Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay
PAANO nagkaroon ng tunay na layunin ang buhay ng isang babaing may napakagandang propesyon pero walang interes sa Diyos? Ano ang natutuhan ng isang Katoliko tungkol sa kamatayan na nagpabago sa kaniyang buhay? At ano ang natutuhan tungkol sa Diyos ng isang lalaking nawalan ng gana sa buhay, anupat napakilos siyang maging ministro? Basahin ang kanilang kuwento.
“Ang Tagal-tagal Ko Nang Pinag-iisipan, ‘Bakit Tayo Naririto?’”—ROSALIND JOHN
-
ISINILANG: 1963
-
BANSANG PINAGMULAN: BRITAIN
-
DATING MAY NAPAKAGANDANG PROPESYON
ANG AKING NAKARAAN:
Isinilang ako sa Croydon, South London, at pang-anim sa siyam na magkakapatid. Ang mga magulang ko ay taga-St. Vincent, isang isla sa Caribbean. Metodista si Inay. Wala akong interes na matuto tungkol sa Diyos, bagaman maraming bagay akong gustong malaman. Kapag bakasyon sa eskuwela, madalas akong pumupunta sa isang lawa sa aming lugar at nagbabasa ng mga aklat na hiniram ko sa library.
Mga ilang taon pagkatapos ng aking pag-aaral, nadama ko na gusto kong makatulong sa mga nangangailangan. Kaya pumasok ako sa isang trabahong tumutulong sa mga walang matirhan at may pisikal at mental na kapansanan. Pagkatapos, kumuha ako sa isang unibersidad ng kurso sa health science. Pagka-graduate ko, tumaas nang tumaas ang posisyon ko sa trabaho, at naging maluho rin ang istilo ng aking buhay. Bilang isang freelance management consultant at social researcher, laptop lang at Internet ang kailangan ko sa pagtatrabaho. Nagpupunta ako sa iba’t ibang bansa at nananatili roon nang dalawang linggo. Habang nasa paborito kong hotel, nagpapa-spa ako at nagwo-workout sa gym. Ang sarap ng buhay ko, pero lagi ko pa ring naiisip ang mga kapos-palad.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Ang tagal-tagal ko nang pinag-iisipan, ‘Bakit tayo naririto, at ano ang layunin ng buhay?’ Pero kahit kailan, hindi ko sinubukang hanapin sa Bibliya ang sagot. Isang araw noong 1999, dinalaw ako ng kapatid kong si Margaret, na isa nang Saksi ni Jehova. Kasama niya ang kaibigan niyang Saksi rin, na mabait sa akin. Nagulat ako sa sarili ko nang sumang-ayon akong makipag-aral ng Bibliya sa kaibigan ng kapatid ko. Pero mabagal ang naging pagsulong ko dahil nauubos ang oras ko sa aking propesyon at istilo ng buhay.
Noong tag-araw ng 2002, lumipat ako sa timog-kanluran ng England. Doon ay kumuha ako ng kurso sa social research para sa aking doctorate degree. Nagsimula na akong dumalo nang mas regular sa Kingdom Hall doon kasama ang anak kong lalaki. Bagaman kumukuha ako ng mataas na edukasyon, ang pag-aaral ko ng Bibliya ang mas nakakatulong sa akin na maunawaan ang mga problema sa buhay at ang solusyon sa mga ito. Napag-isip-isip kong totoo ang sinasabi sa Mateo 6:24 na hindi tayo makapaglilingkod sa dalawang panginoon. Kailangan tayong pumili—ang Diyos o ang kayamanan. Alam kong kailangan kong magdesisyon kung alin ang uunahin ko sa aking buhay.
Bago ang taóng 2002, madalas na akong sumasama sa grupo ng mga Saksi na nag-aaral ng Bibliya sa isang bahay, gamit ang aklat na Is There a Creator Who Cares About You? a Nakumbinsi ako na tanging ang ating Maylalang, si Jehova, ang makalulutas sa mga problema ng tao. Pero itinuturo sa amin sa unibersidad na hindi kailangang maniwala sa isang Maylalang para magkaroon ng makabuluhang buhay. Hindi ko iyon matanggap. Pagkalipas ng dalawang buwan, inihinto ko ang aking pag-aaral at naglaan ako ng mas maraming panahon para mapalapít sa Diyos.
Ang nakatulong sa akin na baguhin ang istilo ng aking buhay ay ang Kawikaan 3:5, 6: “Magtiwala ka kay Jehova nang iyong buong puso at huwag kang manalig sa iyong sariling pagkaunawa. Sa lahat ng iyong mga lakad ay isaalang-alang mo siya, at siya mismo ang magtutuwid ng iyong mga landas.” Ang natututuhan ko tungkol sa ating maibiging Diyos ay mas mahalaga kaysa sa anumang kayamanan at katayuan sa buhay na maibibigay ng doctorate degree. Habang natututo ako tungkol sa layunin ni Jehova para sa lupa at sa paghahandog ni Jesus ng kaniyang buhay, lalo kong nadarama na gusto kong ialay ang aking buhay sa ating Maylalang. Nabautismuhan ako noong Abril 2003. Pagkatapos, unti-unti kong pinasimple ang aking buhay.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Ang pakikipagkaibigan ko kay Jehova ay walang katumbas na halaga. Nakadama ako ng kapayapaan at kagalakan nang makilala ko siya. Masayang-masaya rin ako sa pakikisama sa iba pang tunay na mananamba ng Diyos.
Patuloy na nasasagot ng mga natututuhan ko sa Bibliya at sa mga Kristiyanong pagpupulong ang maraming bagay na gusto kong malaman. Masaya ako kapag sinasabi ko sa iba ang tungkol sa aking pananampalataya. Ito na ngayon ang itinuturing kong propesyon, kung saan talagang nakakatulong ako sa mga tao na magkaroon ng mas maayos na buhay sa ngayon at ng magandang pag-asa na mamuhay sa bagong sanlibutan. Mula noong Hunyo 2008, ako ay isa nang buong-panahong ministro. Mas masaya at kontento ako ngayon. Nagkaroon na ng tunay na layunin ang aking buhay, at dahil diyan, lubos akong nagpapasalamat kay Jehova.
“Nalungkot Ako Nang Mamatay ang Kaibigan Ko.”—ROMAN IRNESBERGER
-
ISINILANG: 1973
-
BANSANG PINAGMULAN: AUSTRIA
-
DATING SUGAROL
ANG AKING NAKARAAN:
Lumaki ako sa maliit na bayan ng Braunau, Austria. Maunlad ang lugar namin at walang masyadong krimen. Katoliko ang pamilya namin.
Isang pangyayari noong bata pa ako ang nagkaroon ng malaking epekto sa akin. Noong 1984, nang ako ay mga 11 anyos, naglalaro kami ng soccer ng matalik kong kaibigan.
Nang hapon ding iyon, namatay siya dahil sa isang aksidente sa kotse. Talagang nalungkot ako nang mamatay ang kaibigan ko. Mula noon, naging palaisipan na sa akin kung ano ang nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay.Pagkatapos kong mag-aral, nagtrabaho ako bilang elektrisyan. Bagaman sugarol ako at malaki kung pumusta, wala akong problema sa pera. Mahilig din ako sa isport at sa musikang heavy metal at punk rock. Umiikot ang buhay ko sa disco at parti. Puro kalayawan ang inaatupag ko at imoral ang buhay ko, pero hindi ako masaya.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Noong 1995, isang may-edad nang Saksi ang kumatok sa pinto ko at nag-alok ng isang aklat na tumatalakay sa sagot ng Bibliya sa tanong na, Ano ang nangyayari sa isang namatay? Dahil nasa isip ko pa rin ang nangyari sa kaibigan ko, tinanggap ko ang aklat. Hindi lang ang kabanata tungkol sa kamatayan ang binasa ko, kundi ang buong aklat!
Nasagot nito ang mga tanong ko tungkol sa kamatayan. Pero hindi lang iyan ang natutuhan ko. Dahil pinalaki akong Katoliko, nakasentro kay Jesus ang paniniwala ko. Pero ang pag-aaral ko ng Bibliya ay tumulong sa akin na makipagkaibigan sa Ama ni Jesus, ang Diyos na Jehova. Natutuwa akong malaman na nagmamalasakit sa atin si Jehova at gusto niyang makilala natin siya. (Mateo 7:7-11) Nalaman ko rin na may damdamin si Jehova at lagi niyang tinutupad ang kaniyang sinasabi. Kaya naging interesado ako sa mga hula ng Bibliya at sinuri ko kung paano natupad ang mga ito. Napatibay ng aking mga natuklasan ang pananampalataya ko sa Diyos.
Di-nagtagal, naisip kong ang mga Saksi ni Jehova lang ang talagang interesadong tumulong sa mga tao na maunawaan ang Bibliya. Inilista ko ang mga tekstong binabanggit sa mga publikasyon ng mga Saksi at hinanap ang mga iyon sa aking Bibliyang Katoliko. Habang nagsusuri ako, lalo akong nakukumbinsing natagpuan ko na ang katotohanan.
Natutuhan ko sa pag-aaral ng Bibliya na inaasahan ni Jehova na mamumuhay ako ayon sa kaniyang mga pamantayan. Nabasa ko sa Efeso 4:22-24 na dapat kong alisin ang aking “lumang personalidad,” na hinubog ng aking “dating landasin ng paggawi,” at na kailangan kong “magbihis ng bagong personalidad na nilalang ayon sa kalooban ng Diyos.” Kaya itinigil ko na ang aking imoral na pamumuhay. Napag-isip-isip ko ring kailangan kong huminto sa pagsusugal dahil umaakay ito sa pagiging sakim at materyalistiko. (1 Corinto 6:9, 10) Para makapagbago, kailangan na akong lumayo sa dati kong mga kaibigan at humanap ng bagong mga kaibigan na katulad ko ang mga pamantayan. Pero hindi madaling gawin ang mga iyan.
Nagsimula akong dumalo sa mga pulong sa Kingdom Hall at nakipagkaibigan sa mga Saksi roon. Ipinagpatuloy ko rin ang aking personal na pagsusuri ng Bibliya. Nakatulong ang mga ito para mabago ko ang klase ng musikang pinakikinggan ko, ang tunguhin ko sa buhay, at ang aking hitsura. Noong 1995, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Ngayon, timbang na ang pananaw ko sa pera at materyal na mga bagay. Mainitin ang ulo ko noon, pero nakakapagtimpi na ako ngayon. Hindi na rin ako masyadong nag-aalala tungkol sa hinaharap.
Natutuwa akong maging bahagi ng internasyonal na grupo ng mga mananamba ni Jehova. Nakikita kong nakikipagpunyagi sila sa mga problema sa buhay pero tapat pa ring naglilingkod sa Diyos. Masayang-masaya ako na nagagamit ko na ngayon ang lahat ng aking panahon at lakas, hindi para sa aking sarili, kundi sa pagsamba kay Jehova at sa pagtulong sa iba.
“Sa Wakas, May Layunin Na ang Buhay Ko.”—IAN KING
-
ISINILANG: 1963
-
BANSANG PINAGMULAN: ENGLAND
-
DATING WALANG GANA SA BUHAY
ANG AKING NAKARAAN:
Isinilang ako sa England. Pero nang pitong taóng gulang ako, lumipat ang pamilya namin sa Australia. Tumira kami sa Gold Coast, isang pasyalan ng mga turista sa Queensland, Australia. Hindi kami mayaman, pero nabibili naman namin ang aming mga pangangailangan.
Kahit lumaki akong maalwan ang buhay, hindi pa rin ako masaya. Nawalan ako ng gana sa buhay. Lasenggo si Itay. Hindi ko siya minahal, siguro dahil na rin sa kaniyang paglalasing at pagtrato kay Inay. Pero noong malaman ko ang mga dinanas niya bilang isang sundalo sa Malaya (Malaysia ngayon), saka ko lang naintindihan kung bakit siya ganoon.
Nasa haiskul ako nang maging bisyo ko ang pag-inom. Sa edad na 16, tumigil na ako sa pag-aaral at pumasok sa navy. Nagsimula akong tumikim ng iba’t ibang droga at naadik din ako sa tabako. Unti-unti na rin akong nalulong sa alak. Noong una, tuwing mga dulong sanlinggo lang ako umiinom, pero naging araw-araw ito nang lumaon.
Noong mga 20 anyos na ako, sinimulan kong kuwestiyunin ang pag-iral ng Diyos. ‘Kung talagang may Diyos,’ ang sabi ko, ‘bakit niya hinahayaang magdusa at mamatay ang mga tao?’ Gumawa pa nga ako ng tula na sumisisi sa Diyos sa lahat ng kasamaan sa mundo.
Umalis ako sa navy sa edad na 23. Pumasok ako sa iba’t ibang trabaho at nangibang-bansa pa nga sa loob ng isang taon, pero hindi pa rin ako naging masaya. Wala akong pangarap sa buhay. Hindi ako interesadong magkaroon ng sariling bahay, matatag na trabaho, at tumanggap ng mga promosyon. Alak at musika lang ang nagpapaligaya sa akin.
Pero sa kauna-unahang pagkakataon, nakadama ako ng matinding hangarin na malaman ang layunin ng buhay. Nasa Poland ako noon at bumisita sa concentration camp sa Auschwitz. Nabasa ko na ang tungkol sa mga kalupitang naganap doon. Pero noong naroon na ako mismo at makita kung gaano kalaki ang kampo, naging emosyonal ako. Hindi ko maintindihan kung
paano naaatim ng iba na pagmalupitan ang kanilang kapuwa. Habang nililibot ko ang kampo, umiiyak ako at nagtatanong, ‘Bakit?’KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO:
Noong 1993, pagbalik ko mula sa ibang bansa, nagsimula akong magbasa ng Bibliya para maghanap ng mga sagot. Di-nagtagal, dalawang Saksi ni Jehova ang kumatok sa aming pinto at inimbitahan ako sa isang kombensiyon na gaganapin sa isang istadyum na malapit sa amin. Pumunta ako.
Nandoon din ako sa istadyum na iyon para manood ng isang laro, ilang buwan lang ang nakararaan. Pero ibang-iba ang kombensiyong ito. Magalang at maayos manamít ang mga Saksi, at napakabait ng mga bata. Nagulat din ako sa nakita ko noong pananghalian. Daan-daang Saksi ang kumain sa playing field, pero nang bumalik sila sa kani-kanilang upuan, wala akong nakita ni isang basura! Higit sa lahat, nasalamin ko sa kanila ang pagiging kontento at tiwasay—mga bagay na hinahangad ko. Wala akong natandaan sa mga tinalakay sa programa, pero tumatak sa isip ko ang paggawi ng mga Saksi.
Nang gabing iyon, naalaala ko ang pinsan kong nakapagbasa ng Bibliya at nakapag-aral ng tungkol sa iba’t ibang relihiyon. Sinabi niya sa akin noon na binanggit ni Jesus na ang tunay na relihiyon ay makikilala sa mga bunga nito. (Mateo 7:15-20) Naisip kong wala naman sigurong masamang alamin ko kung bakit naiiba ang mga Saksi. Sa buong buhay ko, noon lang ako nakadama ng kaunting pag-asa.
Nang sumunod na linggo, bumalik ang dalawang Saksi na nag-anyaya sa akin sa kombensiyon. Inalok nila akong mag-aral ng Bibliya, at tinanggap ko naman. Dumalo na rin ako sa kanilang mga Kristiyanong pagpupulong.
Habang nag-aaral ako ng Bibliya, nagbago ang pananaw ko tungkol sa Diyos. Nalaman kong hindi siya ang dahilan ng kasamaan at pagdurusa at na nasasaktan siya kapag gumagawa ng masasamang bagay ang mga tao. (Genesis 6:6; Awit 78:40, 41) Naging determinado akong huwag saktan si Jehova. Gusto kong pasayahin ang kaniyang puso. (Kawikaan 27:11) Itinigil ko ang paglalasing at paggamit ng tabako, pati ang imoral kong buhay. Noong Marso 1994, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG:
Maligaya na ako at kontento. Hindi na ako umaasa sa alak kapag may problema ako. Sa halip, inihahagis ko kay Jehova ang aking mga pasanin.—Awit 55:22.
Sampung taon na akong kasal sa maganda kong asawang si Karen, na isa ring Saksi. At mayroon akong isang stepdaughter, si Nella. Kaming tatlo ay masayang gumugugol ng maraming oras sa pagtulong sa mga tao na matuto ng katotohanan tungkol sa Diyos. Sa wakas, may layunin na ang buhay ko.
a Inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.