Bakit Nagpapatuloy ang Katiwalian?
“Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala.”—ECLESIASTES 8:9.
TAMANG-TAMA ang pangungusap na iyan para ilarawan ang kasaysayan ng pamamahala ng tao, na dahilan ng napakaraming pagdurusa at paghihirap. Sa buong kasaysayan, ang mga taong nagsisikap magtatag ng isang mas patas na lipunan ay laging nabibigo dahil sa kasakiman at katiwalian. Bakit nga ba? Bakit nagpapatuloy ang katiwalian? Ito ay pangunahin nang dahil sa tatlong masasamang impluwensiya.
1. Impluwensiya ng kasalanan.
Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na tayong lahat ay ‘nasa ilalim ng kasalanan.’ (Roma 3:9) Gaya ng isang namamanang sakit na wala nang lunas, ang kasalanan ay “nananahanan,” o “tumatahan,” sa atin. Sa loob ng libu-libong taon, ang kasalanan ay “namahala” sa mga tao bilang hari. Patuloy pa rin tayong kinokontrol ng “kautusan” nito. Dahil makasalanan, inuuna ng marami ang sarili nilang kapakanan at ang pagkakaroon ng materyal na mga bagay o awtoridad, kahit na mapahamak ang iba.—Roma 5:21; 7:17, 20, 23, 25.
2. Impluwensiya ng masamang daigdig na ito.
Karamihan ng tao sa ating daigdig ay sakim at makasarili. Kaya naman nahihirapan ang ilan na maging iba. Dahil sa ambisyon, nagiging uhaw sila sa kapangyarihan. Gustung-gusto rin nilang magkamal ng maraming pera at ari-arian. Nakalulungkot, handa silang mandaya makamit lang ang mga iyon. Sa halip na labanan ang masasamang impluwensiya, ang gayong mga tao ay ‘sumusunod sa karamihan ukol sa masasamang pakay.’—Exodo 23:2.
3. Impluwensiya ni Satanas na Diyablo.
Si Satanas, isang rebelyosong espiritung nilalang, ay “nagliligaw sa buong tinatahanang lupa.” (Apocalipsis 12:9) Tuwang-tuwa siya kapag napapasunod niya ang mga tao. Sinasamantala niya ang likas na hangarin ng isang tao na magkaroon ng maalwang buhay hanggang sa mandaya ito.
Nangangahulugan ba iyan na para lang tayong mga robot na sunud-sunuran kay Satanas? Tatalakayin natin ang sagot sa susunod na artikulo.