Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

May Himala Nga Ba?—Tatlong Karaniwang Pagtutol

May Himala Nga Ba?—Tatlong Karaniwang Pagtutol

PAGTUTOL 1: Imposible ang mga himala dahil nilalabag nito ang batas ng kalikasan. Ang pagkaunawa natin sa mga batas ng kalikasan ay batay sa naoobserbahan ng mga siyentipiko na mga nangyayari sa ating paligid. Pero ang mga batas na iyon ay katulad din ng mga tuntunin sa gramatika ng isang wika​—maaaring may ilang eksepsiyon sa tuntunin. Sa katunayan, ang pagkaunawa natin sa mga batas na ito ng kalikasan ay baka napakalimitado lang. (Job 38:4) Maaaring buong-buhay na pinag-aralan ng isang siyentipiko ang isang batas ng kalikasan. Pero dahil lang sa isang “eksepsiyon,” kailangan niyang pag-aralan ulit iyon. Ayon nga sa isang kasabihan, “Sapat na ang isang itim na swan para pabulaanan ang teoriya na lahat ng swan ay puti.”

Isang nakatatawang kuwento ang nagpapakita kung gaano kadaling maibatay ang isang opinyon sa di-kumpletong impormasyon. Ikinuwento ni John Locke (1632-1704) ang tungkol sa embahador na Olandes at sa hari ng Siam: Habang inilalarawan ng embahador ang kaniyang bansang Holland sa hari, nabanggit niyang may mga pagkakataong nakalalakad sa tubig ang isang elepante. Hindi makapaniwala ang hari at inisip niyang nagsisinungaling ang embahador. Hindi kasi siya pamilyar sa inilalarawan ng embahador. Hindi naisip ng hari na kapag nagyelo ang tubig, puwedeng makalakad dito ang isang elepante. Hindi naging kapani-paniwala sa hari ang ideyang iyon dahil hindi niya alam ang lahat ng impormasyon.

Tingnan natin ang ilang halimbawa na itinuturing na imposible noong nakalipas na mga dekada:

● Isang eroplanong may mahigit 800 pasahero ang nakalilipad mula New York hanggang Singapore sa bilis na 900 kilometro bawat oras.

● Sa pamamagitan ng video conference, nakikita ng mga taong nasa iba’t ibang kontinente ang kanilang kausap.

● Libu-libong awit ang puwedeng ilagay sa isang gadyet na mas maliit pa sa kahon ng posporo.

● Naita-transplant ng mga siruhano ang puso at iba pang bahagi ng katawan.

Ano ngayon ang ating konklusyon? Kung kayang gawin ng mga tao ang mga bagay na waring imposible noon, tiyak na kayang gawin ng Diyos, na lumalang ng uniberso at ng lahat ng naroroon, ang kamangha-manghang mga bagay na hindi natin lubusang nauunawaan o hindi natin magagaya sa ngayon. *​—Genesis 18:14; Mateo 19:26.

PAGTUTOL 2: Ginagamit ng Bibliya ang mga himala para mapaniwala ang mga tao. Hindi sinasabi ng Bibliya na maniwala tayo sa lahat ng himala. Sa katunayan, nagbababala ito sa atin na huwag basta-basta maniwala sa mga himala at makapangyarihang mga tanda: “Ang pagdating ng suwail ay ayon sa gawain ni Satanas na mahahayag sa lahat ng uri ng panlilinlang at mga himala, mga tanda at kababalaghan, gayon din sa lahat ng uri ng kasamaan na lumilinlang.”​—2 Tesalonica 2:9, 10, Ang Biblia​—Bagong Salin sa Pilipino.

Nagbabala rin si Jesu-Kristo na marami ang mag-aangking sumusunod sa kaniya pero hindi niya magiging tunay na mga tagasunod. May magsasabi pa nga sa kaniya: “Panginoon, Panginoon, hindi ba kami nanghula sa pangalan mo, at sa pangalan mo ay nagpalayas ng mga demonyo at nagsagawa ng maraming himala?” (Mateo 7:22, New International Version) Pero sinabi ni Jesus na hindi niya tatanggapin ang mga taong iyon bilang kaniyang mga tagasunod. (Mateo 7:23) Kung gayon, maliwanag na itinuro ni Jesus na hindi lahat ng himala ay galing sa Diyos.

Hindi sinasabi ng Diyos sa kaniyang mga mananamba na ibatay lang nila sa mga himala ang kanilang pananampalataya. Sa halip, dapat din nila itong matibay na isalig sa mga katotohanan.​—Hebreo 11:1.

Halimbawa, tingnan natin ang isa sa mga kilaláng himala sa Bibliya, ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. Ilang taon pagkatapos nito, kinuwestiyon ng ilang Kristiyano sa Corinto kung binuhay ngang muli si Jesus. Paano tinulungan ni apostol Pablo ang mga Kristiyanong iyon? Basta lang ba niya sinabing “Dagdagan ninyo ang inyong pananampalataya”? Hindi. Pansinin kung paano niya ipinaalaala sa kanila ang mga pangyayari. Sinabi niyang si Jesus ay ‘inilibing, oo, ibinangon siya nang ikatlong araw ayon sa Kasulatan; at nagpakita siya kay Cefas, pagkatapos ay sa labindalawa. Pagkatapos nito ay nagpakita siya sa mahigit limang daang kapatid sa iisang pagkakataon, na ang karamihan sa mga ito ay nananatili hanggang sa kasalukuyan.’​—1 Corinto 15:4-8.

Mahalaga ba kung pinaniniwalaan ng mga Kristiyanong iyon ang himalang iyan? Sinabi pa ni Pablo: “Kung hindi ibinangon si Kristo, ang aming pangangaral ay tiyak na walang kabuluhan, at ang ating pananampalataya ay walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:14) Seryosong bagay iyan para kay Pablo. Alam ni Pablo na totoo ang pagkabuhay-muli ni Jesus dahil sa kuwento ng daan-daang saksi na nabubuhay pa noon. Sa katunayan, handang mamatay ang mga saksing iyon sa halip na ikaila ang nakita nila.​—1 Corinto 15:17-19.

PAGTUTOL 3: Ang mga himala ay likas na mga pangyayari na hindi lang nauunawaan ng mga walang pinag-aralan. Sinisikap ng ilang iskolar na ipaliwanag na ang mga himala sa Bibliya ay likas na mga pangyayari lang at hindi gawa ng Diyos. Iniisip nilang sa ganitong paraan, mas magiging kapani-paniwala ang mga ulat sa Bibliya. Bagaman totoong may kaugnayan sa mga himala ang ilang likas na pangyayari​—gaya ng lindol, salot, at pagguho ng lupa​—pare-pareho nilang hindi isinaalang-alang ang isang bagay. Binale-wala nila kung kailan eksaktong nangyari ang himala gaya ng paliwanag sa Kasulatan.

Halimbawa, may nangangatuwiran na ang unang salot na naganap sa Ehipto, kung saan naging dugo ang Ilog Nilo, ay dahil sa pulang lupang naanod sa Nilo, kasama na ang mamula-mulang mga organismong tinatawag na flagellate. Pero sinasabi ng ulat sa Bibliya na ang ilog ay naging dugo, hindi mapulang putik. Kung babasahing mabuti ang Exodo 7:14-21, makikitang ang himalang ito ay nangyari noong hampasin ni Aaron ng kaniyang tungkod ang Ilog Nilo bilang pagsunod sa utos ni Moises. Kahit sabihin pang ang pagbabagong nangyari sa ilog ay dahil sa likas na pangyayari, hindi ba’t ang pagbabago nito na eksaktong naganap noong hampasin ni Aaron ay isa na mismong himala?

Ang isa pang halimbawa nito ay noong malapit nang pumasok sa Lupang Pangako ang bansang Israel. Hindi sila makatawid sa Ilog Jordan dahil umaapaw ito. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Nang sandaling ang mga tagapagdala ng Kaban ay makarating hanggang sa Jordan at ang mga paa ng mga saserdoteng nagdadala ng Kaban ay malubog sa gilid ng tubig . . . , ang tubig na bumababa mula sa itaas ay nagsimulang tumigil. Iyon ay natipon na gaya ng isang prinsa na napakalayo, doon sa Adan.” (Josue 3:15, 16) Ito ba’y dahil sa lindol o sa pagguho ng lupa? Walang sinasabi ang ulat. Pero ang eksaktong pagkakataon kung kailan ito nangyari ay isang himala. Eksaktong nangyari iyon gaya ng sinabi ni Jehova kung kailan iyon mangyayari.​—Josue 3:7, 8, 13.

Kaya ang tanong, may mga himala nga ba? Sinasabi ng Bibliya na mayroon nga. Sinasabi rin nito na ang mga iyon ay hindi mga likas na pangyayari lamang. Kung gayon, makatuwiran bang sabihin na imposible ang mga himala dahil lang sa hindi iyon nangyayari araw-araw?

[Talababa]

^ par. 9 Kung nag-aalinlangan kang may Diyos, tingnan ang brosyur na Talaga Bang Minamahal Tayo ng Diyos? at Saan Nagmula ang Buhay? (inilalathala ng mga Saksi ni Jehova) o magtanong sa nagbigay sa iyo ng magasing ito para sa higit pang impormasyon.

[Larawan sa pahina 5]

Sa nakalipas na ilang dekada, hindi man lang sumagi sa isip ng marami na makapaglalakbay ang mga tao sa himpapawid nang daan-daang kilometro bawat oras