Katiwalian—Mawawala Na!
“Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan . . . Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.”—AWIT 37:34.
GAYA ng marami, nangangamba ka rin bang hindi na kailanman mawawala ang katiwalian? Kung oo, natural lang iyan. Sa buong kasaysayan, nasubukan na ng mga tao ang lahat ng naiisip nilang uri ng gobyerno. Pero hindi pa rin mawala-wala ang katiwalian. Darating pa kaya ang panahon na lahat ng tao ay magiging tapat sa isa’t isa?
Nakatutuwa, oo ang sagot ng Bibliya! Sinasabi nito na malapit nang alisin ng Diyos ang katiwalian. Paano? Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, isang makalangit na gobyerno na lubusang babago sa lupa. Ito rin ang Kahariang itinuro ni Jesus na ipanalangin ng kaniyang mga tagasunod. Sa panalanging tinatawag ding Ama Namin o Panalangin ng Panginoon, sinabi ni Jesus: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang kalooban mo sa lupa.”—Mateo 6:10, King James Version.
Tungkol sa Tagapamahala ng Kahariang iyan, si Jesu-Kristo, inihula ng Bibliya: “Ililigtas niya ang dukha na humihingi ng Awit 72:12-14) Pansinin na may empatiya si Jesus sa mga biktima ng katiwalian, at kikilos siya laban sa pang-aapi! Hindi ba’t nakaaaliw iyan?
tulong, gayundin ang napipighati at ang sinumang walang katulong. Maaawa siya sa maralita at sa dukha, at ang mga kaluluwa ng mga dukha ay ililigtas niya. Tutubusin niya ang kanilang kaluluwa mula sa paniniil at mula sa karahasan.” (Sa pamamagitan ng mahabagin at makapangyarihang Tagapamahalang iyan, aalisin ng Kaharian ng Diyos ang katiwalian sa lupa. Paano? Aalisin muna nito ang tatlong dahilan ng katiwalian.
Impluwensiya ng Kasalanan
Sa ngayon, tayong lahat ay dapat makipaglaban sa makasalanang mga tendensiya, na nag-uudyok sa atin na maging makasarili. (Roma 7:21-23) Pero mayroon pa ring mga tao na gustong gawin kung ano ang tama. Nananampalataya sila sa halaga ng dugo ni Jesus bilang pantubos, at mapatatawad sila sa kanilang mga kasalanan. * (1 Juan 1:7, 9) Makikinabang sila sa pinakadakilang kapahayagan ng pag-ibig ng Diyos na mababasa natin sa Juan 3:16: “Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan anupat ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”
Para sa tapat na mga tao, ang Diyos ay gagawa ng isang kamangha-manghang bagay. Sa bagong sanlibutan, aalisin niya ang lahat ng bakas ng kasalanan, anupat unti-unting magiging perpekto at matuwid ang tapat na mga tao. (Isaias 26:9; 2 Pedro 3:13) Dahil wala na ang impluwensiya ng kasalanan, hindi na kailanman magiging tiwali ang sinuman. Sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang mga tao ay palalayain mula sa pagkaalipin sa katiwalian.
Impluwensiya ng Masamang Daigdig na Ito
Nakalulungkot, sinasadya ng marami sa ngayon na mambiktima ng kapuwa. Sinasamantala nila ang mga maralita at dukha, at iniimpluwensiyahan ang iba na maging tiwali rin. Ganito ang payo ng Bibliya sa gayong mga tao: “Iwan ng taong balakyot ang kaniyang lakad, at ng taong mapaminsala ang kaniyang mga kaisipan.” Kapag nagsisisi ang tiwaling mga tao, ipinangangako ng Bibliya na ang Diyos ay ‘magpapatawad nang sagana.’—Isaias 55:7.
Pero kung talagang ayaw nilang magbago, pupuksain sila ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kaharian ng Diyos, matutupad ang pangako ng Bibliya: “Umasa ka kay Jehova at ingatan mo ang kaniyang daan . . . Kapag nilipol ang mga balakyot, makikita mo iyon.” * (Awit 37:34) Kapag wala na ang gayong mga tao, ang tapat na mga mananamba ng Diyos ay hindi na mabibiktima ng katiwalian.
Impluwensiya ni Satanas na Diyablo
Ang pinakamakasalanan sa lahat ay si Satanas na Diyablo. Mabuti na lang, malapit na siyang hadlangan ni Jehova sa pang-iimpluwensiya sa mga tao. At sa bandang huli, lubusan nang pupuksain ng Diyos si Satanas. Hindi na siya kailanman makaiimpluwensiya sa mga tao na maging tiwali.
Ipagpalagay nang ang ideya na aalisin ng Diyos ang lahat ng sanhi ng katiwalian ay waring isang pangarap lang. Baka nga iniisip mo, ‘Talaga bang kayang gawin ng Diyos ang gayong mga pagbabago? Kung oo, bakit hindi pa niya ito ginagawa?’ Magagandang tanong iyan, at sinasagot iyan ng Bibliya. * Bakit hindi mo suriin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa hinaharap, kapag wala na ang lahat ng katiwalian?
^ par. 8 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa halaga ng kamatayan ni Jesus bilang pantubos, tingnan ang kabanata 5 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 12 Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.
^ par. 15 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 3, 8, at 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?