Tanong ng mga Mambabasa
Ano ang Tingin ng Diyos sa Paggamit Ko ng Tabako?
▪ Baka maitanong iyan ng isa dahil wala namang utos sa Bibliya tungkol sa paggamit ng tabako, gaya ng paninigarilyo. Ibig bang sabihin, hindi na natin malalaman kung ano ang tingin ng Diyos hinggil dito? Hindi naman.
Sinasabi ng Bibliya na “ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Ang Kasulatan ay may malinaw na mga simulaing nagpapakita kung anong pangangalaga sa kalusugan ang gusto ng Diyos na gawin natin. Repasuhin muna natin ang natuklasan ng mga mananaliksik tungkol sa epekto ng paggamit ng tabako sa kalusugan ng tao. Pagkatapos, talakayin natin kung paano nauugnay sa mga iyon ang mga simulain ng Bibliya.
Pinipinsala ng tabako ang kalusugan ng gumagamit nito, at ito ang isang pangunahing sanhi ng kamatayan na puwede sanang maiwasan. Sa Estados Unidos, ang paggamit ng tabako ang itinuturong dahilan ng kamatayan ng 1 sa bawat 5 namamatay. Sa bansa ring iyan, taun-taon, mas marami ang namamatay dahil sa tabako kaysa sa pinagsama-samang bilang ng namamatay dahil sa “alkohol, droga, pagpatay, pagpapatiwakal, aksidente sa kotse, at AIDS,” ang sabi ng isang report mula sa National Institute on Drug Abuse.
Napipinsala ng mga humihithit ng tabako ang iba. Kahit kaunti lang ang nalalanghap nating usok ng sigarilyo, may masamang epekto pa rin ito. Ang mga hindi naninigarilyo pero nakalalanghap ng secondhand smoke ay mga 30 porsiyentong mas nanganganib magkaroon ng kanser sa baga at sakit sa puso. Nitong nakalipas na mga taon, natuklasan ng mga doktor ang isa pang panganib na tinatawag nilang third-hand smoke. Tumutukoy ito sa mga kemikal na naiiwan ng usok ng sigarilyo sa mga damit, karpet, at iba pa. Ang nakalalasong mga kemikal na ito ay nakapipinsala lalo na sa kalusugan ng mga bata at nakapagpapahina sa kakayahan nilang matuto.
Nakakaadik ang tabako. Nagiging alipin ng tabako ang gumagamit nito. Sa katunayan, naniniwala ang mga mananaliksik na ang pagkaadik sa nikotina, pangunahing kemikal ng tabako, ay isa sa pinakamahirap alising bisyo.
Paano nauugnay sa mga iyan ang mga simulain sa Bibliya? Pansinin:
Gusto ng Diyos na igalang natin ang buhay. Sa Kautusan ng Diyos sa Israel, ipinahiwatig niya na ang mga gustong magpalugod sa kaniya ay dapat gumalang sa buhay. (Deuteronomio 5:17) Ang mga Israelita ay kailangang maglagay ng halang sa bubong ng bahay nila. Bakit? Ang kanilang mga bubong ay lapád at doon nila ginagawa ang ilan nilang gawain. Ang halang ay proteksiyon ng pamilya at ng iba para hindi sila mahulog. (Deuteronomio 22:8) Kailangan ding tiyakin ng mga Israelita na hindi makapipinsala sa iba ang kanilang mga hayop. (Exodo 21:28, 29) Nilalabag ng isang gumagamit ng tabako ang mga simulaing nasa likod ng mga utos na iyan. Kusa niyang pinipinsala ang kaniyang kalusugan. Isinasapanganib din niya ang kalusugan ng mga nakapaligid sa kaniya.
Inaasahan ng Diyos na iibigin natin siya at ang ating kapuwa. Sinabi ni Jesu-Kristo na dapat sundin ng kaniyang mga tagasunod ang dalawang pinakadakilang utos—ibigin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas at ibigin ang kapuwa gaya ng kanilang sarili. (Marcos 12:28-31) Yamang regalo ng Diyos ang buhay, ang isang gumagamit ng tabako ay hindi gumagalang sa regalong iyan at hindi rin umiibig sa Diyos. (Gawa 17:26-28) Ang bisyo ng taong iyon ay nakapipinsala nang malaki sa iba kaya hindi niya masasabing iniibig niya ang kaniyang kapuwa.
Hinihiling ng Diyos na iwasan natin ang maruruming gawain. Sinasabi ng Bibliya sa mga Kristiyano na dapat nilang linisin ang kanilang sarili mula sa “bawat karungisan ng laman at espiritu.” (2 Corinto 7:1) Pinarurumi ng tabako ang isang tao. Ang mga gustong huminto sa paggamit nito para paluguran ang Diyos ay napapaharap sa mahirap na hamon. Pero sa tulong ng Diyos, makalalaya sila sa nakapagpaparuming bisyong ito.