Tularan ang Kanilang Pananampalataya
“Isang Mahusay na Babae”
SI Ruth ay nakaluhod malapit sa bunton ng mga tangkay ng sebada na natipon niya sa araw na iyon. Kumakagat na ang dilim sa kabukiran ng Betlehem, at maraming trabahador ang umaahon na patungong pintuang-daan ng maliit na lunsod na nasa tuktok ng kabundukan. Dahil sa maghapong pagtatrabaho, tiyak na pagód na pagód si Ruth. Gayunman, patuloy pa rin siya sa paghampas sa mga tangkay gamit ang maliit na tungkod o panlugas para matanggal ang mga butil. Pagód man, naging maganda pa rin ang araw na iyon para kay Ruth.
Bubuti na kaya ang kalagayan ng biyudang si Ruth? Ipinasiya niyang sumama sa biyenan niyang si Noemi, anupat nangakong hindi niya ito iiwan at magiging Diyos din niya ang Diyos nito na si Jehova. Mula sa Moab, magkasamang pumunta sa Betlehem ang nagdadalamhating magbiyenang ito. Di-nagtagal, nalaman ng Moabitang si Ruth na ang Kautusan ni Jehova ay may praktikal at makonsiderasyong mga probisyon para sa mahihirap sa Israel, pati na sa mga banyaga. * Nakita rin niya na ang ilan sa bayan ni Jehova—na namumuhay sa ilalim ng Kautusan at sinanay ayon dito—ay makadiyos at mabait, anupat naibsan ang kirot sa kaniyang kalooban.
Isa na rito si Boaz, ang mayaman at may-edad nang lalaki na may-ari ng bukid na pinaghihimalayan ni Ruth. Nang araw na iyon, nagpakita si Boaz ng malasakit sa kaniya na tulad ng isang ama. Napapangiti si Ruth kapag naaalaala niya ang mga papuri ni Boaz dahil sa pangangalaga niya sa matanda nang si Noemi at sa pasiya niyang manganlong sa tunay na Diyos, si Jehova.—Ruth 2:11-13.
Pero posibleng iniisip pa rin ni Ruth kung ano ang magiging buhay niya. Bilang isang mahirap na banyaga na walang asawa’t anak, paano niya itataguyod ang kaniyang sarili at si Noemi? Sapat na kaya ang paghihimalay? At sino ang mag-aalaga sa kaniya kapag matanda na siya? Natural lang na ang mga ito ang gumugulo sa isip niya. Sa ngayon, ganiyan din ang ikinababahala ng marami dahil sa hirap ng buhay. Marami tayong matutularan kay Ruth habang tinatalakay natin kung paano siya natulungan ng kaniyang pananampalataya na malampasan ang gayong mga hamon.
Ano ang Maituturing na Isang Pamilya?
Matapos hampasin ni Ruth ang mga tangkay at tipunin ang mga butil, nakita niyang nakapaghimalay siya ng mga isang takal na epa, o 22 litro, ng sebada. Posibleng mga 14 na kilo ito! Maaaring ibinalot niya ito sa isang tela at saka sinunong. Pagkatapos, umuwi na siya sa Betlehem nang papalubog na ang araw.—Ruth 2:17.
Natuwa si Noemi nang dumating na ang kaniyang mahal na manugang, at marahil ay nagulat siya nang makita niya ang mabigat na sebadang sunong nito. May dala rin itong tiráng pagkain mula sa pananghaliang ibinigay ni Boaz sa mga trabahador, at pinagsaluhan nila iyon. Nagtanong si Noemi: “Saan ka naghimalay ngayon, at saan ka gumawa? Pagpalain nawa ang isa na nagbigay-pansin sa iyo.” (Ruth 2:19) Nang makita niya ang mabigat na dala ni Ruth, alam niya agad na may nagmagandang-loob sa kaniyang manugang.
Nagkuwentuhan ang dalawa, at sinabi ni Ruth kay Noemi ang tungkol sa kabaitan ni Boaz. Kaya sinabi ni Noemi: “Pagpalain siya ni Jehova, na hindi nagpabaya ng kaniyang maibiging-kabaitan sa buháy at sa patay.” (Ruth 2:19, 20) Itinuring niyang ang kabaitan ni Boaz ay galing kay Jehova, na nagpapakilos sa Kaniyang mga lingkod na maging bukas-palad at nangangakong gagantimpalaan ang Kaniyang bayan sa pagpapakita nito ng kabaitan. *—Kawikaan 19:17.
Hinimok ni Noemi si Ruth na tanggapin ang alok ni Boaz na patuloy na maghimalay sa bukid nito at huwag lalayo sa mga kabataang babae ng sambahayan nito para hindi siya guluhin ng mga mang-aani. Sumunod si Ruth sa payong iyan. At “patuloy siyang nanahanang kasama ng kaniyang biyenan.” (Ruth 2:22, 23) Sa pananalitang iyan, minsan pa nating nakita ang pambihirang katangian ni Ruth—matapat na pag-ibig. Mapakikilos tayo ng kaniyang halimbawa na suriin ang ating sarili kung pinahahalagahan natin ang bigkis ng pamilya, anupat sinusuportahan at tinutulungan ang ating mga mahal sa buhay kung kailangan. Hinding-hindi babale-walain ni Jehova ang gayong matapat na pag-ibig.
Maituturing bang isang pamilya sina Noemi at Ruth? Sa ilang kultura, ang isang pamilya ay dapat na binubuo ng asawang lalaki, asawang babae, mga anak, lolo’t lola, at iba pa. Pero ipinaaalaala sa atin ng karanasan nina Noemi at Ruth na maaaring buksan ng mga lingkod ni Jehova ang kanilang puso at punuin ng pagmamahal at kabaitan kahit pa ang itinuturing na di-kumpletong pamilya. Pinahahalagahan mo ba ang iyong pamilya? Ipinaalaala ni Jesus sa kaniyang mga tagasunod na ang kongregasyong Kristiyano ay puwedeng maging pamilya ng sinumang wala nito.—Marcos 10:29, 30.
“Siya ay Isa sa Ating mga Manunubos”
Patuloy na naghimalay si Ruth sa bukid ni Boaz mula anihan ng sebada (mga Abril) hanggang anihan ng trigo (mga Hunyo). Sa paglipas ng mga linggo, tiyak na iniisip ni Noemi kung ano naman ang magagawa niya para sa kaniyang mahal na manugang. Noong nasa Moab pa sila, inisip ni Noemi na hindi na niya matutulungan si Ruth na makahanap ng mapapangasawa. (Ruth 1:11-13) Pero ngayon, nagbago ang isip niya. Sinabi niya kay Ruth: “Anak ko, hindi ba dapat kitang ihanap ng isang pahingahang-dako?” (Ruth 3:1) Kaugalian noon na ang mga magulang ang naghahanap ng mapapangasawa ng kanilang anak, at si Ruth ay itinuring na ni Noemi na isang tunay na anak. Gusto niyang ihanap si Ruth ng “isang pahingahang-dako”—ang kapanatagan at proteksiyon na maibibigay ng isang asawa at ng tahanan. Pero ano ang puwedeng gawin ni Noemi?
Nang unang banggitin ni Ruth si Boaz, sinabi ni Noemi: “Ang lalaking iyon ay kamag-anak natin. Siya ay isa sa ating mga manunubos.” (Ruth 2:20) Ano ang ibig sabihin niyan? Ang Kautusan ng Diyos sa Israel ay may maibiging mga paglalaan para sa pamilyang nagdurusa dahil sa karalitaan o pagkamatay ng mahal sa buhay. Kapag ang isang babae ay nabiyuda nang walang anak, siya ay manlulumo dahil wala nang magmamana ng pangalan ng asawa niya at wala na itong magiging inapo. Pero ayon sa Kautusan ng Diyos, puwede siyang kuning asawa ng kaniyang bayaw para magkaanak siya na magpapatuloy sa pangalan ng namatay niyang asawa at mangangalaga sa kabuhayan ng pamilya. *—Deuteronomio 25:5-7.
Ipinaliwanag ni Noemi ang kaniyang plano. Maguguniguni natin ang nanlalaking mga mata ni Ruth habang nakikinig siya sa kaniyang biyenan. Malamang na wala pang gaanong alam si Ruth sa Kautusan ng Israel, at naninibago pa siya sa mga kostumbre ng bansang iyon. Gayunman, dahil sa laki ng paggalang niya kay Noemi, pinakinggan niyang mabuti ang sinasabi nito. Bagaman waring nakaaasiwa o nakahihiya pa nga ang ipinayo ni Noemi, mapagpakumbabang sinabi ni Ruth: “Ang lahat ng sinasabi mo sa akin ay gagawin ko.”—Ruth 3:5.
Kung minsan, nahihirapan ang mga kabataan na sumunod sa payo ng mga nakatatanda at mas makaranasan. Madaling isipin na hindi naiintindihan ng mga nakatatanda ang mga hamon at problema na kinakaharap ng mga kabataan. Ipinaaalaala sa atin ng kapakumbabaan ni Ruth na ang pakikinig sa payo ng mga nakatatandang nagmamahal at nagmamalasakit sa atin ay kapaki-pakinabang. Pero ano ba ang payo ni Noemi, at talaga bang nakinabang si Ruth nang sundin niya ito?
Si Ruth sa Giikan
Nang gabing iyon, pumunta si Ruth sa giikan—isang patag na lugar na pikpik ang lupa
kung saan dinadala ng mga magsasaka ang kanilang mga butil para giikin at tahipin. Ang lugar na iyon ay karaniwan nang nasa isang dalisdis o taluktok ng burol, kung saan malakas ang hangin kapag hapon na o kumagat na ang dilim. Para ihiwalay ang butil mula sa ipa at dayami, ang mga trabahador ay gumagamit ng malalaking tinidor o pala upang isaboy sa hangin ang mga giniik na sebada. Tinatangay ng hangin ang ipa at bumabagsak naman sa lupa ang butil.Maingat na nagmasid si Ruth habang papatapos na ang trabaho nang gabing iyon. Si Boaz ang nangangasiwa sa pagtatahip ng kaniyang mga butil hanggang sa ito ay maging isang malaking bunton. Pagkakain, nahiga siya sa tabi ng bunton. Karaniwan na itong ginagawa para bantayan ang mga ani laban sa mga magnanakaw at mandarambong. Nakita ni Ruth na nahiga na si Boaz para matulog. Ito na ang tamang panahon para isagawa ang plano ni Noemi.
Dahan-dahang lumapit si Ruth kay Boaz. Kumakabog ang kaniyang dibdib. Nakita niyang mahimbing ang tulog ni Boaz. Kaya gaya ng sinabi ni Noemi, pumunta siya sa paanan ni Boaz, inalisan ng takip ang mga paa nito, at nahiga sa tabi ng mga iyon. Pagkatapos ay naghintay siya. Para kay Ruth, waring napakatagal lumipas ang bawat oras. Sa wakas, nang hatinggabi na, gumalaw si Boaz. Habang nanginginig sa ginaw, bumaluktot siya, malamang para takpan ulit ang kaniyang mga paa. Pero naramdaman niyang may nakahiga sa paanan niya. Sinasabi sa ulat: “Narito! may isang babaing nakahiga sa kaniyang paanan!”—Ruth 3:8.
“Sino ka?” ang tanong niya. Sumagot si Ruth, na marahil ay nanginginig ang boses: “Ako ay si Ruth na iyong aliping babae, at ilukob mo ang iyong laylayan sa iyong aliping babae, sapagkat ikaw ay isang manunubos.” (Ruth 3:9) May ilang nagpapahiwatig sa ngayon na ang ginawa at sinabi ni Ruth ay may seksuwal na kahulugan, pero binale-wala nila ang dalawang simpleng katotohanan. Una, ang ginawa ni Ruth ay ayon sa mga kaugalian noon, na ang karamihan ay hindi na ginagawa ngayon. Kaya magiging mali kung ihahambing sa pilipit na mga pamantayang moral sa ngayon ang kaniyang ginawa. Ikalawa, maliwanag na makikita sa tugon ni Boaz na itinuring niyang malinis at kapuri-puri ang iginawi ni Ruth.
Tiyak na nawala ang kaba ni Ruth nang marinig niya ang mahinahong tinig ni Boaz: “Pagpalain ka nawa ni Jehova, anak ko. Ipinamalas mo ang iyong maibiging-kabaitan nang higit sa huling pagkakataon kaysa sa unang pagkakataon, sa hindi pagsunod sa mga kabinataan, maralita man o mayaman.” (Ruth 3:10) Ang “unang pagkakataon” ay tumutukoy sa matapat na pag-ibig ni Ruth nang sumama siya kay Noemi pabalik sa Israel at pangalagaan ito. Ang “huling pagkakataon” ay ang ginawa ni Ruth. Sinabi ni Boaz na ang isang kabataang gaya ni Ruth ay karaniwan nang pipili ng mas batang mapapangasawa, mayaman man o mahirap. Sa halip, gusto niyang gumawa ng mabuti hindi lang kay Noemi, kundi pati na sa namatay nitong asawa para magpatuloy ang pangalan ng asawa nito sa kanilang sariling lupain. Hindi nga kataka-takang hangaan ni Boaz ang babaing ito.
Nagpatuloy si Boaz: “At ngayon, anak ko, huwag kang matakot. Ang lahat ng sinasabi mo ay gagawin ko para sa iyo, sapagkat ang lahat ng nasa pintuang-daan ng aking bayan ay nakababatid na ikaw ay isang mahusay na babae.” (Ruth 3:11) Gusto rin naman ni Boaz na maging asawa si Ruth; marahil ay hindi naman siya lubusang nabigla nang hilingin sa kaniya ni Ruth na maging manunubos nito. Pero si Boaz ay isang matuwid na tao, at hindi siya basta magpapadala sa sarili lang niyang kagustuhan. Sinabi niya kay Ruth na may isa pang manunubos na mas malapit na kamag-anak ng asawa ni Noemi; kakausapin muna ni Boaz ang lalaking iyon at ibibigay sa kaniya ang pagkakataong maging asawa ni Ruth.
Sinabi ni Boaz kay Ruth na mahiga ulit at magpahinga hanggang sa mag-umaga; pagkatapos, puwede na itong umuwi nang walang nakapapansin. Gusto niyang pangalagaan ang
reputasyon nilang dalawa, dahil baka isipin ng mga tao na may nangyari sa kanila. Nahiga ulit sa paanan ni Boaz si Ruth, na marahil ay mas panatag na ang kalooban. Habang madilim pa, pinunô ni Boaz ng sebada ang balabal ni Ruth. Pagkatapos, bumalik na si Ruth sa Betlehem.Tiyak na masayang-masaya si Ruth kapag naiisip niya ang sinabi ni Boaz—na siya’y kilala ng mga tao bilang “isang mahusay na babae”! Walang-alinlangang nagkaroon siya ng gayong reputasyon dahil sa pagsisikap niyang makilala si Jehova at maglingkod sa kaniya. Nagpakita rin siya ng kabaitan at pagmamalasakit kay Noemi at sa mga kababayan nito, anupat handa siyang makibagay sa paraan ng pamumuhay at mga kaugaliang di-pamilyar sa kaniya. Para matularan ang pananampalataya ni Ruth, sikapin nating magpakita ng matinding paggalang sa iba at sa kanilang paraan ng pamumuhay at mga kaugalian. Kung gagawin natin iyan, magkakaroon din tayo ng magandang reputasyon.
Isang Pahingahang-Dako Para kay Ruth
“Sino ka, anak ko?” Iyan ang itinanong ni Noemi kay Ruth pagdating nito. Marahil ay madilim pa noon kaya hindi niya agad nakilala si Ruth, pero gusto ring malaman ni Noemi kung ano ang nangyari. Ikinuwento naman agad ni Ruth sa kaniyang biyenan ang lahat ng nangyari. Ipinakita rin niya kay Noemi ang maraming sebadang ipinabibigay ni Boaz. *—Ruth 3:16, 17.
Hinimok ni Noemi si Ruth na manatili lang muna sa bahay at huwag maghimalay sa araw Ruth 3:18.
na iyon. Tiniyak niya kay Ruth: “Ang lalaki ay hindi magpapahinga malibang matapos niya ang bagay na ito ngayon.”—Tama ang nasa isip ni Noemi tungkol kay Boaz. Pumunta ito sa pintuang-daan ng lunsod, kung saan karaniwang nagtitipon ang matatandang lalaki, at naghintay hanggang sa dumaan ang lalaking mas malapit na kamag-anak ng asawa ni Noemi. Sa harap ng mga saksi, inialok ni Boaz sa lalaki ang pagkakataong maging manunubos. Pero tumanggi ang lalaki at sinabing maaapektuhan nito ang kaniyang sariling mana. Pagkatapos, sa harap ng mga saksing naroroon sa pintuang-daan ng lunsod, sinabi ni Boaz na siya ang magiging manunubos, anupat bibilhin niya ang pag-aari ng namatay nang asawa ni Noemi na si Elimelec, at kukunin niya bilang asawa si Ruth na biyuda ng anak ni Elimelec na si Mahalon. Sinabi ni Boaz na gagawin niya ito para “ibangon ang pangalan ng taong patay sa kaniyang mana.” (Ruth 4:1-10) Si Boaz ay isa ngang taong matuwid at hindi makasarili.
Naging asawa ni Boaz si Ruth. Pagkatapos nito, mababasa natin: “Ipinagkaloob ni Jehova na ito ay maglihi at nagsilang ito ng isang anak na lalaki.” Pinagpala ng mga babae sa Betlehem si Noemi at pinuri nila si Ruth dahil siya’y naging mas mabuti kay Noemi kaysa sa pitong anak na lalaki. Nang maglaon, ang anak ni Ruth ay naging ninuno ng dakilang si Haring David. (Ruth 4:11-22) At si David naman ay naging ninuno ni Jesu-Kristo.—Mateo 1:1. *
Talagang pinagpala si Ruth, gayundin si Noemi, na tumulong sa pagpapalaki sa bata na parang sarili niyang anak. Ang buhay ng dalawang babaing ito ay nagpapaalaala sa atin na napapansin ng Diyos na Jehova ang lahat ng mapagpakumbabang nagsisikap para itaguyod ang kanilang sarili at ang lahat ng tapat na naglilingkod sa kaniya kasama ng kaniyang bayan. Hinding-hindi niya kalilimutang gantimpalaan ang tapat na mga taong may mahusay na reputasyon sa harap niya, gaya ni Ruth.
^ par. 4 Tingnan ang artikulong “Tularan ang Kanilang Pananampalataya—‘Kung Saan Ka Paroroon ay Paroroon Ako,’” sa Ang Bantayan, isyu ng Hulyo 1, 2012.
^ par. 10 Gaya ng sinabi ni Noemi, si Jehova ay mabait hindi lang sa mga buháy, kundi maging sa mga patay. Si Noemi ay namatayan ng asawa’t dalawang anak. Namatayan naman si Ruth ng asawa. Tiyak na mahal na mahal nila ang tatlong lalaking iyon. Anumang kabaitang ipinakita kina Noemi at Ruth, sa diwa, ay kabaitan din sa mga lalaking iyon na ang tiyak na hangarin ay ang mapangalagaan sina Noemi at Ruth.
^ par. 15 Ang unang may karapatang kumuha sa isang biyuda para maging asawa ay ang mga kapatid ng namatay niyang asawa at pagkatapos ay ang pinakamalapit na kamag-anak nito, gaya ng sa karapatan sa mana.—Bilang 27:5-11.
^ par. 28 Binigyan ni Boaz si Ruth ng anim na takal ng sebada—marahil ay para ipahiwatig na kung paanong ang anim na araw na pagtatrabaho ay sinusundan ng isang pamamahingang Sabbath, ang pagtatrabaho ni Ruth bilang isang biyuda ay malapit nang sundan ng “pamamahinga” na mailalaan ng isang asawa at ng tahanan. Sa kabilang panig naman, anim na takal—marahil anim na pala—ng sebada lang ang maaaring kayang dalhin ni Ruth.
^ par. 31 Si Ruth ay isa sa limang babaing nasa listahan ng talaangkanan ni Jesus sa Bibliya. Ang isa pa ay si Rahab na ina ni Boaz. (Mateo 1:3, 5, 6, 16) Tulad ni Ruth, hindi siya Israelita.