Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mapaniniwalaan Mo ba ang mga Himalang Nakaulat sa Bibliya?

Mapaniniwalaan Mo ba ang mga Himalang Nakaulat sa Bibliya?

KAPAG may nagkuwento sa iyo ng isang kamangha-manghang istorya, hindi ba’t nakadepende sa kredibilidad ng nagkukuwento kung paniniwalaan mo ito o hindi? Bukod sa paraan niya ng pagkukuwento, mahalaga rin ang kaniyang rekord ng katapatan. Kung lagi siyang nagsasabi sa iyo ng totoo, natural lang na paniwalaan mo ang sinasabi niya.

Ganiyan din ang mga himala sa Bibliya. Wala ni isa man sa atin ang nakakita sa mga pangyayaring iyon. Pero puwede nating tiyakin kung totoo ang ulat ng Bibliya. Paano? Narito ang ilang bagay na makadaragdag sa kredibilidad ng mga ulat ng Bibliya tungkol sa mga himala.

Ginawa sa pampublikong lugar. May mga pagkakataong nasaksihan ito ng libu-libo, kung hindi man ng milyun-milyon. (Exodo 14:21-31; 19:16-19) Ang mga ito ay hindi ginawa nang palihim.

Simple lang ang mga ito. Walang espesyal na props o effects. Karamihan ng mga himala sa Bibliya ay isinagawa dahil hinihingi ng pagkakataon at hinihiling ng mga indibiduwal. (Marcos 5:25-29; Lucas 7:11-16) Sa mga pagkakataong iyon, ang mga pangyayari ay hindi maaaring dayain ng nagsasagawa ng himala.

Ang motibo ng nagsasagawa ng himala ay hindi para magpayaman at maging tanyag. Sa halip, ito ay para luwalhatiin ang Diyos. (Juan 11:1-4, 15, 40) Ang sinumang gumagamit ng kaniyang kakayahang maghimala para magpayaman ay hinahatulan.​—2 Hari 5:15, 16, 20, 25-27; Gawa 8:18-23.

Ang iba’t ibang uri ng himala sa Bibliya ay nagpapahiwatig na hindi ito gawa lang ng tao. Narito ang ilang halimbawa: pagpapakalma sa dagat at hangin, paggawang alak sa tubig, pagpapahinto sa ulan at pagpapaulan, pagpapagaling sa maysakit, at pagpapanauli sa paningin ng mga bulag. Ang lahat ng himalang iyan at maraming iba pa ay nagpapakitang isang nakahihigit na kapangyarihan ang nasa likod ng mga ito.​—1 Hari 17:1-7; 18:41-45; Mateo 8:24-27; Lucas 17:11-19; Juan 2:1-11; 9:1-7.

Hindi ikinaila ng mga salansang na nakakita ng mga himala na nangyari nga ang mga iyon. Nang buhaying muli ni Jesus ang kaniyang kaibigang si Lazaro, hindi ikinaila ng mga relihiyosong kaaway ni Jesus na namatay nga si Lazaro. Bakit? Apat na araw na kasing nakalibing si Lazaro. (Juan 11:45-48; 12:9-11) Kahit ilang siglo na ang nakalipas mula nang mamatay si Jesus, kinilala pa rin ng mga manunulat ng Judiong Talmud na si Jesus ay may kapangyarihang maghimala. Ang kinuwestiyon lang nila ay ang pinagmulan ng kapangyarihang iyon. Sa katulad na paraan, nang dalhin sa hukuman ng mga Judio ang mga alagad ni Jesus, hindi sila tinanong ng “Gumawa ba kayo ng himala?” Sa halip, tinanong sila: “Sa anong kapangyarihan o sa kaninong pangalan ninyo ginawa ito?”​—Gawa 4:1-13.

Kung gayon, mapaniniwalaan mo ba ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga himala? Mula sa ating natalakay, maliwanag na may kredibilidad nga ang mga ulat ng Bibliya tungkol sa himala. May iba pang dahilan para magtiwala tayo sa mga ulat na ito ng Bibliya. Halimbawa, kapag naglalahad ang Bibliya ng isang pangyayari, kadalasan nang binabanggit nito ang panahon, lugar, at mga pangalan ng mga taong nasasangkot. Maging ang mga kritiko ng Bibliya ay namangha sa katumpakan ng mga detalye ng kasaysayang mababasa sa Bibliya. Daan-daang hula sa Bibliya ang natupad, pati na ang kaliit-liitang detalye nito. Bukod diyan, napakaraming payo ang Bibliya para magkaroon ng masayang ugnayan ang mga tao​—mga payong nakatulong sa kanila anuman ang edad nila at kalagayan sa buhay. Pagdating sa ugnayan ng tao, wala nang hihigit pa sa mga payo ng Bibliya.

Kung hindi ka pa rin lubos na nagtitiwala sa Bibliya, bakit hindi ka maglaan ng panahon para suriin itong mabuti? Habang nagiging pamilyar ka sa Bibliya, lalo kang magtitiwala rito. (Juan 17:17) Makukumbinsi kang dapat pagtiwalaan ang sinasabi nito tungkol sa mga himalang nangyari noon. Kapag naniniwala ka na sa mga ulat na ito, titibay ang iyong pagtitiwala sa sinasabi ng Bibliya na mangyayari sa malapit na hinaharap.

[Larawan sa pahina 7]

Hindi ikinaila ng mga sumasalansang kay Jesus na namatay nga si Lazaro