Katiwalian—Gaano Ito Kalaganap?
“Ang kompanya namin ay nagbibigay ng mga serbisyo sa isang ahensiya ng lokal na pamahalaan. Karaniwan nang naghihintay pa kami nang dalawa o tatlong buwan bago kami mabayaran. Pero kamakailan, tinawagan ako ng isang empleado ng gobyerno. Sinabi niyang mapapabilis ang pagbabayad sa amin kung bibigyan namin siya ng kickback.”—JOHN. *
NABIKTIMA ka na ba ng katiwalian? Maaaring hindi naman iyon kagaya ng nabanggit sa itaas, pero malamang na naranasan mo na rin ang mga epekto ng katiwalian.
Ayon sa 2011 Corruption Perceptions Index * ng Transparency International (TI), “ang karamihan sa 183 bansa at teritoryong sinuri ay nakakuha ng iskor na wala pang lima sa scale na 0 (napakatiwali) hanggang 10 (napakatapat).” Dalawang taon bago nito, inamin ng TI na isinisiwalat ng kanilang 2009 taunang report kung gaano kalaganap ang katiwalian: “Maliwanag na saanmang sulok ng daigdig ay may katiwalian.”
“Ang katiwalian ay ang pag-abuso sa ipinagkatiwalang kapangyarihan para sa sariling kapakinabangan. Apektado nito ang sinuman na ang buhay, pinagkakakitaan, o kaligayahan ay nakadepende sa katapatan ng mga nasa kapangyarihan.”—TRANSPARENCY INTERNATIONAL
Sa ilang kaso, ang katiwalian ay nagdudulot ng kapahamakan. Halimbawa, inireport ng magasing Time na isinisisi rin sa “katiwalian at kapabayaan” ang napakaraming bilang ng namatay nang yanigin ng malakas na lindol ang Haiti noong 2010.
Idinagdag pa nito: “Ang mga gusali ay itinatayo nang hindi man lang halos ikinokonsulta sa mga inhinyero dahil nasusuhulan ang mga inspektor ng gobyerno.”Mawawala pa kaya ang katiwalian? Para masagot iyan, kailangan muna nating maunawaan ang pangunahing mga dahilan ng katiwalian. Isasaalang-alang natin ang mga ito sa susunod na artikulo.