Naniniwala Ka Bang Nabuhay Ka Na Noon?
“Ang muling pagkabuhay ay totoo, at totoo rin na ang mga buháy ay mula sa mga patay at na ang kaluluwa ng mga patay ay patuloy na nabubuhay.”—PLATO, GRIEGONG PILOSOPO, IKA-5 SIGLO B.C.E., SINIPI SI “SOCRATES.”
“Yamang ang kaluluwa ay nangangailangan ng katawan at hindi ito katawan, maaari itong mapasaisang katawan o ibang katawan, at magpalipat-lipat sa iba’t ibang katawan.”—GIORDANO BRUNO, ITALIANONG PILOSOPO, IKA-16 NA SIGLO C.E.
“Ang mga tao ay hindi talaga namamatay: para lang silang namatay, pero may bahagi sila na patuloy na nabubuhay . . . at ang bahaging iyon ay nanunungawan mula sa isang bagong katawan.”—RALPH WALDO EMERSON, AMERIKANONG MAKATA AT MANUNULAT NG SANAYSAY, IKA-19 NA SIGLO C.E.
NAITANONG mo na ba sa iyong sarili kung sino ka talaga? Naisip mo bang baka nabuhay ka na noon? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Noon pa man, naiisip na rin iyan ng mga tao mula sa Silangan at Kanluran. Sa paghahanap nila ng mga sagot, ang ilan ay nagsimulang maniwala sa reinkarnasyon. Ito ang ideya na kapag ang isang tao ay namatay, may “kaluluwa” na umaalis sa katawan at ipinanganganak-muli sa ibang katawan—tao, hayop, o halaman pa nga—sa isa o higit pang pagkakataon.
Bagaman ang ilan ay nasisiyahan na sa ganiyang paniniwala, paano natin matitiyak na totoo iyan? Ano kaya ang sinasabi ng Bibliya? Pero bago ang lahat, alamin muna natin kung saan nagmula ang ideyang iyan.
Saan Nagmula ang Reinkarnasyon?
Ayon sa mga istoryador at iskolar, ang ideya tungkol sa imortalidad ng kaluluwa ay nagsimula sa mga naninirahan sa Babilonya, isang lunsod na itinatag noong huling bahagi ng ikatlong milenyo B.C.E. Ang problema ng imortalidad ay “masyadong pinagtuunan ng pansin ng mga teologong Babilonyo,” ang sabi ni Morris Jastrow, Jr., sa kaniyang aklat na The Religion of Babylonia and Assyria. Para sa mga Babilonyo, “ang kamatayan ay daan tungo sa ibang uri ng buhay,” ang paliwanag niya. “Walang alinlangan na dahil hindi katanggap-tanggap na hindi na umiiral ang tao kapag namatay ito, naimbento ang ideya ng imortalidad.”
Mula sa Babilonya, ang mga turo ng paglipat ng kaluluwa sa ibang katawan ay nagsimula na rin sa ibang bahagi ng sinaunang daigdig. Ang mga pilosopo mula sa India ay bumuo ng masalimuot na paniniwala tungkol sa pagpapalipat-lipat ng kaluluwa ng isang tao sa ibang katawan depende sa kaniyang nakaraang buhay. Tinanggap din ng maiimpluwensiyang Griegong pilosopo ang reinkarnasyon, na ginaya rin ng iba.
Sa panahon natin, parami nang paraming bansa sa Kanluran ang nagiging interesado sa reinkarnasyon. Ang mga sikat na tao at mga kabataan ay naaakit sa relihiyosong mga ideya at gawain ng mga taga-Silangan. Dagsa rin ngayon ang mga aklat at Internet site tungkol sa diumano’y karanasan ng mga tao sa nakaraan nilang buhay. Mabilis na nagiging popular sa maraming bansa ang tinatawag na past-life therapy. Itinataguyod nito ang paggamit ng hipnotismo para alamin ang nakaraang buhay raw ng mga tao sa pagsisikap na maunawaan ang kanilang kasalukuyang kalusugan at paggawi.
Totoo ba ang Reinkarnasyon?
Bagaman ang reinkarnasyon ay isang sinaunang paniniwala, kailangan pa ring masagot ang pinakamahalagang tanong—Totoo ba ito? Para sa mga Kristiyano, mahalagang malaman kung ang paniniwalang ito ay kaayon ng Bibliya. (Juan 17:17) Yamang ang ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay Bukal ng buhay at “Tagapagsiwalat ng mga lihim,” sinasabi niya sa atin ang mga bagay na hindi natin alam tungkol sa buhay at kamatayan. Malalaman natin iyan mula sa kaniyang Salita, ang Bibliya.—Daniel 2:28; Gawa 17:28.
Kung pag-aaralan nating mabuti ang Bibliya, malalaman natin ang mga sagot ng Diyos tungkol sa nangyayari sa atin kapag tayo ay namatay. Halimbawa, sa Genesis 3:19, ganito ang sinabi ng Diyos kay Adan pagkatapos magkasala sina Adan at Eva: “Sa pawis ng iyong mukha ay kakain ka ng tinapay hanggang sa ikaw ay bumalik sa lupa, sapagkat mula riyan ka kinuha. Sapagkat ikaw ay alabok at sa alabok ka babalik.” Si Adan ay nilalang mula sa alabok. Nang mamatay siya, bumalik siya sa alabok. Iyan ang malinaw na sinabi ng Diyos. Kaya kapag namatay ang isang tao, hindi siya muling ipinanganganak, kundi tumitigil na siya sa pag-iral. a Gaya ng init at lamig, tuyo at basa, liwanag at dilim, ang kamatayan ay kabaligtaran ng buhay. Ang patay ay talagang patay!
Kaya tiyak na may ibang mga dahilan kung bakit parang may naaalaala ang ilang tao tungkol sa kanilang nakaraang buhay. Hindi pa rin lubusang nauunawaan kung paano gumagana ang utak ng tao, pati na ang subconscious mind, at ang mga epekto ng medikasyon o trauma. Ang mga panaginip at imahinasyon batay sa napakaraming impormasyong nakaimbak sa utak ay maaaring maging parang totoong-totoo. Sa ilang kaso, ang masasamang espiritu ay gumagawa ng mga kababalaghan para magmukhang totoo ang isang bagay na di-totoo.—1 Samuel 28:7-19.
Eclesiastes 3:11) Kaya ang mga tao ay may pagnanais na mabuhay magpakailanman.
Natural lang sa mga tao na magkaroon ng pagnanais na mabuhay at malaman ang hinaharap. Bakit? Kapansin-pansin, ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa Maylalang: “Maging ang panahong walang takda ay inilagay niya sa kanilang puso.” (Kung inilagay ng ating Maylalang, ang Diyos na Jehova, sa puso ng mga tao ang pagnanais na mabuhay magpakailanman, makatuwiran lang na ipaliwanag din niya kung paano masasapatan ang pagnanais na iyon. Isinisiwalat ng Bibliya ang layunin ng Maylalang na pagpalain ang masunuring sangkatauhan ng walang-hanggang buhay sa paraisong lupa. “Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman,” ang sabi ng salmistang si Haring David. (Awit 37:29) Ang isang pangunahing doktrina sa Bibliya na may malaking kaugnayan sa walang-hanggang layunin ng Diyos ay ang pagkabuhay-muli ng mga patay.—Gawa 24:15; 1 Corinto 15:16-19.
Pagkabuhay-Muli—Ang Tiyak na Pag-asa ng mga Patay
Ang Bibliya ay naglalaman ng walong ulat ng pagkabuhay-muli dito sa lupa na nasaksihan mismo ng mga tao. b Ang mga ito ay pagkabuhay-muli, hindi reinkarnasyon. Ang mga binuhay-muli ay agad na nakilala ng kanilang mga kapamilya at kaibigan. Hindi na kailangang isa-isahin ng mga kamag-anak ang mga bagong-silang na sanggol para tiyakin kung sino ang nilipatan ng kaluluwa ng kanilang namatay na mahal sa buhay.—Juan 11:43-45.
Talagang nakaaaliw malaman ang sinasabi ng Bibliya na karamihan sa mga namatay ay bubuhaying muli sa bagong sanlibutan ng Diyos, na malapit nang pumalit sa masamang sanlibutang ito sa lupa. (2 Pedro 3:13, 14) Sa ngayon, ang buhay ng bilyun-bilyong indibiduwal ay iniingatan sa walang-limitasyon at perpektong memorya ni Jehova, ang Diyos na nakaaalaala maging sa mga pangalan ng lahat ng bituin! (Awit 147:4; Apocalipsis 20:13) Kapag binuhay na niyang muli sa kaniyang bagong sanlibutan ang sali’t salinlahi ng mga tao, matutunton nila at makikilala ang lahat ng kanilang mga ninuno. Talagang kapana-panabik ang pag-asang iyan!
a Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 6, “Nasaan ang mga Patay?” sa aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilalathala ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang walong ulat ay mababasa sa 1 Hari 17:17-24; 2 Hari 4:32-37; 13:20, 21; Lucas 7:11-17; 8:40-56; Juan 11:38-44; Gawa 9:36-42; 20:7-12. Habang binabasa mo ang mga ulat, pansinin kung paano nasaksihan ng maraming tao ang mga pagkabuhay-muling ito. Ang ikasiyam na ulat ay ang pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo.—Juan 20:1-18.