Liham Mula sa Benin
Napasubo Yata Ako!
UMAGA na naman sa Kanlurang Aprika. Malalanghap ang nilulutong sarsa at kanin. Makikita ang mga babaing naglalakad habang sunong ang pagkabibigat na dala-dalahan. Maririnig ang masasayang tawanan at maiingay na tawarán. Maaga pa, pero mainit na ang araw.
Nang makita ng isang grupo ng mga bata ang isang Yovo, o taong puti, nagsimula silang kumanta at sumayaw. Inumpisahan nila ito sa “Yovo, Yovo, bon soir” at tinapos sa “Wala ba kaming regalo?” Pero isang batang lalaki ang hindi kumakanta. Sinundan niya ako sa paglalakad at mayamaya’y sumesenyas na siya. Parang sign language iyon. Sa Estados Unidos, natuto akong mag-finger spell sa American Sign Language (ASL), pero Pranses ang wika sa Benin.
Kahit hiráp ako, sinikap kong isenyas ang walong letra ng pangalan ko. Abot-tainga ang ngiti ng batang lalaki. Hinila niya ako sa makikitid na lansangan patungo sa bahay nila, isang tipikal na bahay na sementado at may dalawang kuwarto. Pinalibutan ako ng pamilya niya. Lahat ay sumesenyas. Naku, paano na? Isinenyas ko ang pangalan ko at saka isinulat sa papel na isa akong misyonera na nagtuturo ng Bibliya, at na babalik ako. Nakisali rin ang ilang kapitbahay na hindi bingi, at sumang-ayon sa sinabi ko. Naisip ko, ‘Napasubo yata ako!’
Pagkauwi ko, naisip ko, ‘Sana may makatulong sa mga taong ito na matutuhan ang pangako ng Diyos: “Ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan.” ’ (Isaias 35:5) Nag-research ako. Sa isang kamakailang sensus sa Benin, may naiulat na 12,000 bingi at may problema sa pandinig. Nanlaki ang mga mata ko nang malaman kong ASL pala at hindi French Sign Language ang ginagamit sa mga paaralan para sa mga bingi. Ang kaso, walang Saksi ni Jehova rito ang marunong ng ASL. Nalungkot ako at nasabi ko sa isang Saksing tagarito, “Sana may tumulong dito na marunong ng ASL.” Ang sagot niya, “E, ’di ba nandito ka na?” Tama siya! Kaya umorder ako ng aklat tungkol sa ASL. Umorder din ako ng mga DVD sa ASL na ginawa ng mga Saksi ni Jehova. Sinagot din ang mga panalangin ko nang isang Saksing marunong ng ASL mula sa Cameroon ang lumipat sa Benin.
Kumalat ang balitang nag-aaral ako ng ASL. May nagsabi sa akin na puntahan ko si Brice, na gumagawa ng mga sign board. Presko ang kaniyang shop na yari sa pawid. Ilang taon na siyang gumagawa rito at sa kalilinis niya ng mga brutsa, iba’t ibang kulay na ng pintura ang nasa dingding. Pinunasan niya ang dalawang bangko, tiningnan ako, at hinintay na magsimula. Isinalang ko ang isang DVD sa portable player. Umusod siya palapit sa maliit na screen. “Naiintindihan ko! Naiintindihan ko!” ang senyas niya. Naglapitan ang ibang bata; naghahabaan ang mga leeg para makipanood. Sinabi ng isa, “Bakit kaya walang sound ang pinapanood nila?”
Tuwing dadalawin ko si Brice, dumarami ang nakikipanood. Di-nagtagal, si Brice at ang iba pa ay dumadalo na sa mga Kristiyanong pagpupulong. Kapag nag-iinterpret ako sa kanila, lalo akong natututo ng sign language. Lumalaki ang grupo at may mga naghahanap na sa akin para magpaturo. Isang araw, habang hirap na hirap sa lubak ang kakarag-karag kong sasakyan dahil sa kaiiwas sa pagala-galang mga kambing at baboy, biglang may kumalampag sa likuran ng kotse. ‘Naku,’ naisip ko, ‘tumirik na naman yata ako!’ Pero ’yon pala, isang lalaking bingi ang humahabol sa akin. At para mapansin ko siya, kinalampag niya ang kotse ko!
May grupo na ngayon ng ASL sa ibang mga lunsod. Nang magkaroon ng sesyon sa sign language sa taunang kombensiyon namin, isa ako sa pinag-interpret. Noong nasa entablado na ako, habang hinihintay na magsimula ang tagapagsalita, bigla kong naalaala noong baguhan ako sa aking atas. Dati naiisip ko, ‘Ano pa kaya ang magagawa ko bilang misyonera sa Aprika?’ Pagtingin ko sa audience, alam ko na ang sagot—ang tumulong sa mga bingi. Ngayon, hindi ko na sinasabi, ‘Napasubo yata ako!’