Tanong ng mga Mambabasa
Ang Pananampalataya Ba ay Pampagaan Lang ng Loob?
Para matakasan ang realidad ng buhay, dinadaya ng ilan ang kanilang sarili anupat humahanap ng mapagbabalingan ng kanilang pansin. Halimbawa, may mga taong bumabaling sa alak para gumaan ang kanilang loob. Sa umpisa, mabibigyan sila nito ng kumpiyansa para maharap ang kanilang mga problema. Pero sa bandang huli, napapahamak sila dahil dito. Ganiyan din ba ang pananampalataya?
Para sa ilan, ang pananampalataya ay katumbas ng pagiging mapaniwalain. Sinasabi nilang ang mga bumabaling sa pananampalataya ay ayaw nang mag-isip o ayaw nang maghanap ng matitibay na ebidensiya para sa kanilang mga paniniwala. Ipinahihiwatig din nilang ang mga taong may matibay na pananampalataya ay nagbubulag-bulagan sa realidad.
Maraming binabanggit ang Bibliya tungkol sa pananampalataya. Pero hindi tayo hinihimok nito na maging mapaniwalain, ni kinukunsinti man nito ang katamarang mag-isip. Sa katunayan, sinasabi nito na ang mga nananampalataya sa bawat salitang naririnig nila ay walang-karanasan, o mangmang pa nga. (Kawikaan 14:15, 18) Isang kamangmangang paniwalaan ang isang ideya nang hindi muna sinusuri! Kung gagawin natin iyan, para na rin nating tinakpan ang ating mga mata at pagkatapos ay tumawid ng kalsada dahil lang sa inutusan tayong gawin iyon.
Sa halip na himukin tayong maging bulag na mánanampalatayá, pinapayuhan tayo ng Bibliya na maging mapagmasid upang hindi tayo madaya. (Mateo 16:6) Magagawa natin ito kung gagamitin natin ang ating “kakayahan sa pangangatuwiran.” (Roma 12:1) Sinasanay tayo ng Bibliya na mangatuwiran at gumawa ng tamang mga konklusyon batay sa mga ebidensiya. Tingnan natin ang ilang halimbawa mula sa mga isinulat ni apostol Pablo.
Nang sumulat si Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, hindi niya gustong maniwala sila sa Diyos dahil lang sa sinabi niya ito. Sa halip, hinimok niya silang isaalang-alang ang mga ebidensiya na talagang may Diyos: “Ang . . . di-nakikitang mga katangian [ng Diyos] ay malinaw na nakikita mula pa sa pagkalalang ng sanlibutan, sapagkat napag-uunawa ang mga ito sa pamamagitan ng mga bagay na ginawa, maging ang kaniyang walang-hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, anupat wala silang [ang mga humahamon sa awtoridad ng Diyos] maidadahilan.” (Roma 1:20) Ganiyan din ang isinulat niya sa mga Hebreo: “Sabihin pa, bawat bahay ay may nagtayo, ngunit siya na nagtayo ng lahat ng bagay ay ang Diyos.” (Hebreo 3:4) Sa liham naman ni Pablo sa mga Kristiyano sa Tesalonica, hinimok niya silang maging mapamili sa mga paniniwalaan nila: “Tiyakin ninyo ang lahat ng bagay.”—1 Tesalonica 5:21.
Kapag ang pananampalataya ng isa ay hindi nakasalig sa matibay na ebidensiya, nagiging pampagaan lang ito ng loob, anupat maaari siyang maligaw at mapahamak. Tungkol sa ilang relihiyoso noong panahon ni Pablo, isinulat niya: “Nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Napakahalagang sundin natin ang payo ni Pablo sa kongregasyon sa Roma: “Magbagong-anyo kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo sa inyong sarili ang mabuti at kaayaaya at sakdal na kalooban ng Diyos.” (Roma 12:2) Sa halip na maging pampagaan lang ng loob, ang pananampalatayang nakasalig sa tumpak na kaalaman ng Diyos ay nagiging isang “malaking kalasag” na nagsasanggalang sa ating emosyon at espirituwalidad.—Efeso 6:16.