Pag-alaala kay Jesu-Kristo
“Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.”—LUCAS 22:19.
Kung bakit nagdiriwang ng Pasko ang ilan.
May mga nagsasabing ang Pasko ay para kay Jesus. Nagpapasko sila para alalahanin ang kaarawan niya.
Bakit ito isang hamon?
Ang popular na mga awitin at ang mga kaugalian kung Pasko ay halos walang kinalaman kay Jesu-Kristo. Milyun-milyong nagpapasko ang hindi sumasampalataya sa kaniya; ang ilan ay hindi pa nga naniniwalang umiral siya. Sa daigdig ng komersiyo, ang Pasko ay isang okasyon para i-advertise ang mga produkto sa halip na alalahanin si Jesus.
Anong mga simulain sa Bibliya ang makatutulong?
‘Ang Anak ng tao ay dumating upang ibigay ang kaniyang kaluluwa bilang pantubos na kapalit ng marami.’ (Marcos 10:45) Maliwanag na ang pananalita sa simula ng artikulong ito ay sinabi ni Jesus hindi noong kaarawan niya, kundi noong gabing bago siya mamatay. Nagbigay siya noon ng mga tagubilin para sa isang simpleng seremonya ng pag-alaala sa kamatayan niya. Pero bakit kaya gusto ni Jesus na alalahanin ng kaniyang mga tagasunod ang kamatayan niya sa halip na ang kapanganakan niya? Dahil ang haing pantubos ni Jesus ay nagbukas ng pagkakataon sa masunuring mga tao na tumanggap ng buhay na walang hanggan. “Ang kabayaran na ibinabayad ng kasalanan ay kamatayan,” ang sabi ng Bibliya, “ngunit ang kaloob na ibinibigay ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Kristo Jesus na ating Panginoon.” (Roma 6:23) Kaya taun-taon, sa anibersaryo ng kamatayan niya, si Jesu-Kristo ay inaalaala ng mga tagasunod niya, hindi bilang isang sanggol, kundi bilang “ang tagapagligtas ng sanlibutan.”—Juan 4:42.
“Si Kristo ay nagdusa para sa inyo, na nag-iwan sa inyo ng huwaran upang maingat ninyong sundan ang kaniyang mga yapak.” (1 Pedro 2:21) Para maparangalan at maalaala si Jesus, dapat mong pag-aralan ang halimbawa niya bilang isang perpekto at matalinong tao. Isip-isipin din kung paano siya nagpakita ng habag, pagtitiis, at lakas ng loob para magawa ang tama. Humanap ka ng mga pagkakataon para matularan siya.
“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo, at mamamahala siya bilang hari magpakailan-kailanman.” (Apocalipsis 11:15) Kapag inaalaala mo si Jesu-Kristo, isipin kung ano ang ginagawa niya ngayon. Si Jesus ay namamahala sa langit bilang Hari. Inihula ng Bibliya: “Sa katuwiran ay hahatulan niya ang mga maralita, at sa katapatan ay sasaway siya alang-alang sa maaamo sa lupa.” (Isaias 11:4) Si Jesus ay hindi na isang sanggol, kundi isang Tagapamahala na may mga katangiang iyan.