Tanong 3: Bakit Ako Hinahayaan ng Diyos na Magdusa?
ANG tatay ni Ian ay lasenggo. Bagaman maalwan ang buhay, kapos naman si Ian sa pagmamahal at suporta ng kaniyang ama. “Hindi ko siya minahal, siguro dahil na rin sa kaniyang paglalasing at pagtrato kay Inay,” ang sabi ni Ian. Nang magkaedad siya, sinimulan niyang kuwestiyunin ang pag-iral ng Diyos. “‘Kung talagang may Diyos,’ ang sabi ko, ‘bakit niya hinahayaang magdusa at mamatay ang mga tao?’”
Bakit ito itinatanong?
Kahit wala kang gaanong problema sa buhay, maaaring maapektuhan ka pa rin kapag nakikita mong nagdurusa ang inosenteng mga tao. Pero lalong nagiging mahalaga sa iyo ang tanong tungkol sa pagdurusa kung, tulad ni Ian, dumaranas ka rin ng pagdurusa o isang mahal mo sa buhay ang may sakit o namatay.
Ano ang sinasabi ng ilan?
Naniniwala ang ilan na pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa para subukin tayo at turuang maging mapagpakumbaba at maawain. Iniisip naman ng iba na nagdurusa ang mga tao dahil sa mga kasalanan nila sa nakaraan nilang buhay.
Ano ang ipinahihiwatig niyan?
Walang pakialam ang Diyos sa pagdurusa ng mga tao kaya mahirap siyang mahalin. Malupit ang Diyos.
Ano ang itinuturo ng Bibliya?
Malinaw na sinasabi ng Bibliya na hindi ang Diyos ang dapat sisihin sa pagdurusa ng mga tao. “Kapag nasa ilalim ng pagsubok, huwag sabihin ng sinuman: ‘Ako ay sinusubok ng Diyos.’ Sapagkat sa masasamang bagay ay hindi masusubok ang Diyos ni sinusubok man niya ang sinuman.” (Santiago 1:13) Ang totoo, ang ideya na ang Diyos ang dapat sisihin sa pagdurusa ay malayung-malayo sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga katangian ng Diyos. Paano?
Ang isa sa mga pangunahing katangian ng Diyos ay ang pag-ibig. (1 Juan 4:8) Para maidiin iyan, ang Diyos ay inilarawan ng Bibliya na may damdaming tulad ng sa isang nagpapasusong ina. “Malilimutan ba ng asawang babae ang kaniyang pasusuhin anupat hindi niya kahahabagan ang anak ng kaniyang tiyan?” ang tanong ng Diyos. “Maging ang mga babaing ito ay makalilimot, ngunit ako ay hindi makalilimot sa iyo.” (Isaias 49:15) Sasaktan ba ng isang mapagmahal na ina ang kaniyang sanggol? Siyempre hindi. Sa halip, sisikaping ibsan ng mapagmahal na magulang ang pagdurusa ng kaniyang anak. Sa katulad na paraan, hindi Diyos ang nagdudulot ng pagdurusa sa inosenteng mga tao.—Genesis 18:25.
Gayunman, nagdurusa pa rin ang inosenteng mga tao. Baka maitanong mo, ‘Kung ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin at makapangyarihan-sa-lahat, bakit hindi niya inaalis ang lahat ng dahilan ng pagdurusa?’
May mabubuting dahilan ang Diyos kung bakit niya hinahayaan sa ngayon ang pagdurusa. Isaalang-alang ang isang ito: Kadalasan nang ang mga tao ang nagdudulot ng pagdurusa sa iba. Maraming masasama at mapang-api ang ayaw magbago. Kaya para maalis ng Diyos ang isang pangunahing sanhi ng pagdurusa, kailangan niyang lipulin ang gayong mga tao.
Para ipaliwanag kung bakit hindi pa nililipol ng Diyos ang mga gumagawa ng masama, isinulat ni apostol Pedro: “Si Jehova ay hindi mabagal may kinalaman sa kaniyang pangako, gaya ng itinuturing ng ilang tao na kabagalan, kundi siya ay matiisin sa inyo sapagkat hindi niya nais na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Ang pagkamatiisin ng Diyos na Jehova ay nagpapakitang maibigin siya at maawain.
Pero malapit nang kumilos ang Diyos na Jehova. ‘Gagantihan niya ng kapighatian ang mga pumipighati’ sa mga inosente. Ang mga nagdudulot ng pagdurusa sa iba ay “daranas ng parusang hatol na walang-hanggang pagkapuksa.”—2 Tesalonica 1:6-9.
Nasumpungan ni Ian, binanggit sa simula, ang kasiya-siyang sagot sa kaniyang mga tanong tungkol sa pagdurusa. Nabago nito ang pangmalas niya sa buhay. Basahin ang kaniyang kuwento sa artikulong “Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay.”