Diyos na gawin ang pektoral na ito. (Exodo 28:15-21) Ang pektoral ay may mga batong rubi, topacio, esmeralda, turkesa, safiro, jaspe, lesem, agata, amatista, crisolito, onix, at jade. * Saan kaya nakuha ng mga Israelita ang gayong mahahalagang bato?
Noong panahon ng Bibliya, napakahalaga ng mga batong hiyas at ginagamit ang mga ito sa pakikipagkalakalan. Halimbawa, nakuha ng mga sinaunang Ehipsiyo ang kanilang mga batong hiyas mula pa sa malalayong lugar na tinatawag ngayong Iran, Afghanistan, at posible pa ngang hanggang India. Iba’t ibang mahahalagang bato ang nakuha ng mga Ehipsiyo mula sa mga minahan. Kontrolado ng mga paraon ang mga minahan sa kanilang mga nasasakupan. Inilarawan ng patriyarkang si Job kung paanong ang mga kapanahon niya ay gumamit ng mga daanan at lagusan sa ilalim ng lupa para maghanap ng mga kayamanan. Partikular na binanggit ni Job ang safiro at topacio na kabilang sa mga nahuhukay noon.—Job 28:1-11, 19.
Sinasabi sa ulat ng Exodo na nang papalabas na ang mga Israelita sa Ehipto, “sinamsaman nila ang mga Ehipsiyo” ng mahahalagang pag-aari ng mga ito. (Exodo 12:35, 36) Kaya posibleng sa Ehipto nakuha ng mga Israelita ang mga batong ginamit sa pektoral ng mataas na saserdote.
Bakit ginamit ang alak sa panggagamot noong panahon ng Bibliya?
▪ Sa isa sa mga talinghaga ni Jesus, binanggit niya ang isang lalaki na binugbog ng mga magnanakaw. Sinabi ni Jesus na ang lalaki ay tinulungan ng isang Samaritano. Tinalian nito ang kaniyang mga sugat at binuhusan iyon ng “langis at alak.” (Lucas 10:30-34) Nang sulatan ni apostol Pablo ang kaniyang kaibigang si Timoteo, pinayuhan niya ito: “Huwag ka nang uminom ng tubig, kundi gumamit ka ng kaunting alak dahil sa iyong sikmura at sa iyong malimit na pagkakasakit.” (1 Timoteo 5:23) Ang pangyayari bang binanggit ni Jesus at ang ipinayo ni Pablo ay kaayon ng medisina?
Inilarawan ng aklat na Ancient Wine ang alak bilang “pang-alis ng kirot, pamatay-mikrobyo, at panlunas sa maraming iba pang sakit.” Noong sinaunang panahon, ang alak ay isang pangunahing panlunas na ginamit sa Ehipto, Mesopotamia, at Sirya. Sinabi ng The Oxford Companion to Wine na ang alak ang “pinakaunang gamot na naidokumento ng tao.” May kinalaman sa payo ni Pablo kay Timoteo, ganito ang sinabi ng aklat na The Origins and Ancient History of Wine: “Ipinakita ng mga eksperimento na ang mga buháy na typhoid at iba pang mapanganib na mga mikroorganismo ay mabilis na namamatay kapag inihalo sa alak.” Pinatutunayan ng modernong pagsasaliksik na ang ilan sa mahigit 500 sangkap ng alak ay may ganiyang bisà at iba pang medikal na pakinabang.
[Talababa]
^ par. 3 Mahirap alamin kung ano ang tawag sa mga batong ito sa ngayon.
[Larawan sa pahina 26]
Niyayapakan ng mga manggagawa ang mga ubas, mula sa libingan ni Nakht sa Thebes, Ehipto
[Credit Line]
Gianni Dagli Orti/The Art Archive at Art Resource, NY