Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Ano ang Mangyayari sa Araw ng Paghuhukom?

Ano ang Mangyayari sa Araw ng Paghuhukom?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Ano ang Araw ng Paghuhukom?

Gaya ng makikita sa larawan sa kanan, marami ang nag-iisip na sa Araw ng Paghuhukom, bilyun-bilyong kaluluwa ang haharap sa trono ng Diyos para hatulan ayon sa kanilang mga ginawa. Ang ilan ay gagantimpalaan ng buhay sa langit, ang ilan naman ay pahihirapan sa impiyerno. Gayunman, ipinakikita ng Bibliya na ang layunin ng Araw ng Paghuhukom ay para sagipin ang mga tao mula sa kawalang-katarungan. (Awit 96:13) Inatasan ng Diyos si Jesus para maging Hukom na magsasauli ng katarungan sa sangkatauhan.​—Basahin ang Isaias 11:1-5; Gawa 17:31.

2. Paano isasauli ang katarungan sa Araw ng Paghuhukom?

Nang magrebelde sa Diyos ang unang taong si Adan, ang lahat ng kaniyang supling ay naging alipin ng kasalanan, pagdurusa, at kamatayan. (Roma 5:12) Para maituwid ang kawalang-katarungang iyan, bubuhaying muli ni Jesus ang bilyun-bilyong namatay. Ipinakikita sa aklat ng Apocalipsis na mangyayari iyan sa sanlibong-taóng paghahari ni Kristo Jesus.​—Basahin ang Apocalipsis 20:4, 11, 12.

Ang mga bubuhaying muli ay hahatulan, hindi ayon sa ginawa nila bago sila mamatay, kundi ayon sa gagawin nila kapag isiniwalat na ang nilalaman ng “mga balumbon” na binabanggit sa Apocalipsis kabanata 20. (Roma 6:7) Kabilang sa mga bubuhaying muli at bibigyan ng pagkakataong matuto tungkol sa Diyos ay ‘kapuwa ang mga matuwid at di-matuwid,’ ang sabi ni apostol Pablo.​—Basahin ang Gawa 24:15.

3. Ano ang isasakatuparan sa Araw ng Paghuhukom?

Ang mga namatay na hindi kailanman nakakilala sa Diyos na Jehova at nakapaglingkod sa kaniya ay magkakaroon ng pagkakataong magbago at gumawa ng mabuti. Kung magbabago sila at gagawa ng mabuti, ang kanilang pagkabuhay-muli ay magiging “pagkabuhay-muli sa buhay.” Pero may mga bubuhaying muli na hindi kikilala kay Jehova. Ang kanilang pagkabuhay-muli naman ay magiging “pagkabuhay-muli sa paghatol.”​—Basahin ang Juan 5:28, 29; Isaias 26:10; 65:20.

Pagdating ng katapusan ng sanlibong-taóng Araw ng Paghuhukom, naisauli na ni Jehova ang masunuring mga tao sa orihinal nitong perpektong kalagayan. (1 Corinto 15:24-28) Isa ngang kamangha-manghang pag-asa para sa lahat ng masunurin! Sa huling pagsubok, pakakawalan ng Diyos si Satanas na Diyablo na ikinulong sa kalaliman sa loob ng isang libong taon. Sisikaping muli ni Satanas na dayain ang mga tao para italikod kay Jehova, pero ang mga hindi magpapadaya ay mabubuhay nang walang hanggan sa lupa.​—Basahin ang Isaias 25:8; Apocalipsis 20:7-9.

4. Anong iba pang araw ng paghuhukom ang magdudulot ng pakinabang sa mga tao?

Ginagamit din ng Bibliya ang pananalitang “araw ng paghuhukom” para tumukoy sa pangyayaring tatapos sa kasalukuyang sistema ng mga bagay. Ang araw na ito ng paghuhukom ay darating nang biglaan gaya ng Baha noong panahon ni Noe, na lumipol sa isang masamang henerasyon. Nakatutuwang malaman na ang nalalapít na pagpuksa sa “mga taong di-makadiyos” ay magbibigay-daan sa isang bagong lipunan ng tao sa lupa kung saan “tatahan ang katuwiran.”​—Basahin ang 2 Pedro 3:6, 7, 13.