Maging Malapít sa Diyos
Ikaw ba ay Nasa “Aklat ng Alaala” ng Diyos?
NAKIKITA ba ni Jehova ang mga pagsisikap ng kaniyang mga mananamba na pasayahin siya? Oo! Pero hindi lang ang kanilang mga gawa at papuri ang naoobserbahan niya. Napapansin niya kahit ang iniisip nilang pagpapahalaga sa kaniya. Bukod diyan, hinding-hindi malilimutan ni Jehova ang kaniyang bayan at ang mga ginawa nila. Paano tayo makatitiyak? Malalaman natin ang sagot sa iniulat ni propeta Malakias.—Basahin ang Malakias 3:16.
Noong ikalimang siglo B.C.E., nang humula si Malakias, nakalulungkot ang moral at espirituwal na kalagayan ng Israel. Pinabayaan ng mga saserdote ang kanilang mga pananagutan, at ang bayan ay nagsimulang gumawa ng mga gawaing lumalapastangan sa Diyos, gaya ng panggagaway, pangangalunya, at pandaraya. (Malakias 2:8; 3:5) Pero sa kabila niyan, may isang grupo ng mga Israelita na nanatiling tapat. Ano ang ginagawa nila noon?
“Nagsalita sa isa’t isa yaong mga natatakot kay Jehova,” ang sabi ni Malakias. Ang pagkatakot sa Diyos ay isang magandang katangian. Inilalarawan ni Malakias ang mga Israelitang may malaking paggalang sa Diyos, anupat ayaw makagawa ng bagay na hindi Niya magugustuhan. Pansinin na ang mga indibiduwal na iyon na may-takot sa Diyos ay “nagsalita sa isa’t isa.” Lumilitaw na nagsasama-sama sila para mag-usap tungkol kay Jehova at patibayin ang isa’t isa upang hindi sila panghinaan ng loob o mabahiran ng masasamang gawain sa paligid nila.
Ipinakita ng tapat na mga Israelita ang kanilang paggalang kay Jehova sa isa pang mahalagang paraan: Sila ay “palaisip sa kaniyang pangalan.” Sa ibang bersiyon, isinalin itong “nagpapahalaga sa Kaniyang pangalan.” Maging sa kanilang pag-iisip, si Jehova ay pinararangalan ng mga taong iyon na may-takot sa Diyos. Sa kanilang puso, pinahahalagahan nila si Jehova at ang kaniyang dakilang pangalan. Alam kaya iyan ni Jehova?
Sinabi ni Malakias: “Si Jehova ay patuloy na nagbigay-pansin at nakinig.” Ibig sabihin, kahit nasa langit si Jehova, nakikinig siyang mabuti sa lahat ng papuring sinasabi ng kaniyang mga mananamba. Binibigyang-pansin din niya ang kanilang mga pagbubulay-bulay. (Awit 94:11) Pero higit pa riyan ang ginagawa niya.
“Isang aklat ng alaala ang pinasimulang isulat sa harap niya,” ang sabi ni Malakias. Ang aklat na iyan ay rekord ng lahat ng naglilingkod kay Jehova nang may katapatan. Pansinin na iyan ay tinawag na “isang aklat ng alaala.” a Ipinakikita niyan sa atin na hinding-hindi kalilimutan ni Jehova ang kaniyang tapat na mga mananamba at ang lahat ng papuri nila sa kaniya—sa isip, sa salita, at sa gawa. Pero may dahilan kung bakit sila inaalaala ng Diyos. Nangako siya na gagantimpalaan niya ng buhay na walang hanggan yaong ang mga pangalan ay permanenteng nakarekord sa kaniyang aklat ng alaala. b—Awit 37:29.
Talagang nakaaaliw malaman na pinahahalagahan ni Jehova ang lahat ng ating ginagawa para maging katanggap-tanggap ang pagsamba natin sa kaniya! Ang mga salita sa Malakias 3:16 ay dapat mag-udyok sa atin na seryosong pag-isipan ang kaugnayan natin kay Jehova. Magandang itanong natin sa ating sarili, ‘Ang pangalan ko ba ay nasa “aklat ng alaala” ng Diyos?’ Mangyayari iyan kung gagawin natin ang ating buong makakaya na gumawi, magsalita, at mag-isip araw-araw sa paraang magugustuhan ni Jehova.
Pagbabasa ng Bibliya para sa Disyembre:
a Ang salitang Hebreo para sa “alaala” ay maaari ding magpahiwatig ng pagkilos hinggil sa naalaala.
b Para sa higit pang impormasyon tungkol sa pangako ng Diyos na walang-hanggang buhay, tingnan ang kabanata 3 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.