Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Sa Wakas Malaya Na Ako!

Sa Wakas Malaya Na Ako!

“Walang gustong kumuha sa inyo,” ang natatawang sabi ng opisyal ng bilangguan. “Puwede namang dito na lang kayo.” Paano nga bang kami, na isang masipag at tahimik na pamilyang Ruso, ay nabilanggo sa Hilagang Korea noong 1950, mga limang taon pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II?

AYON sa mga dokumento ko, ipinanganak ako noong 1924 sa nayon ng Shmakovka sa Malayong Silangan ng Russia, malapit sa hangganan ng Tsina.

Nayon ng Shmakovka, Primorskiy Kray, sa Malayong Silangan ng Russia, kung saan ako ipinanganak

Isang araw, kinuha ng mga bandido si Itay at ang mga kuya ko. Mula noon, hindi na sila nakita ulit ni Inay. Naiwan kay Inay ang lahat ng maliliit pang anak, na halos hindi niya mapakain. Isang kapitbahay ang nag-alok na dadalhin niya kaming magkakapatid sa isang ampunan ng mga Ruso Ortodokso at sasabihin niyang inabandona kami ni Inay.

Pumayag si Inay sa planong iyon dahil kung hindi, namatay na siguro kaming magkakapatid sa gutom. Ngayong mga 85 anyos na ako, nagpapasalamat ako’t ipinaampon kami ni Inay. Malamang na ito ang nagligtas sa aming buhay. Pero nalulungkot pa rin ako sa desisyong iyon ni Inay.

Nang ikasal kami ni Ivan, 1941

Noong 1941, lumipat ako sa Korea, at naging asawa ko ang isang mabait na Rusong si Ivan. Ang anak naming babae na si Olya ay isinilang noong 1942 sa Seoul, Korea. Ang anak naman naming lalaki na si Kolya ay isinilang din doon noong 1945, at si Zhora, noong 1948. Ang asawa ko ang nag-aasikaso sa aming tindahan, at ako naman ay nananahi. Dahil nasakop ng mga Hapon ang Seoul, natuto ng wikang Hapones ang mga anak namin, bagaman Ruso ang gamit namin sa bahay. Hanggang 1950, masasabing tahimik na namumuhay sa Seoul ang mga Sobyet, Amerikano, at mga Koreano. Mga kostumer namin sila sa aming tindahan.

Binihag ng mga Taga-Hilagang Korea

Sa isang iglap, nagbago ang lahat noong 1950. Ang Seoul ay sinakop ng mga sundalo ng Hilagang Korea. Dahil hindi kami nakatakas, inaresto kami kasama ng iba pang mga banyagang sibilyan. Sa loob ng tatlo at kalahating taon, kasama ng iba pang bihag ng digmaan​—mga Britano, Ruso, Amerikano, at mga Pranses​—kami ay pinaglakad patungo sa iba’t ibang lokasyon sa buong Hilagang Korea. Pinatítira kami kung saan may matutuluyan, at sinisikap naming makaiwas sa mga bomba.

Kung minsan, tumitira kami sa mga bahay na may heating system ang sahig at binibigyan ng sapat na pagkain. Pero kadalasan, millet lang ang kinakain namin at sa malamig at abandonadong mga gusali kami natutulog. Marami sa amin ang namatay dahil sa malnutrisyon at kapabayaan. Awang-awa ako sa aking mga anak. Maagang dumating noon ang taglamig sa Hilagang Korea. Natatandaan kong magdamag akong nasa tabi ng apoy at nag-iinit ng mga batong inilalagay ko sa ilalim ng hinihigaan ng mga anak ko.

Noong medyo uminit na ang panahon, itinuro sa amin ng ilang Koreanong taganayon kung anu-anong ligáw na halaman ang puwede naming kainin. Naghanap kami ng mga ligáw na sibuyas at mga dahong nakakain, raspberry, ubas, at mga kabute. Hindi galít sa amin ang mga taganayon, naaawa pa nga sila sa amin. Natuto akong manghuli ng mga palaka na pandagdag sa kakarampot naming pagkain. Nadudurog ang puso ko sa tuwing humihingi ng mga palaka ang mga anak ko.

Isang buwan ng Oktubre, pinaglakad kami papuntang Manp’o. Sinabihan kami na may ilalaang mga karitong hinihila ng baka para sa mga maysakit at maliliit na bata. Si Olya at ang kaniyang ama ay pinaglakad kasama ng iba pa. Ako naman at ang maliliit kong anak na lalaki ay ilang araw na naghintay sa pagdating ng mga kariton.

Nang dumating ang mga kariton, ang mga maysakit ay isinalansan sa mga iyon na parang mga bungkos ng butil. Kalunus-lunos ang kalagayan nila! Habang pasan ko ang maliit pang si Zhora, isiniksik ko si Kolya sa isang sulok ng kariton, pero umiyak siya at sumigaw: “Mama, Mama, sasama po ako sa inyo! Huwag n’yo akong iwan!”

Habang nakakapit si Kolya sa aking palda, napapatakbo siya para hindi siya maiwan. Maraming bihag ang binaril sa kahila-hilakbot na paglalakad na iyon na tumagal nang ilang araw. Ang mga bangkay na naiiwan sa daan ay pinagpipiyestahan ng mga uwak na susunud-sunod sa amin. Sa wakas, nakasama ulit naming mag-iina ang aking asawa at si Olya. Umagos ang aming mga luha at nagyakapan kami. Nang gabing iyon, hindi ako natulog at magdamag na nag-init ng mga bato para sa aking mga anak. Yamang kapiling ko na silang lahat, panatag na ako.

Noong 1953, pagdating namin malapit sa 38th parallel​—ang hangganan ng Hilaga at Timog Korea​—medyo umalwan ang kalagayan namin. Binigyan kami ng malilinis na uniporme, sapatos, tinapay, at mga kendi pa nga. Di-nagtagal, pinalaya na ang mga Britano, pagkatapos ay ang mga Pranses. Pero kami ay hindi mamamayan ng anumang bansa. Kami na lang ang naiwan sa bilangguan. Iyak kami nang iyak at hindi makakain. Noon sinabi ng Koreanong opisyal ang masasakit na salitang binanggit sa simula.

Bagong Buhay sa Estados Unidos

Di-nagtagal, nagulat kami nang itawid kami sa demilitarized zone patungong Timog Korea. Matapos kaming sumailalim sa interogasyon ng kawani ng hukbong Amerikano, pinayagan kaming manirahan sa Estados Unidos. Nagbarko kami papuntang San Francisco, California, at doon ay tinulungan kami ng isang organisasyong nagkakawanggawa. Nang maglaon, lumipat kami sa Virginia. Ang mga naging kakilala namin doon ang tumulong sa amin na makatayo kami sa sarili naming mga paa. Nang bandang huli, lumipat naman kami sa Maryland para magsimula ng bagong buhay.

Kasama ang aking asawa at dalawang anak, 1954

Manghang-mangha kami kahit sa mga simpleng bagay, gaya ng vacuum cleaner. Dahil mga dayuhan, talagang nagbanát kami ng buto. Pero nalulungkot ako kapag nakikita kong inaagrabyado ng ibang mga nakapag-adjust na sa lugar na iyon ang mga bagong salta. May nakilala nga kaming isang paring Ruso Ortodokso na nagsabi: “Nasa pinagpalang lupain kayo ngayon. Kung gusto ninyong umasenso, iwasan n’yo ang mga kababayan n’yo.” Nagulat ako. Hindi ba’t dapat ay magtulungan kami?

Noong 1970, isang Saksi ni Jehova, si Bernie Battleman, ang kumatok sa aming pintuan para makipag-usap tungkol sa Bibliya. Prangka siya, gaya namin. Ilang oras kaming nag-usap. Dahil lumaki ako sa ampunang Ortodokso, alam na alam ko ang mga turo ng simbahan. Pero hindi ko man lang naisip na magkaroon ng sariling Bibliya! Binigyan kami ni Bernie at sinabi: “Para sa inyo ang Bibliyang ito, dahil mahal ko kayo.” Ipinakilala rin niya kami kay Ben, isang Saksing taga-Belarus na nagsasalita ng Ruso.

Ang mga tanong ko ay mabait na sinagot ni Ben at ng kaniyang asawa gamit ang Bibliya. Pero kumbinsido akong binaluktot ng mga Saksi ang Bibliya. Galit na galit ako dahil sinasabi sa mga publikasyon nila na may iba pang mga anak si Maria bukod kay Jesus. Hindi ganiyan ang turo ng simbahan.

Tinawagan ko ang kaibigan kong Polish at pinakiusapang tingnan sa kaniyang Bibliyang Polish ang Mateo 13:55, 56. Nang basahin niya sa akin ang teksto, mayroon ngang nakababatang mga kapatid si Jesus! Tinawagan din ng kaibigan ko ang kakilala niyang nagtatrabaho sa Library of Congress sa Washington, D.C. para tingnan ang tekstong iyon sa lahat ng salin ng Bibliya roon. Sinabi nitong iisa ang binabanggit ng lahat ng salin: Si Jesus ay may mga kapatid na lalaki at babae!

Napakarami kong tanong. Bakit namamatay ang mga bata? Bakit naglalabanan ang mga bansa? Bakit hindi nagkakaintindihan ang mga tao, kahit pareho pa ang wika nila? Tuwang-tuwa ako sa mga sagot ng Bibliya. Nalaman kong hindi kalooban ng Diyos na magdusa ang mga tao. Laking-tuwa ko nang malaman kong makikita kong muli ang aking mga mahal sa buhay na namatay sa panahon ng mga kaguluhan. Unti-unti, naging totoo sa akin si Jehova.

Isang araw, habang nakatayo sa harap ng aking mga poon, nagmakaawa ako sa Diyos na tulungan ang aking anak na lalaki. Kababalik lang niya mula sa labanan sa Vietnam at nagkaroon siya ng matinding trauma. Pero bigla kong naisip na hindi sa mga poon ako dapat manalangin, kundi sa buháy na Diyos, si Jehova. Sinira ko ang mga poon at nakita kong ang mga ito ay makukulay na palara lang pala. Binili ko ang mga ito sa simbahan, pero nang gabing iyon, itinapon ko na ang mga ito.

Mahirap iwan ang kinalakhan kong relihiyon. Pero mas mahalaga sa akin kung ano ang itinuturo ng Bibliya. Makalipas ang isang taon, isinama ko si Olya at ang aking asawa para bisitahin ang paring Ruso Ortodokso. Dala ko noon ang isang sulatán na may nakalistang mga tanong at mga teksto sa Bibliya. Habang binabasa ko nang malakas ang mga teksto, umiling ang pari at nagsabi, “Hindi mo alam ang ginagawa mo.” Sinabi niyang huwag na kaming babalik kahit kailan.

Tumatak sa isip ni Olya ang pangyayaring iyon. Sinuri na rin niya ang Bibliya. Di-nagtagal, dumalo na siya sa mga pulong ng mga Saksi kasama ko. Nabautismuhan ako noong 1972, at si Olya naman noong sumunod na taon.

Ang Prinsipyo ng Aming Pamilya

Sa hardin ng aming tahanan sa Maryland, E.U.A, mga 1990

Ganito ang prinsipyo namin, Magpokus sa kasalukuyan, huwag balikan ang nakaraan. Kaya hindi kami nagdadalawang-isip na gawin ang isang bagong bagay kapag kumbinsido kaming tama iyon. Nang maging malapít kami ni Olya sa Diyos, nakadama kami ng matinding pagnanais na dalawin ang mga tao sa kanilang bahay at sabihin ang aming natututuhan. Sobrang prangka ako, kaya kung minsan, kailangan pang ipaliwanag ng partner ko sa mas mabait na paraan ang sinabi ko. Pero nang maglaon, natuto na akong makipag-usap sa mga taong may iba’t ibang pinagmulan, na tulad ko, gusto ring magkaroon ng mas magandang buhay.

Nang sumunod na mga taon, madalas naming sabihin ni Olya na kapag bumagsak na ang Iron Curtain, pupunta kami sa Russia para tulungan ang mga tao roon na matuto tungkol sa Diyos. Nang mangyari nga iyon noong unang mga taon ng dekada ’90, tinupad ni Olya ang aming pangarap. Lumipat siya sa Russia, at naglingkod doon nang 14 na taon bilang buong-panahong ministro. Marami siyang naturuan sa Bibliya. Nakatulong din siya sa pagsasalin ng mga literatura sa Bibliya, mula Ingles tungo sa wikang Ruso, sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Russia.

Nakaratay na lang ako ngayon sa higaan, pero ginagawa ng aking mga anak ang lahat para maging komportable ang buhay ko. Nagpapasalamat ako sa Diyos dahil pagkatapos ng ilang taóng pagdurusa, nagkaroon ako ng mas magandang buhay. Naging totoo sa akin ang awit ng pastol na si David: ‘Sa tabi ng mga pahingahang-dako na natutubigang mainam ay pinapatnubayan ako ng Diyos. Ang aking kaluluwa ay kaniyang pinagiginhawa. Inaakay niya ako sa mga landas ng katuwiran alang-alang sa kaniyang pangalan.’​—Awit 23:2, 3. a

a Si Maria Kilin ay namatay noong Marso 1, 2010, habang inihahanda para sa paglalathala ang kuwento niyang ito.