Dapat Ba Nating Tanungin ang Diyos?
MAY mga nagsasabi na maling tanungin ang Diyos. Baka iniisip nilang isang kawalang-galang na tanungin ang Diyos kung bakit niya pinapayagan o di-pinapayagang mangyari ang ilang bagay. Ganiyan din ba ang iniisip mo?
Kung oo, baka magulat ka kapag nalaman mong tinanong ng maraming mabubuting tao ang Diyos. Pansinin ang mga itinanong nila:
Ang tapat na si Job: “Bakit mo ikinukubli ang iyo mismong mukha at itinuturing akong kaaway mo?”—Job 13:24.
Ang tapat na si propeta Habakuk: “Bakit mo tinitingnan yaong mga nakikitungo nang may kataksilan, na nananahimik ka kapag nilalamon ng balakyot ang isang higit na matuwid kaysa sa kaniya?”—Habakuk 1:13.
Si Jesu-Kristo: “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”—Mateo 27:46.
Kapag binasa mo ang konteksto ng mga talatang iyan, wala kang makikitang indikasyon na nagalit ang Diyos na Jehova a nang itanong sa kaniya ang mga iyan. Oo, talagang maunawain siya! Halimbawa, hindi naiinsulto ang Diyos kapag hinihiling natin sa kaniya na bigyan tayo ng ating mga pangangailangan na magpapalusog sa ating katawan. Malugod niyang ibinibigay ang mga kailangan natin. (Mateo 6:11, 33) Binibigyan din niya tayo ng mga impormasyong makapagpapalusog sa ating isipan at emosyon. (Filipos 4:6, 7) Sa katunayan, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Patuloy na humingi, at ibibigay ito sa inyo.” (Mateo 7:7) Sa konteksto ng pangakong iyan ni Jesus, ipinakikita na hindi lang materyal na mga bagay ang tinutukoy niyang tatanggapin natin, kundi pati ang mga sagot sa mahahalagang tanong.
Kung magkakaroon ka ng pagkakataon, alin sa mga ito ang itatanong mo sa Diyos?
May layunin ba ang buhay ko?
Ano ang mangyayari kapag namatay ako?
Bakit mo ako hinahayaang magdusa?
Yamang ang “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos,” malalaman mo mula sa Bibliya ang sagot ng Diyos sa mga tanong na iyan. (2 Timoteo 3:16) Tingnan natin kung bakit naitanong iyan ng ilan at kung ano ang sagot ng Bibliya.
a Jehova ang pangalan ng Diyos gaya ng sinasabi sa Bibliya.