“Kapayapaan sa Gitna ng mga Taong May Kabutihang-Loob”
“Kaluwalhatian sa kaitaasan sa Diyos, at sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.”—LUCAS 2:14.
Kung bakit nagdiriwang ng Pasko ang ilan.
Taun-taon, ang papa at iba pang lider ng relihiyon ay nagpapahayag ng mensahe ng kapayapaan, na umaasang matutupad ng Kapaskuhan ang sinabi ng anghel: “Sa lupa ay kapayapaan sa gitna ng mga taong may kabutihang-loob.” Ang ilan ay nagpupunta pa nga sa dambana o sagradong lugar para magdiwang.
Bakit ito isang hamon?
Nagkakaroon naman ng kapayapaan tuwing Kapaskuhan, pero pansamantala lang. Halimbawa, noong Disyembre 1914, sa kasagsagan ng Digmaang Pandaigdig I sa Europa, ang mga sundalong Britano at Aleman ay sama-samang nagpasko. Nagsalu-salo sila, at nagbigayan ng sigarilyo. Nag-soccer pa sila. Pero hindi nagtagal ang kapayapaang iyan. Sa isang liham, ikinuwento ng sundalong Britano ang sinabi sa kaniya ng sundalong Aleman: “Ngayon, payapa tayo. Bukas, makikipaglaban ka para sa bansa mo at ako naman para sa bansa ko.”
Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong?
“Isang bata ang ipinanganak sa atin . . . Ang kaniyang pangalan ay tatawaging . . . Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kasaganaan ng pamamahala bilang prinsipe at ang kapayapaan ay hindi magkakaroon ng wakas.” (Isaias 9:6, 7) Hindi ba’t nakapagpapatibay ang hulang iyan tungkol kay Jesu-Kristo? Si Jesus ay hindi isinilang para magdulot ng isang-araw na kapayapaan taun-taon. Bilang Tagapamahala sa langit, magdudulot siya ng tunay na kapayapaang hindi magwawakas.
“Sa pamamagitan ko [Jesus] ay magkaroon kayo ng kapayapaan. Sa sanlibutan ay may kapighatian kayo, ngunit lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Sa ngayon, tinutulungan pa rin ni Jesus ang mga tagasunod niya na magkaroon ng kapayapaan. Oo, may kapighatian ang mga Kristiyano. Pero dahil sa Bibliya, naiintindihan nila kung bakit may pagdurusa at kung paano magdudulot si Jesus ng walang-hanggang kapayapaan. Kaya payapa ang isip nila.
Sa pagsunod kay Jesus, ang mga Saksi ni Jehova—anuman ang kulay, lahi, o wika—ay nagtatamasa ng kapayapaan. Bakit hindi mo subukang dumalo sa pulong nila sa Kingdom Hall? Marahil, gaya ng iba, sasang-ayon ka ring ang kapayapaang iyon ay nakahihigit sa maidudulot ng Pasko.
Dahil mayroon silang kapayapaan, ang mga Saksi ni Jehova ay nagkakaisa anuman ang kanilang kulay o wika. Bakit hindi mo subukang dumalo sa pulong nila sa Kingdom Hall?